Dala ng Matinding Sama ng Loob sa Nobyong Nang-Iwan sa Kaniya sa Araw ng Kanilang Kasal ay Sumakabilang Buhay ang Babae; ‘Di Inasahan ng Lalaki na Babalik Siya’t Maghihiganti
Napakasaya ni Lorrea nang gabing iyon dahil isineselebra niya ang kaniyang ikadalawampu’t tatlong kaarawan. Mas nadagdagan pa ang kaligayahan niya dahil gustung-gusto niya ang suot na kulay pulang gown. Binili niya ito sa mall, napakamahal ng presyo na bagay na bagay sa kaniya.
“Happy birthday to you. Happy birthday to you,” kanta ng mga kamag-anak niya, mga kaibigan at iba pang bisita.
Ang dalaga ay sunod sa layaw sa kaniyang mga magulang. Lumaki itong taglay ang pagkagaslaw sa pagkilos.
“Hello, boys!” malandi niyang sabi sa mga bisita niyang lalaki.
“Happy birthday, Lorrea! Napakaganda mong lalo sa suot mong iyan,” sabi ng isa.
Alam niya na siya ang pinakamaganda sa party na iyon kung kaya’t taas noo niyang ipinangalandakan sa mga kalalakihan ang angkin niyang alindog.
“Sa akin nakatingin ang lahat ng lalaki. Nabato balani na naman sila ng taglay kong kagandahan kaya naman matindi ang pagseselos ng pobre kong nobyo,” natatawa niyang sambit sa isip habang pinagmamasdan sa isang tabi ang kasintahan niyang si Rodel.
Tama nga ang hinala niya, sa oras na iyon ay sinisilihan na ng pagseselos ang nobyo niya na kanina pa nakatanaw sa kanila.
“Sige, magpakaligaya ka…sa araw ng ating kasal ay sa akin ang huling halakhak,” bulong ng lalaki sa sarili.
Samantala, si Lorrea ay patuloy pa rin ang pang-aakit sa mga kalalakihan na dumalo sa party niya.
“Hi Edward, mabuti naman at nakapunta ka,” sabi niya sa isa mga ka-opisina niyang matindi ang pagkagusto sa kaniya.
“Good evening beautiful, happy birthday. Siyempre, hindi ko palalampasin ang espesyal na araw mong ito,” sagot ng lalaki sabay halik sa kamay niya.
“How sweet naman,” kinikilig na sabi niya.
Maya maya ay nilapitan naman sila ng isa pang lalaki.
“Happy birthday, Lorrea. You’re so pretty in your red gown,” anito saka hinalikan siya sa pisngi.
“Thank you, Ian,” tugon niya.
Ang hindi niya alam ay kanina pa nagngingitngit sa inis si Rodel.
“Lorrea!” mariin nitong sabi.
Makalipas ang ilang linggo ay sumapit na ang bisperas ng kasal nina Lorrea at Rodel.
“Bagay ba sa akin ang wedding gown ko, tita?” tanong niya sa kaniyang tiyahin nang sukatin niya ang trahe de boda.
“Bagay na bagay, lalo kang gumanda sa gown mong ‘yan!” tuwang-tuwa namang sabi nito.
Nang makita siya ng kaniyang inang si Donya Trinidad na suot niya ang damit pangkasal ay nanlaki ang mga mata nito.
“Ano ka ba naman, hija? Masamang isukat ‘yan, baka hindi matuloy ang kasal ninyo ni Rodel!” sigaw ng ina.
“Mommy naman, modern age na po ngayon, ‘no!”
“Naku, hija, huwag na huwag mong winawalang bahala ang kasabihan ng mga matatanda,” giit ng ginang.
“Gagawin ko ang gusto ko, mommy at walang makakapigil sa akin,” sagot niya.
Hindi na siya pinakialaman pa ng kaniyang ina. Ngunit ang paniniwala ni Donya Trinidad ay nagkatotoo. Sa araw ng kanilang kasal ni Rodel ay hindi ito sumipot sa simbahan at natuklasan niya na lang na sumama ito sa iba.
“H-hindi! Hindi ito totoo…iniwan ako ni Rodel, sumama siya sa ibang babae,” hagulgol niya.
“Anak, huminahon ka. Alam kong mahal na mahal mo si Rodel, pero tanggapin mo ang katotohanan,” sabi sa kaniya ng ina.
Ang totoo ay mahal na mahal naman talaga niya si Rodel. Pinagseselos lamang niya ito noong birthday party niya. Gusto niya kasi kapag nagseselos ang lalaki, mas nararamdaman niya na mahal siya nito pero mali pala ang pagkakakilala niya rito dahil ang totoo ay hindi siya minahal ni Rodel gaya ng pagmamahal niya rito. Samantala, dahil sa labis na pagdaramdam, naratay ang dalaga sa matinding pagkakasakit.
“Anak, huwag mo kaming iwan ng daddy mo,” hagulgol ni Donya Trinidad habang hawak ang kamay ng dalaga.
“H-hirap na h-hirap na ako, mommy…h-hindi ko na kaya,” naghihingalong sabi ni Lorrea.
Pagkaraan ng tatlong araw ay hindi na kinaya ni Lorrea at bumigay na ang katawan nito. Sumakabilang buhay siya na taglay ang matinding sama ng loob sa katipan.
Hindi nagtagal ay ipinagbili ng mga magulang ni Lorrea ang kanilang mansyon at nagdesisyong tumira na sa Amerika para makalimutan ang masakit na pagkawala ng anak. Pero makalipas ang ilang buwan, ang mansyon ay nabili naman ni Don Ernesto.
“Wow, mabuti’t tayo ang nakabili nitong mansyon, papa!” masayang sabi ni Celestina, anak ng mayamang matanda.
“Oo nga, eh. Ang sabi sa akin ay nasa Amerika na raw ang may-ari nitong bahay,” wika ni Don Ernesto.
Isang gabi, habang nag-aayos ng mga gamit sa kwarto ay napansin ni Celestina ang wedding gown na naiwan sa aparador. Ang kwartong iyon ay pag-aari dati ni Lorrea at ang wedding gown ay ang isinuot noon ng dalaga sa araw ng kasal nito.
“Ang ganda naman nito! Mukhang mamahalin talaga! Ito na lang ang isusuot ko sa araw ng aking kasal. Kanino kaya ito? Pag-aari kaya ito ng dating nakatira rito?” sabik na sabi ng dalaga.
Kinaumagahan, isang pamilyar na bisita ang dumalaw sa mansyon, si Rodel.
“Uncle, ‘di ko po alam na dito na pala kayo nakatira,” nagtatakang sabi ng lalaki. “Ang mansyon na ito…dito nakatira dati sina Lorrea,” bulong niya sa isip.
“Pasensiya ka na, hijo. Hindi agad namin nasabi sa iyo ang paglipat namin dito,” sagot ng matanda sa pamangkin.
“O, inumin niyo muna itong kape at baka lumamig,” sabi naman ni Donya Gimena, asawa ni Don Ernesto.
Maya maya, nagulat ang tatlo nang biglang lumitaw si Celestina.
“Mabuti’t hindi na ako mahihirapang maghanap sa iyo, Rodel,” humahalakhak na sabi ng babae.
“Huh! K-kilala ko ang boses na iyon…boses ni Lorrea!” gulat na sabi ng lalaki.
Sa kung anong kababalaghan, nagbago ang anyo ni Celestina.
“Masdan ninyo ako! At tikman ninyo ang king poot!” sigaw ng babae.
Biglang nagliparan ang mga kasangkapan sa loob ng mansyon.
“Nagbalik ako upang paghigantihan kayo!” wika ni Lorrea na patuloy pa rin sa paghalakhak.
Hindi naiwasan ni Don Ernesto ang aranya na bumagsak sa kaniya.
“Aaahhh!”
“Diyos ko! Ang uncle mo, Rodel, tulungan mo!” takot na takot at umiiyak na sabi ni Donya Gimena.
“Makinig ka, Lorrea, huwag mo silang idamay sa galit mo sa akin!” sigaw ni Rodel.
Saglit na natigil ang pagliliparan ng mga kasangkapan.
“Sige, Rodel sa isang kundisyon…alam mo ba na hanggang ngayon ay mahal pa rin kita? Ibig kong matuloy ang ating kasal. Ibig kong maisuot ang aking wedding gown. Kunin mo ito sa kwarto ko,” sambit ni Lorrea.
Nagmamadaling hinanap ni Rodel sa kwarto ni Celestina ang wedding gown. Mabilis din naman niya itong nahanap at…
“Nakikiusap ko sa iyo, manahimik ka na, Lorrea. Tanggapin mo ang katotohanan na hindi kita mahal. Binayaran lang ako ng iyong mga magulang para magpakasal sa iyo. Hindi ko maaatim na pakasalan ang babaeng hindi ko iniibig kaya pinili ko na lang na hindi sumipot sa simbahan. Ang totoo’y ibang babae ang minamahal ko at iyon ay walang iba kundi ang asawa kong si Rosenda, ang kasintahan ko noon.”
Nang ibigay ni Rodel ang gown sa babae ay isinuot ito ni Lorrea. Pagkatapos ay humiwalay ang kaluluwa nito sa katawan ni Celestina, ngumiti ito at unti-unting naglaho. Pati ang gown ay naglaho ring parang bula. Naiwan si Celestina sa sahig na walang malay.
“Tama ako, ang wedding gown ang kailangan mo, Lorrea, para tuluyan ka nang matahimik,” sambit ni Rodel.
Dahil kilalang-kilala niya ang pagkatao ni Lorrea, alam niyang mahal siya nito, pero mas mahal nito ang mga materyal na bagay gaya ng wedding gown na gusto lamang nitong ipangalandakan at ipagyabang sa araw ng kasal nila.
Ilang sandali pa at…
“M-mama, papa, a-anong nangyari?” tanong ni Celestina nang magkamalay.
“Diyos ko! Salamat, anak, at ligtas ka,” umiiyak na sabi ni Donya Gimena.
“Tapos na, wala na ang kaluluwa,” wika naman ni Don Ernesto na masakit pa rin ang katawan.
“Sana’y tuluyan nang manahimik si Lorrea,” bulong naman ni Rodel sa isip.
Mula noon ay hindi na nagpakita o nanggulo pa ang kaluluwa ni Lorrea kay Rodel at sa kaniyang pamilya.