Binabalewala ng Dalaga ang Tawag ng mga Magulang at Mas Inintindi pa ang Trabaho; Isang Nakakaiyak na Balita ang Sasalubong sa Kaniya
Ilang buwan pa lang nang magtapos sa kursong Marketing si Cathy. Dahil magaling at matalino naman ang dalaga ay mabilis siyang natanggap sa inaplayang trabaho sa isang kumpanya sa Ortigas. Nasa probinsya ang kaniyang mga magulang at siya naman ay umuupa sa isang maliit na apartment sa Maynila.
Dahil bago pa lamang sa trabaho at gusto niyang ma-promote agad sa opisina ay talagang sinipagan niya. Araw-araw siyang nag-o-overtime, ni hindi na siya nakakadalaw sa kanila. Hindi na rin siya nakakatawag sa mga magulang sa sobrang abala niya. Kahit nga Sabado at Linggo ay nagtatrabaho siya para mapansin ng boss niya ang pagpupursige niya at agad siyang i-promote.
Gumagawa siya ng report sa opisina nang biglang tumunog ang selpon niya. Sinagot niya iyon.
“Hello?”
“Anak?”
Kahit masakit na ang ulo sa ginagawa ay nagawa pa rin makipag-usap ng dalaga sa kabilang linya.
“O, inay…kumusta po?” aniya.
“Ikaw ang dapat naming kumustahin, anak. Matagal ka nang hindi dumadalaw dito sa atin, a! Miss na miss ka na namin ng tatay mo,” sabi ng nanay niya.
“Okey lang naman po ako rito, inay. Medyo busy lang po sa trabaho,” tugon niya. Magkukuwento pa sana siya sa ina nang biglang tumunog ang isa niyang selpon na ginagamit sa opisina. Nang tingnan niya kung sino ang tumatawag, nagulat siya dahil pangalan ng boss niya ang naroon.
“Basta anak, mag-iingat ka diyan ha? Huwag mong papabayaan ang sarili mo. Tumawag ka lang sa amin kung uuwi ka ha?” sabi pa ng nanay niya.
“Sige po, inay. Mamaya na lang po uli tayo mag-usap. Tumatawag po ang boss ko, sagutin ko lang po, siguradong importante itong tawag niya,” sagot niya. Hindi na niya hinintay pang sumagot ang ina at ibinaba na ang tawag. Ang totoo, pagkatapos niyang kausapin ang boss niya ay hindi na siya uli makakatawag sa mga magulang dahil tambak pa ang trabaho niyang gagawin sa kompyuter. Pag hindi na siya abala ay saka na lang siya tatawag sa kanila.
Mabilis na lumipas ang mga araw at mas lalo pang naging abala si Cathy, ni hindi na niya sinasagot ang tawag, text at chat ng mga magulang niya sa probinsya dahil alam niyang tatanungin lang siya ng mga ito kung kumusta na siya at kung kailan siya uuwi.
Isang araw, ini-announce ng boss nila na isa siya sa pinagpipilian para maging marketing manager.
“Dalawa ang nakikitaan ko ng malaking potensyal para posisyon. Una ay si Ms. Cathy San Pedro at ang ikalawa ay si Ms. Samantha Bernardino. Pipiliin ang bagong marketing manager sa makakapagpasa ng mas magandang proposal sa bago nating project sa ating kliyente. Good luck girls!” wika ng kanilang boss.
Lalong nataranta si Cathy, ito na ang pagkakataon niya. Napasulyap pa siya sa ka-opisina niyang si Samantha, ito ang mahigpit niyang kalaban sa promosyon. Magaling din ito at masigasig kaya upang hindi siya matalo ay mas lalo niyang pinagbutihan.
Kinagabihan ay ginawa niya agad ang proposal na pinagagawa ng boss niya. Kailangan ang gawa niya ang mapili para sa kaniya mapunta ang promosyong hinahangad niya. Pero habang abala siya sa paggawa ng marketing proposal na magluluklok sa kaniya sa tagumpay ay bigla namang tumunog ang selpon niya. Nakita niya na ang nanay niya ang tumatawag. Hindi siya pwedeng istorbohin lalo na’t nagmamadali siyang matapos iyon. Hindi siya maaaring pumalya sa proposal. Imbes na sagutin ang tawag ay nagtext na lang siya sa numero ng nanay niya.
“Inay, sorry po pero busy ako ngayon eh. Napakahalaga para sa akin ang ginagawa kong ito kaya please lang, huwag niyo muna akong kulitin, okey?” sabi niya sa text.
Napansin niyang hindi na uli tumawag ang ina, malamang nabasa na nito ang text niya. Makalipas ang dalawang oras ay nahimasmasan siya at napabuntung-hinga. Sinubukan niyang tumawag sa nanay niya pero naka-off na ang selpon nito. Naisip niya na baka nagtampo na ito pero wala siyang magagawa, mas mahalaga na matapos niya ang proposal.
Kinaumagahan ay ipinasa na niya sa kanilang boss ang marketing proposal na pinaghirapan niya. Sa araw ding iyon ia-announce kung sino ang bagong marketing manager. Nang sumapit ang hapon ay malakas na palakpakan sa opisina ang iginawad kay Cathy, masaya siyang sinalubong ng kanilang boss.
“Congratulations, Ms. San Pedro dahil ang proposal mo ang napili namin para sa proyektong gagawin ng ating kumpanya with our clients, kaya ikaw ang karapat-dapat sa posisyon. Ikaw na ang bagong marketing manager. You deserve it, ang husay mo!” sabi nito at kinamayan pa siya.
Walang pagsidalan ng kasiyahan niya. Sobrang sabik niyang tinawagan ang mga magulang niya para ibalita na nakamatan na niya ang pinakamimithi niyang promosyon pero naka-off pa rin ang selpon ng mga ito.
Nagdesisyon siyang humingi ng vacation leave sa boss niya para bisitahin na ang mga magulang sa probinsya at pinayagan naman siya. Kinaumagahan ay ginayak na niya ang mga gamit at pasalubong na binili niya para sa kaniyang pag-uwi. Sa wakas, madadalaw na niya ang nanay at tatay niya. Alam niyang may tampo ang mga ito dahil sa hindi pagsagot sa mga tawag niya pero kapag nalaman ng mga ito ang magandang balita ay mapapatawad din siya ng mga magulang.
Pagdating niya sa kanila ay nagulat pa siya nang may madaanang burol sa plaza. Maraming ataul ang naroon. Pero lalong nanlaki ang mga mata niya nang makitang wala ang maliit nilang bahay sa ibaba ng bundok at mas kinabahan siya nang malamang nagkaroon ng pagguho ang bundok sa lugar nila. Isang matandang lalaki ang nagsabi sa kaniya na nagkaroon ng malaking landslide nang umulan nang malakas noong mga nagdaang araw.
Maya maya ay nilapitan ng siya ng isang babae, tila ba naiiyak ito. Namukhaan niya kung sino iyon, si Aling Anna na nagtitinda ng palamig sa kanila.
“Aling Anna! Ano po ang nangyari rito? Balita ko po’y nagka-landslide daw? Nasaan po sina nanay at tatay?” tanong niya.
Hindi alam ng ale kung ano ang isasagot, tumingin lamang ito sa kaniya at sinabing…
“Naroon sila hija…sa plaza,” anito.
Dali-dali siyang pumunta roon at sinalubong naman siya ng kapitan sa lugar nila.
“Bakit ngayon ka lang umuwi, Cathy? Gumuho ang gilid ng bundok kung saan kayo nakatira. Sampung pamilya ang hindi pinalad na makaligtas sa aksidente, k-kasama na ang mga magulang mo,” bungad ng lalaki.
“Diyos ko, hindi!” sigaw niya.
Napag-alaman niya na dinaanan pala ng malakas na bagyo ang probinsya nila at nagkaroon ng landslide. Natabunan ng gumuhong lupa ang mga bahay sa ibaba ng bundok at isa ang bahay nila sa natabunan. Walang nakaligtas sa nangyari, lahat ng pamilyang nakatira sa ibaba ng bundok ay nas*wi kasama ang nanay at tatay niya.
Hindi man lang niya nakita sa balita sa telebisyon at peryodiko ang nangyaring landslide at malakas na bagyo na tumama sa lugar nila dahil sa sobrang abala niya sa trabaho.
Napahagulgol na si Cathy nang ituro sa kaniya ng kapitan ang dalawang ataul ng mga magulang niya, kasama ng mga ito ang iba pang binawian ng buhay sa pagguho. Laking panghihinayang niya dahil hindi man lang niya sinagot ang tawag ng nanay niya, iyon na pala dapat ang huling pag-uusap nila. Nawalan ng saysay ang lahat ng pagsisikap at paghihirap niya sa trabaho, ang kapalit pala niyon ay ang pagkawala ng mga magulang niya.
Aanhin pa niya ang promosyon at malaking sahod kung kahit kailan ay hindi na niya makakasama ang dalawang taong labis na nagmamahal sa kaniya. Nasa huli talaga ang pagsisisi.