Katakot-takot na Sermon ang Kaniyang Natanggap sa Trabaho Nang Araw na Iyon; Pangaral ang Pabaon ng Taxi Drayber sa Kaniya
Sermon ang agahan ng dalagang si Clarisse ngayong araw. Pagkapasok na pagkapasok niya sa opisina, ramdam na kaagad niya ang tensyon sa mukha ng kaniyang mga katrabahong lahat ay natataranta sa pagtatrabaho at dahil nga kakarating niya lamang, nagtanong siya sa isa sa mga ito.
“Anong mayroon? Bakit parang lahat kayo ay aligaga? May biglaan na naman bang pinagawa sa inyo si sir?” tanong niya saka naupo pa sa tabi nito.
“Kailan ako nagpagawa ng biglaan, Clarisse? Huli ka na ngang dumating, may lakas ka pa ng loob na pagsalitaan ako ng gan’yan?” sabat ng kanilang boss na talagang ikinataranta niya.
“Ay, pasensya na po, sir. Nagulat lang po ako sa pagkataranta nilang lahat,” tugon niya habang nagkakamot ng ulo.
“Kung hindi ka late pumapasok, alam mo sana ang nangyayari!” sigaw nito sa kaniya.
“Sir, hindi naman po ako huling pumasok. Sa katunayan po, may sampung minuto bago ang takdang oras ng pagpasok ko,” magalang niyang katwiran.
“Sumasagot ka pa? Kahit kailan talaga, wala sa lugar ang mga katwiran mo! Palpak na nga ang mga dokumentong pinapasa mo, nangangatwiran ka pa! Alam mo ba, naiisip ko minsan, tanggalin na lang kita rito sa trabaho! Ako rin naman ang gumagawa ng mga trabaho mo, eh!” sermon pa nito saka pinagtatapon sa basurahan ang mga dokumentong pinasa niya kahapon.
“Clarisse, huwag ka nang sumagot. Mainit ang ulo ni ma’am pagkapasok pa lang dahil nahuli niyang may kabit ang asawa niya. Alam mo namang ilang beses na ‘yang nagretoke para hindi na mangbabae ang asawa niya. ‘di ba? Maupo ka na ro’n sa upuan mo, huwag mo na lang intindihin ang mga sinasabi niya,” mahinang sabi sa kaniya ng katrabaho kaya kahit na gustong-gusto na niyang umiyak, tahimik siyang naupo sa pwesto niya habang patuloy na pinapakinggan ang sermon ng kanilang boss.
Hindi pa roon natapos ang panenermon nito sa kaniya dahil pagsapit ng alas dose ng tanghali, nang nagpaalam siya ritong kakain muna siya, tinapon nito sa harap niya ang baon nitong pagkain.
“May nakita ka na bang lumabas at kumain sa opisinang ito? Wala pa, hindi ba? Lahat kasi kami ay abala sa mga dokumentong kailangang ipasa sa mga nakakataas! Tapos ikaw na wala na ngang ambag sa opisina ang siyang mangunguna pa sa pagkain? Hindi ka ba nahihiya?” sigaw nito at dahil alam niyang narinig ito ng lahat ng iba pa niyang katrabaho, dali-dali na lang siyang bumalik sa upuan niya at doon pasimpleng umiyak dahil sa pagkahiya at pagkagutom.
Sa buong maghapong iyon, wala siyang ibang narinig kung hindi sermon at reklamo na talagang nagparamdam sa kaniya na wala siyang kwentang empleyado at wala siyang nagawang tama sa opisinang iyon.
Halos sumayad na sa lupa ang nguso niya dahil sa sobrang kalungkutan nararamdaman niya. Pagkalabas na pagkalabas niya ng opisina, agad siyang pumara ng taxi at doon umiyak nang umiyak.
“Ayos ka lang ba, miss?” tanong sa kaniya ng matandang taxi drayber, imbis na sumagot, tumango-tango lang siya, “Teka, ikaw ba ‘yan, Ma’am Clarisse?” tanong nito.
“Ah, eh, opo, kilala niyo po ako, lolo?” tanong niya saka agad na pinunasan ang kaniyang luha.
“Aba’y oo naman! Paano kita makakalimutan? Ikaw kaya ‘yong nagbigay ng pagkain sa apo kong iyak nang iyak dahil naiinggit sa dala mong french fries! Kung alam mo lang kung gaano mo napasaya ang apo ko no’ng araw na iyon, ma’am!” tuwang-tuwa kwento nito.
“Ay, opo, natatandaan ko na. Kumusta na po siya?” pang-uusisa niya pa.
“Ayon, medyo malaki na kaya hindi na nasama sa akin mamasada! Pero alam mo, lagi ka pa ring tinatanong sa akin no’n! Kung kaya ko lang pigilan ang lungkot na nararamdaman mo, ma’am, gagawin ko, eh, para makabawi ako sa’yo at para maganda-ganda naman ang kwentong maiuuwi ko sa apo ko!” sabi pa nito na bahagya niyang ikinangiti.
“Naku, hindi na po kailangan, lolo, problema lang po ito sa trabaho,” tugon niya saka malalim na huminga.
“Kahit ano pa ‘yan, ma’am, tandaan mo, hindi porque may mali kang nagawa sa trabaho at nasermunan ka nang matindi dahil doon, hindi ka na mabuting tao o hindi ka na magaling sa ginagawa mo. Tiyak ako, hindi lang ang apo ko ang natulungan mo. Siguradong para sa kanila, ikaw ang da best na tao!” nakangiti nitong sabi na muling nakapagpaiyak sa kaniya.
Doon niya napagtantong puro kapalpakan man siya sa trabaho na nagpabigat maigi sa puso niya, may mga tao palang nakakaalala pa rin sa mga maliliit na bagay na ginawa niya noon na talagang nagpagaan ng dibdib niya.
Ito ang tanging dahilan upang muli siyang ganahang magtrabaho kinabukasan kahit pa bunganga na naman ng kanilang boss ang kaniyang agahan.
Paulit-ulit man siya nitong sinesermunan, natutuhan niya itong hindi personalin at hindi ito dalhin hanggang sa kaniyang pag-uwi. Sa ganoong paraan, nakakapagtrabaho na siya nang maigi, nagkakaroon pa siya ng gana na tumulong sa iba pagkauwi niya galing trabaho.