Nairita ang Dalagita sa Pangungulit ng Kaniyang Lola; Napaiyak Siya nang Makita ang Pinagkakaabalahan Nito
Namayani ang inis ni Kate nang marinig niya ang malakas na pamilyar na tugtog mula sa lumang radyo ng kaniyang Lola Anita. Sa tuwing naroon siya ay naririnig niya ang kantang iyon.
Nag-aaral kasi siya at hindi siya maka-pokus dahil sa ingay.
“Lola!” malakas na sigaw niya.
Agad naman itong sumungaw sa kaniyang silid.
“Tinawag mo ba ako, apo?” takang tanong nito.
Pigil ang inis na sinagot niya ang matanda.
“Opo, Lola. Pwede po bang pakihinaan ang radyo? Nag-aaral po kasi ako,” malumanay na pakiusap niya.
Ngumiti ito bago tumango.
“Sorry, apo. Pasensya na’t nakikinig lang ako ng mga tugtugin na uso noon,” anito.
“Sige po, Lola. Aral po muna ako,” pasimpleng taboy niya sa matanda.
Napabuntong hininga na lang si Kate. Mahal niya ang kaniyang lola at malapit ang loob niya rito, ngunit kung minsan ay hindi niya maiwasan na mainis kapag sumosobra na ito sa kulit.
Tradisyon na nilang magpipinsan na tumira sa bahay ng kanilang lola isang beses sa isang linggo. Nakatoka kung sino ang bibisita sa bawat araw. Ang iskedyul niya ay tuwing Sabado.
Iyon ang ginagawa ng pamilya nila upang masiguro na hindi mag-iisa ang matanda at may makakasama ito sa bahay.
Ngunit sa mga nakalipas na ilang buwan ay hindi niya ma-enjoy ang pagbisita sa matanda. Abala kasi siya sa eskwela, at marami siyang inaasikaso.
Ang lola niya naman ay parating masigla. Gusto nito na parating may ginagawa, at kung minsan ay hindi nito maiwasan na maabala siya.
Kagaya na lamang noong hapon na iyon. Natataranta na siya sa paggawa ng proyekto, ngunit ang lola niya ay pabalik-balik sa silid niya. Nahinuha niya na may kung ano na naman itong pinagkakaabalahan.
“Hija, pwede mo bang ilagay sa isang papel ang pangalan niyong magpi-pinsan? Isulat mo na rin ang pangalan ng mga magulang mo, at ng mga tito at tita mo…” utos nito.
Nilingon niya ang matanda.
“Lola, bakit po hindi na lang ikaw ang magsulat?” usisa niya.
“Kasi gusto ko sana ‘yung “print” ba ang tawag doon, apo? ‘Yung sa kompyuter ka magsusulat para mas maganda? Hindi naman ako marunong niyang kompyuter na ‘yan, apo. Pakisuyo ko na sana sa’yo,” litong pakiusap nito.
Napailing na lang siya nang maunawaan ang sinasabi nito.
Naiinis man ay itinipa niya sa kaniyang laptop ang pangalan nilang magpi-pinsan. Pagkatapos ay ipin-rint niya iyon sa makulay na papel at iniabot sa matanda.
Akala niya ay aalis na ang kaniyang lola, ngunit hindi pa pala!
“Pwede ba na tulungan mo ako maggupit, apo? Malabo na ang mata ko, at baka masira ko pa…” nakangiwing sabi ng matanda.
Hindi na napigil ni Kate ang inis at naibagsak niya ang kamay niya sa lamesa, dahilan upang gumawa iyon ng malakas na ingay.
“Lola, marami po akong ginagawa. ‘Wag ngayon! Kayo na po muna ang gumawa niyan!” halos pasigaw na bulalas niya sa matanda.
Napapitlag ito sa labis na gulat. Kapagkuwan ay marahang napaatras bago lumabas mula sa kaniyang silid.
“Sorry, apo. Hindi na kita guguluhin, pangako,” pilit ang ngiting turan nito.
Tatlumpung minuto ang lumipas ngunit nakatulala pa rin si Kate sa binabasa niyang libro. Wala siyang maunawaan doon, at paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang ginawa niyang pagsigaw sa kaniyang Lola Anita.
“Kailangan kong mag-sorry kay Lola…” bulong niya bago tumayo at tumungo sa balkonahe kung saan madalas nakatambay ang matanda.
Doon ay naabutan niya ang mga nagkalat na makulay na papel at mga litrato ng pamilya nila. Sa radyo ay maririnig ang paboritong himig ng kaniyang lola.
Ang matanda ay nakasalampak sa sahig, tila may kung anong idinidikit.
“Kate? Sorry, hija, napalakas yata ang tugtog ko! I-off ko na ang radyo,” tarantang wika nito.
Pinigilan niya ang matanda.
“Hindi po, Lola. Lumabas po ako kasi gusto ko na mag-sorry. Hindi po tama na sinungitan ko kayo,” aniya.
Matamis itong ngumiti.
“Iyon ba? ‘Wag mong alalahanin iyon, apo. Kilala kita, at alam ko na mabait kang bata. Alam ko na hindi mo sadya iyon,” saad nito bago ginagap ang palad niya.
“Bumalik ka na roon at gawin mo na ang dapat mong gawin,” susog nito.
Umiling siya bago yumakap sa matanda.
“Pahinga muna po ako. Tutulungan ko po kayo. Ano po ba ang ginagawa n’yo?” tanong niya bago inusisa ang ginagawa ng matanda.
Nang yukuin niya ang ginagawa nito ay nakita niya ang mga larawan nila. Sa bawat larawan ay may nakadikit na papel kung saan nakasulat ang pangalan ng tao sa larawan.
“Bakit po may pangalan ang mga picture namin, ‘La?” takang usisa niya.
Isa-isang dinampot ng matanda ang mga larawan.
“Hindi na kasi ako bumabata, Kate. Posible na malimutan ko kayo. At ayokong mangyari ‘yun, apo. Dahil ang pamilya ay hindi dapat nakakalimot,” halos pabulong na wika ng matanda.
“Kaya isa-isa kong nilalagyan ng pangalan ang mga larawan. Malimutan ko man ang mga mukha niyo ay maalala ko pa rin ang mga pangalan niyo. Hindi naman siguro kayo magtatampo, hindi ba?” nakangiting biro ng matanda.
Tumulo ang luha ni Kate. Sa sobrang abala niya sa sarili niyang mga problema ay unti-unti niyang nakalimutan na sulitin ang mga araw na kasama niya pa ang kaniyang Lola Anita. Nalimutan niya na tumatanda na rin ito.
“Kahit malimutan mo kami, hindi kami magtatampo. Hindi ka namin makakalimutan, Lola. Mahal na mahal ka namin,” lumuluhang bulalas niya.
Isang aral ang itinuro ng kaniyang Lola Anita. Ang pamilya ay walang kondisyon—ang pamilya ay pamilya. Ang pamilya ay hindi nagbabago malakas ka man o mahina, masaya o malungkot, abala o hindi. Kaya parati natin silang alalahanin at bigyan ng atensyon at pagmamahal hangga’t narito pa sila.