Inday TrendingInday Trending
Masama ang Loob Niya sa Kaniyang Amang OFW; Lalo Siyang Nagpuyos sa Galit nang Umuwi na Ito sa Pilipinas

Masama ang Loob Niya sa Kaniyang Amang OFW; Lalo Siyang Nagpuyos sa Galit nang Umuwi na Ito sa Pilipinas

Kung ang ibang mga anak ay natutuwa sa tuwing uuwi ang kanilang magulang galing ibang bansa rito sa Pilipinas, ibang-iba ang binatang si Bernie. Hindi siya nagpapakita ng kahit na katiting na kasabikan o kaligayahan sa tuwing nakikita niya sa kanilang bahay ang kaniyang ama.

Sandamakmak man ang materyal na gamit na pasalubong nito sa kaniya kagaya ng orihinal na sapatos, mga naggagandahang damit, laptop, at kung ano pang mga gamit o tsokolate na maaari niyang magustuhan, hindi niya pa rin ito pinapansin. Papansinin niya lang ito kapag sinermunan na siya ng kaniyang ina o kapag mayroon siyang kailangan dito.

Hindi niya pa rin kasi matanggap na lumaki siyang walang ama dahil sa trabaho nito sa ibang bansa. Nasa puso niya pa rin ang panghihinayang at inggit kapag nakakarinig siya ng mga kwento sa kaniyang mga kaibigan kasama ang kani-kanilang mga ama noong kabataan nila.

Alam man niyang ang pagtatrabaho nito sa malayong lugar ang siyang naging dahilan para magkaroon sila ng magandang buhay at siya’y makapag-aral sa isang kilalang unibersidad sa Maynila, hindi niya alam kung bakit hindi niya pa rin magawang mapalagay ang loob niya rito.

Kaya naman, ngayong umuwi na ng Pilipinas ang ama niyang ito at wala nang balak pang bumalik sa ibang bansa, galit ang agad niyang naramdaman. Lalo pa nang magsimulang maghirap ang kanilang pamilya dahil sa palpak na negosyong itinayo nito sa palengke.

“Bakit ba kasi umuwi-uwi ka pa rito sa Pilipinas? Sana tinuloy mo na lang ang pagtatrabaho sa ibang bansa! Sumugal ka pa sa negosyo, eh, wala ka namang alam doon,” wika niya sa ama, isang araw nang maabutan niya itong nakalumbaba sa tapat ng kanilang tindahan.

“Gusto ko kasing makasama na kayo ng nanay mo, anak. Ayoko nang dagdagan pa ang mga taong hindi ko kayo kasama,” makungkot nitong tugon.

“Ngayon mo pa talaga naisip ‘yan, ha? Kung kailan matanda na ako at kulubot na ang balat ni mama. Sana habambuhay ka nang nanirahan sa ibang bansa para naman hindi ko na kailangang makisama pa sa’yo,” galit niyang sagot.

“Anak, naman…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at agad nang nagdabog.

“Kita mo, ngayong pabagsak na ang bigasang tinayo mo, sinong napeperwisyo mo? Ako, ‘di ba? Imbes na naghahanap ako ng magandang trabaho ngayon, pinilit pa ako ni mama na magbantay dito at makasama ka! Bumalik ka na lang ng ibang bansa at ipasara mo na ito! Wala na rin namang patutunguhan ang negosyo mong ito!” inis niya pang sabi saka agad na sinipa ang isang sakong bigas na nasa tabi niya.

Pagkatapos ng usapan nilang iyon, hindi na kumibo pa ang kaniyang ama. Tahimik na lang itong naghintay ng mamimili hanggang sa makauwi na sila ng bahay.

Bahagya man siyang nakokonsensya sa lahat ng mga sinabi, tinigasan niya pa rin ang loob at agad na nagtungo sa sariling silid upang magpahinga.

Kaya lang, maya maya, nakaramdam na rin siya ng gutom kaya siya’y nagtungo na sa kanilang kusina. Ngunit ni sinaing ay wala pang nakahanda sa kanilang hapag-kainan kaya napilitan siyang sunduin sa silid ang kaniyang ina.

Ngunit pagkalapit niya pa lang sa pintuan ng silid ng kaniyang mga magulang, hagulgol na ng kaniyang ama ang narinig niya.

“Alam ko namang kasalanan ko kung bakit nagkakagan’yan ang anak natin, mahal, pero itong pagkabagsak ng negosyo natin, hindi ko naman iyon sadya, hindi ko iyon gusto. Ang gusto ko nga, mawala na lang ako sa mundo dahil wala na akong nagawang tama para sa pamilyang ito!” hikbi nito na unang beses niyang narinig kaya agad na tumagos sa kaniyang puso.

Doon niya napagtanto sa unang pagkakataon na katulad niya, tao rin pala ang kaniyang ama at may bigat ding nararamdaman katulad niya.

Hindi niya mawari kung bakit noong pagkakataong iyon, bigla na lang niya naramdamang lumakad ang mga paa niya papasok sa silid na iyon saka niya niyakap ang nag-iiyakan niyang mga magulang. Nang maramdaman siya ng kaniyang ama, lalong lumakas ang hagulgol nito at panay ang paghingi ng tawad sa kaniya.

Dito na siya nagpasiyang patawarin ang ama at hayaang pag-ibig naman ang dumaloy sa kanilang pamilya.

Isinantabi na niya ang sama ng loob niya simula palang noong bata siya at nagpadesisyong tuluyang tulungan ang kaniyang ama sa pagnenegosyo nang walang halong pangangamba o panunumbat.

At dahil nga nakapagtapos siya ng kurso sa pagnenegosyo, ginamit niya ang lahat ng kaniyang natutuhan at ilang buwan lang ang nagdaan, lumago ito nang lumago hanggang sa naging isang malaking bigasan na ito sa kanilang buong lalawigan.

Dahil doon, sa pangalawang pagkakataon, muli niyang nakitang umiyak ang kaniyang ama ngunit hindi na dahil sa pagkadismaya sa sarili kung hindi dahil na sa tagumpay na naibigay niya sa kanilang pamilya.

Wala man siyang propesyonal na trabaho dahil sa negosyong iyon ng kaniyang ama, mas malaki naman ang kaniyang kinikita rito at nakakasama niya pa ang kaniyang mga magulang na talagang nagbigay sa kaniya ng taos pusong saya.

Advertisement