Inday TrendingInday Trending
Ayaw Niyang Magsabi ng “Mahal Kita” sa mga Magulang, Katwiran Niya’y Hindi Siya Sanay; Isang Tagpo ang Babago sa Kaniyang Pananaw

Ayaw Niyang Magsabi ng “Mahal Kita” sa mga Magulang, Katwiran Niya’y Hindi Siya Sanay; Isang Tagpo ang Babago sa Kaniyang Pananaw

Kinikilabutan ang binatang si Ian tuwing naririnig niyang nagsasabi ng mga salitang “mahal kita” ang kaniyang nobya sa mga magulang nito. Simula kasi pagkabata, hanggang ngayon na malapit na siyang ikasal sa karelasyon niyang dalaga sa loob ng sampung taon, ni minsan ay hindi siya nakapagsabi ng ganitong mga salita sa kaniyang mga magulang.

Wala rin kasi siyang maalalang tagpo sa kaniyang buhay na sinabihan siya ng ganitong salita ng kaniyang mga magulang lalo na ang kaniyang ama na palagi niyang nahuhuling may kausap na iba.

Sa katunayan, hirap na hirap pa siya noong una na magtiwala sa kaniyang nobya dahil nga pakiwari niya, anumang oras ay magagawa siya nitong lokohin dahil sa mga nagawa ng kaniyang ama sa kanilang pamilya.

Ngunit nang makilala niya ito maigi paglipas ng mga taon, doon niya napagtantong iba ito sa kaniyang ama dahilan para alukin niya ito ng kasal kahit hindi niya man ito sinasabi sa kaniyang mga magulang.

“Sigurado ka bang hindi sila magagalit sa ginawa mong pag-aalok ng kasal sa akin nang hindi nila alam?” tanong sa kaniya ng kasintahan, isang araw matapos niyang mag-propose rito.

“Bakit naman sila magagalit? Basta’t ayos sa mga magulang mo, ayos na sa akin ‘yon. Hindi ko kailangan ng basbas ng mga taong hindi ko naman nakitaan ng kakaunting pagmamahal,” paliwag niya rito habang nagluluto ng kanilang almusal.

“Kahit na, Ian, mga magulang mo pa rin sila,” giit nito.

“Oo na, magsasabi na ako, tumahimik ka na lang muna riyan, baka pumait ‘tong luto ko, ikaw rin ang mahihirapang kumain,” biro niya sa dalaga na ikinatawa na lamang nito.

Dahil sa payong iyon ng kasintahan, pagkatapos na pagkatapos nilang kumain ng almusal, agad siyang nagmaneho pauwi sa bahay ng kaniyang mga magulang.

Sisipol-sipol pa siyang pumasok sa kanilang gate at masayang nilaro ang kanilang asong todo tahol sa kaniya.

“Ilang buwan lang akong hindi umuwi rito, galit ka na sa akin?” tanong niya sa aso habang sinusubukan niya itong himasin ngunit imbes na tumigil kakatahol, bahagya pa nitong kinagat ang pantalon niya saka siya pilit na hinila papasok ng kanilang bahay, “Oo na, bantay, papasok na ako! Saglit lang!” sigaw niya.

“Ian! Ian! Anak! Ikaw ba ‘yan? Tulungan mo ako rito sa banyo! Ang tatay mo, nabag*k! Kanina pa ako tumawag ng ambulansya pero hanggang ngayon wala pa ring dumarating! Hindi ko siya makayanan ilabas! Dalian mo!” mangiyakngiyak na sigaw ng kaniyang ina kaya siya’y nagmadaling magpunta roon saka buong lakas na binuhat ang kaniyang ama na agad niya na ring diniresto sa kaniyang sasakyan upang madala na sa ospital.

Habang nagmamaneho siya, tila dinudurog ang puso niya sa mga hikbi at panalangin ng kaniyang ina. Sabi pa nito, “Huwag niyo po munang kuhanin ang asawa ko, hindi ko pa po kayang mag-isa sa buhay.” Mabuti na lang, hindi ganoon naaapektuhan ang ulo ng kaniyang ama. Base sa doktor, nagkaroon lang ito ng kaunting pagdurugo at nawalan ito ng malay dahil sa kabang naramdaman nang makita ang sariling dugo.

Nang matanggap nila ang balitang iyon, saktong nagkamalay naman ang kaniyang ama at siya’y labis na naantig nang makita kung gaano kasaya ang kaniyang ina.

Doon niya biglang napag-isip-isip, habang pinagmamasdan niya ang mga magulang na masayang nagkakamustahan, na tumatanda na nga ang mga ito. Pareho nang kulubot ang kanilang mga balat, puti na ang buhok, at medyo mahina na ang pandinig.

Habang nag-iisip, nagulat naman siya ng bigla siyang tawagin ng ama at siya’y pinalapit upang yakapin sa unang pagkakataon.

“Salamat, anak, kung hindi ka siguro dumating, hanggang ngayon, nasa banyo pa rin ako at naliligo sa sarili kong dugo,” mangiyakngiyak nitong sabi, wala siyang ibang nasagot kung hindi pilit na ngiti.

“Anak ko, alam kong galit ka pa rin sa’kin hanggang ngayon pero gusto kong sabihin sa’yo, nagbago na ako at araw-araw ko nang pinaparamdam sa nanay mo ang pagmamahal ko sa kaniya. Kaya ngayon, hiling ko, bago ako tuluyang mawala, hayaan mo akong ipakita rin sa’yo ang pagmamahal ko,” pakiusap nito na biglang ikinagaan ng puso niya.

“Totoo ‘yon, anak, araw-araw ka naming napag-uusapan. Kung maibabalik nga lang namin ang panahon, magiging mabuting magulang kami sa’yo,” hikbi ng kaniyang ina saka rin siya niyakap.

Dahil sa tuwang biglang tumakbo sa puso niya, mariing niya ring niyakap ang mga magulang saka niya sinabing, “Mahal na mahal ko po kayo. Pasensya na rin po sa mga inasal ko,” dahilan kaya lalo silang nag-iyakang tatlo.

Nang mahimasmasan na sila, agad niya na ring binalita ang pagpapakasal nila ng kaniyang nobya na masaya namang tinanggap ng mga ito.

Sa katunayan, nang malaman ito ng kaniyang ama, dali-dali itong tumawag sa lahat ng kanilang kaanak upang ibalitang ikakasal na ang nag-iisa niyang anak na labis niyang ikinasaya.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya simula noong araw na ‘yon. Maayos na ang pamilya niya, mayroon pa siyang mapagmahal na asawang nagbigay tulay upang maging mabuti siyang anak kahit sa huling sandali ng kaniyang mga magulang sa mundong ito.

Advertisement