Inday TrendingInday Trending
Nagkagusto ang Matandang Lalaki sa Dalagang Kasambahay; Ikagugulat ng Kaniyang mga Anak ang Totoong Katauhan Nito

Nagkagusto ang Matandang Lalaki sa Dalagang Kasambahay; Ikagugulat ng Kaniyang mga Anak ang Totoong Katauhan Nito

Ilang araw na lang ay nobenta anyos na si Lolo Edgardo. Siguradong magtitipon-tipon na naman ng kaniyang mga anak at apo sa kaniyang ancestral house sa probinsya upang iselebra ang espesyal niyang araw. Biyudo na ang matanda, ilang taon na ang nakalilipas.

Ang mga anak niya ay pawang mga propesyunal na at may mga sariling pamilya na sa Maynila, ang kasama niya na lamang sa bahay ay ang kaniyang mga katiwala na sina Jose at Lito.

“Jose, iabot mo nga ang salamin ko sa mata,” utos ng matandang lalaki isang umaga. Naisipan niyang magbasa ng peryodiko dahil iyon ang tangi niyang libangan sa araw-araw. Hindi kasi siya mahilig manood ng telebisyon o makinig ng radyo. Ang tanging gusto niya ay ang pagbabasa.

Tumalima naman ang binata at iniabot iyon sa kaniya. Sa sobra niyang katandaan ay hindi na niya matandaan kung kaanu-ano niya ang dalawang katiwala. Ang alam niya lang ay matagal na itong nagsisilbi sa kaniya. Magaan ang loob niya at malaki ang pagtitiwala niya sa mga ito. Ang katiwala niyang si Jose ay beinte singko anyos at si Lito naman ay trenta anyos na mga anak ng yumao niyang kasambahay. Mababait at masisipag ang dalawang lalaki kaya wala siyang reklamo. Minsan nga lang ay naiinis siya kapag nag-uusap ang mga ito gamit ang salitang Bicolano. Taga-Bicol kasi ang mga magulang ng kaniyang mga katiwala.

“Alam mo sir, bakit ito ang paborito mong basahin?” tanong ni Lito na tinuro ang isang pahina sa peryodiko.

“Eh iyan ang gusto kong basahin, eh. Kayo kasing mga mas nakababata kung anu-anong binabasa ninyo, mga kab*stusan at pantasyang walang katuturan,” sagot ng matanda.

Hindi na sumagot pa ang lalaki at ngumiti na lang. Maya maya ay hiniling ni Lolo Edgardo na mapag-isa. Mas gusto niyang magbasa nang tahimik habang nakaupo sa kaniyang tumba-tumba.

“Hello,” sabi ng isang malambing na boses. Napalingon siya sa bandang ibaba ng bintana at naroon ang isang napakagandang dalaga, siguro ay mga beinte dos anyos lamang.

“T-teka, sino ka naman?” nakakunot noong sabi niya, hindi naman mukhang magnanakaw ang dalagang ito, mukhang mabait naman ang maamo nitong mukha at tisay, at aba, mukhang anak mayaman.

“Bagong kasambahay. Mahilig ka palang magbasa? Ako nga pala si Jasmin,” lalong lumawak ang ngiti nito kaya mas lumabas ang kagandahan ng dalaga.

Napaismid si Lolo Edgardo. “Ang batang ito, hindi man lang marunong mangopo! At parang iba kung manamit, makaluma ang istilo. Hindi ‘yung mg makabagong damit na isinusuot ng mga kadalagahan ngyon na ke lalas*wa,” natataka niyang sambit sa isip.

Pero hindi maipaliwanag ng matanda kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman nang makita niya ang dalaga. Sa katunayan nga, nakakahiya mang aminin ay tila kilig ang nangingibabaw sa kaniyang puso. Ilang taon na rin nang huli niyang naramdaman ang ganoon, buhay pa ang kaniyang misis.

Maya maya ay umakyat ito papunta sa kinauupuan niya at nilapitan siya. May dala itong isang tasa ng mainit na tsokolate.

“Para sa iyo. ‘Di ba, paborito mo ‘yan?” nakangiting sabi ng dalaga.

Aba, paano nito nalaman na iyon ang paborito niyang inumin? Ang galing naman ng magandang dilag na ito!

Nagtataka man si Lolo Edgardo ay tinanggap niya ang tasa na may lamang tsokolate. Baka naman kasi napagbilinan na ito ng dalawa niyang katiwala na iyon ang gustung-gusto niyang inumin sa umaga.

Mula noon ay araw-araw nang umuupo si Lolo Edgardo sa tumba-tumba sa tabi ng bintana at sinusulyapan niya buhat doon si Jasmin na nagdidilig ng mga halaman. Sa isip niya ay napakasipag namang bata nito, hindi lang sa mga gawain bahay kundi maging sa paghahalaman. Nakikita niya tuloy sa dalaga ang yumao niyang asawa, bukod sa napakaganda na’y napakasipag pa. Araw-araw din siya nitong binibigyan ng mainit na tsokolate, sa ginagawa nito ay mas lalong gumagaan ang pakiramdam niya rito. Ang mga simpleng pagsulyap-sulyap ay nauwi sa kwentuhan, biruan at tawanan. Kinikilig ang matanda, gusto niyang ikahiya ang kaniyang sarili pero hindi niya nman mapigilan ang kaniyang nararamdaman. Sa isip niya ay nagmumurang kamias siya.

Isang gabi ay inatake sa puso ang matanda. Bigla na lamang itong nahirapang huminga at nawalan ng malay. Mabilis na naisugod nina Jose at Lito si Lolo Edgardo sa ospital. Tinawagan din nila ang mga anak nito na lahat ay nasa Maynila na. Nangako naman ang mga ito na pupunta sa lalo’t madaling panahon.

Maya maya ay nagkamalay na ang matanda pero mahinang-mahina pa rin ang pakiramdam niya. Napansin agad niya na nasa ospital siya, naalala niya ang nangyari kinagabihan. Nakita nitong pumasok sa silid niya si Jasmin. Nakangiti ito, napakaaliwalas. ‘Di niya maipaliwanag pero biglang guminhawa ang pakiramdam niya.

“Edgardo,” sambit ng dalaga.

“J-Jasmin, pasensya ka na, hindi ako nakipagkwentuhan sa iyo bago ako matulog. Nanikip kasi ang dibdib ko at ito nga’t nasa ospital ako. Pasensya na kayo kung naka-istorbo ako,” nakangiting sabi niya.

“Wala kang dapat ihingi ng pasensya. Alam kong masama ang pakiramdam mo, gusto kong palitan ng kaligayahan ang nararamdaman mong iyan. Halika, sumama ka na sa akin?” nakangiting sabi ng dalaga.

“Eh, s-saan naman tayo pupunta? Matanda na ako, Jasmin at masasakitin na. Mahihirapan ka lang sa akin,” tugon niya.

“Hindi naman iyon mahalaga, ang mahalaga ay magkasama tayo. Mamayang hapon, alas tres, susunduin kita ha? Sa pupuntahan natin ay hindi ka na makakaramdam ng sakit, magiging masaya tayo doon,” sabi nito at hinawakan pa ang kaniyang kamay.

Naguguluhan man ay napatango ang matanda, siguro naman ay hindi sasama ang loob ng misis niya. Ngayon lang naman siya lumigaya ulit makalipas ang ilang taon.

Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Jasmin, siyang pasok naman ni Jose na may mga dalang prutas para sa kaniya.

“Sir, mga sariwang prutas para po sa inyo. Magpagaling po kayo ha? Mamayang gabi po ay darating na ang mga anak niyo mula sa Maynila, kaya kailangan ay magpalakas kayo,” sabi ng binata.

“Jose, hijo, salamat sa paglilingkod ninyo sa akin ni Lito ha? Naging mabuti at tapat kayo sa akin. Huwag kayong mag-alala, hindi ko kayo makakalimutan. Nga pala, mamayang hapon ay sasama ako kay Jasmin, ‘yung kasambahay natin,” aniya.

“Ho? K-kasambahay?” tanong ng binata na napapakamot na lang sa ulo.

“Oo, si Jasmin ‘yung bago nating kasambahay. Kayo ni Lito ang kumuha sa kaniya, ‘di ba? Sabi niya, may pupuntahan daw kami mamayang alas tres,” giit niya.

Malungkot na hinawakan ni Jose ang kaniyang kamay.

Kinahapunan ay dumating si Jasmin, sinundo siya nito sa silid. Siniguro nila na nasa labas ang mga bantay niyang sina Jose at Lito. Paghawak niya sa kamay nito ay tila ba nawala ang lahat ng karamdaman niya. Paglabas nila sa ospital ay ang gaan-gaan ng kaniyang pakiramdam. Kahit saan man sila magpunta ngayon, alam niyang magiging maayos ang lahat dahil kasama niya si Jasmin.

Nang sumapit ang gabi ay bumuhos ang luha ng mga anak ni Lolo Edgardo. Pati ang katiwalang sina Jose at Lito ay hindi napigilan ang pag-iyak sa pagpanaw ng matanda. Labis ang paghagulgol ng panganay na anak nitong si Editha na hindi man lang naabutan ang ina sa huling pagkakataon. Sayang, ilang araw na lang ay kaarawan na nito. Eksaktong alas tres ng hapon ay bumigay na ang katawan nito at binawian na ito ng buhay.

“Napamahal na po sa amin si Sir Edgardo, ma’am. Masakit man po ang pagkawala niya’y sa wakas ay natapos na rin ang kaniyang paghihirap,” umiiyak na sabi ng Lito.

“B-bago nga po siya bawian ng buhay, sabi niya ay sasama raw siya kay Jasmin, ang kasambahay. Iyon pala ay hindi namin akalain na huling pag-uusap na pala namin kanina,” lumuluhang sabi ni Jose.

“A-ano?!”

Ikinagulat ni Editha ang sinabing iyon ni Jose.

“Diyos ko! Ang Jasmin na tinutukoy mo ay ang aming yumaong ina. Ang tunay niyang pangalan ay Anna Jasminda at Jasmin ang palayaw niya. Si mama ay kasambahay lamang noon sa bahay nina papa, nagkapalagayan sila ng loob. Sinagot ni mama si papa eksaktong alas tres ng hapon. Dahil hindi matapobre sina lolo at lola ay pumayag ang mga ito sa relasyon nila. Ikinasal din sila alas tres din ng hapon noon…at ngayon sinundo naman ni mama si papa eksaktong alas tres ng hapon,” wika ng babae.

Ang misis pala ni Lolo Edgardo ang palagi niyang nakakusap at sumundo sa kaniya. Hindi lang nakilala ng matanda ang kaniyang asawa dahil may sakit na rin siya sa limot. Pero ang nararamdaman niya rito ay hindi kailanman nawala kaya nga noong makita niya ito’y ang gaan ng loob niya rito at palagi siyang masaya kapag kasama ito.

Masakit man ay napanatag na si Editha at iba pa niyang mga kapatid dahil kung saan man naroon ang kanilang ama ay maligaya at payapa na ito kasama ang kanilang ina. Sa huling pagkakataon ay humanga siya sa dakilang pag-ibig ng kaniyang mga magulang sa isa’t isa.

Sa pagpanaw ng matanda, tinupad nito ang pangako na hindi makakalimutan ang katiwala na sina Jose at Lito dahil sa mga ito ipinamana ang ancestral house at ang lupain na nakapaligid sa malaking bahay bilang pagtanaw ng pasasalamat sa dalawa.

Advertisement