Inday TrendingInday Trending
Ipinangsugal ng Ginang ang Matrikula ng Kaniyang Panganay; Suswertehin ba Siya o Uuwing Luhaan?

Ipinangsugal ng Ginang ang Matrikula ng Kaniyang Panganay; Suswertehin ba Siya o Uuwing Luhaan?

Dala ang tatlong libong piso ay tinungo ni Tess ang pasugalan. Kabado man siya ay umaasa siya na may magandang kahihinatnan ang pagpunta niya roon.

Ang totoo ay pang-matrikula ng panganay niyang anak ang pera na iyon.

Subalit bilang sa susunod na linggo pa naman nila ibabayad ‘yun ay napagdesisyunan niya na makipagsapalaran at sumubok na palaguin ang pera.

“Mabuti na ito, kaysa naman nakatengga lang ang pera,” sa isip-isip niya.

Marami nang tao nang makapasok siya sa lugar, kahit na alas tres pa lang ng hapon. Sa kabutihang palad ay may iilan pang bakanteng upuan kung saan siya maaaring sumingit.

“Mukhang may pera tayo ngayon, ha?” nakangising bungad ni Berting nang maupo siya sa tapat nito. Eksperto nitong binabalasa ang mga baraha.

Napangisi na rin si Tess. Maganda kasi ang pakiramdam niya. Palagay niya ay suswertehin siya ngayong araw. Ilang sandali pa ay pokus na ang lahat ng manlalaro sa kani-kanilang mga baraha. Bawat isa ay gumagana ang isip at nagpa-plano ng istratehiya upang manalo ay makuha ang tumpok ng pera sa gitna ng mesa.

Nang matapos ang unang round ng laro ay ngiting-ngiti si Tess. Siya kasi ang nanalo. Mukhang tama ang pakiramdam niya, mukhang lalago ang pera niya.

“Hindi ako nagkamali. Mabuti nga at madaragdagan ang panggastos ko,” sa isip-isip niya habang tuwang-tuwang nakatingin sa kaniyang mga nabunot na baraha. Sa ganda ng baraha niya ay mukhang siya na naman ang mananalo!

Hindi nga nagkamali si Tess. Sa loob lamang ng trenta minuto ay naging nadagdagan ng dalawang libo ang pera niya.

“Mukhang swerte si Tess ngayon, ha!” puna ni Berting. Bahagya itong nakangiwi, marahil dahil malaki-laki na rin ang talo nito.

Nagsunod-sunod ang pagkapanalo ni Tess. Bago pa niya mamalayan, ang tatlong libo niya ay umabot na ng walong libo.

Isa-isa nang nag-alisan ang mga kalaban niya, hanggang sa siya na lang ang naiwan sa mesa.

Mabilis siyang nag-isip. Hindi na rin siya lugi sa panalo niyang limang libo. Naisip niya na mas mabuting umuwi na siya, kaysa matalo pa.

Tumayo siya sa kinauupuan. Palabas na siya nang may tumawag sa pangalan niya.

“Tess, dito ka muna!”

Nang lingunin niya ang sumigaw ay nakita niya si Minnie, ang kumare niya. Alanganin siyang lumapit.

“Bakit ka naman uuwi, eh napakaaga pa? Makipaglaro ka muna sa amin. Balita ko ay malaki raw ang panalo mo,” buyo nito.

“Mare, sa susunod na, sayang kasi, baka matalo pa,” marahan niyang tanggi.

“Ikaw naman! ‘Wag mong sayangin ang swerte mo! Lalago pa ‘yan!” anito.

Sa huli ay nakumbinsi rin siya ng kapitbahay.

Ngunit mukhang lumipad na ang swerte. Kung kanina ay sunod-sunod ang pagkapanalo niya, ngayon naman ay nagsunod-sunod ang pagkatalo niya.

Nagsimula nang kumabog ang dibdib niya nang makita na isang libo na lang ang natira sa pera niya.

Ang isip niya ay binibigyan na siya ng babala na umuwi na, ngunit nanaig ang kagustuhan niya na mabawi ang natalo sa kaniya.

Pikit mata niyang itinaya ang huling isa libo.

Nanlambot siya nang makita ang kaniyang mga baraha. Pinakamalas na kombinasyon pa ang nakuha niya! Wala siyang pag-asa na manalo.

Laglag ang balikat ni Tess nang matapos ang laro. Tila nanlalambot ang tuhod niya, hindi siya makatayo.

“May problema ba, mare?” usisa ni Minnie. Malaki ang ngiti nito. Ito kasi ang pinakamaraming napanalunan.

“‘Yung natalo ko kasi… Pang-matrikula ni Annie sa susunod na linggo,” dismayado niyang kwento.

“Ikaw kasi, tinawag mo pa ako. Natalo tuloy!” dagdag biro niya.

Nanlaki ang mata nito, tila nagsisisi, lalo pa’t inaanak nito ang panganay niyang anak.

“Diyos ko naman, mare! Sana sinabi mo!” nagsisisi nitong bulalas.

Dumukot ito sa pitaka bago iniabot sa kaniya ang tatlong libong piso.

“Hayan. Balato ko ‘yan sa’yo. Umuwi ka na at baka matukso ka pa,” payo nito bago umalis. Hindi matapos-tapos ang pasasalamat niya sa babae.

Nakahinga nang maluwag si Tess. Mabuti na lamang at mabait at galante ang kumare niya.

Lalabas na siya nang makita niya ang isang bakanteng upuan sa mga nagma-mahjong. Alam niya ang larong iyon dahil mahilig mag-mahjong ang kaniyang ina noon.

Wala sa loob na lumapit siya sa mga naglalaro, habang mahigpit ang hawak niya sa kaniyang pitaka.

Nanghihinayang siya at naroon pa rin ang kagustuhan niya na mapalago ang hawak niyang pera.

Hindi niya napigil ang sarili na lumapit at sumubok.

Makalipas ang isang oras ay naiwan siyang tulala, habang walang kapiso-piso na natira sa kaniyang pitaka.

Tulala siyang naglakad pauwi, habang sising-sisi sa kaniyang desisyon.

“Sana pala ay umuwi na lang ako,” maluha-luha niyang bulong.

Nang makauwi siya ay naabutan niyang kumakain ang dalawa niyang anak. Nadurog ang puso niya nang makita ang ulam ng dalawa—piniritong tuyo.

Ilang sandali pa ay dumating ang kaniyang asawa mula sa trabaho. Bakas sa mukha nito ang matinding pagod.

Nadatnan din nito ang mga anak nila na kumakain. Gaya niya ay bumakas din ang matinding lungkot sa mukha ng kaniyang asawa.

Nagkatinginan sila.

“Hayaan mo at makakaraos din tayo. Ang mahalaga ay may pambayad na tayo sa matrikula ni Annie,” nakangiting wika ng kaniyang asawa.

Sa narinig ay hindi na napigil ni Tess ang mapaluha. Ang pera kasi na pinaghirapan ng masipag niyang asawa ay winaldas niya lang sa sugalan. Habang lumuluha ay ikinuwento niya sa asawa ang nagawa niyang pagkakamali.

Ngunit imbes na panunumbat ay puno ng pang-unawa na niyakap siya ng asawa.

“‘Wag ka nang umiyak. Gagawan natin ng paraan…” anito.

“Pero ipangako mo sa akin na hindi mo na ulit iyon gagawin,” seryosong saad nito.

Tumango siya. Alam niya sa sarili niya na hindi niya na uulitin ang kamaliang iyon. Hindi niya na muli pang sasayangin ang paghihirap at sakripisyo ng pamilya niya.

Advertisement