Kahit Matalino at Mataas ang mga Marka ay Walang Karangalang Nakuha ang Binatilyo sa Araw ng Kaniyang Pagtatapos; Ito Pala ang Dahilan
Isang linggo na lang ay magtatapos na ang mga estudyante sa Mataas na Paaralan ng San Roque, pero sa kabila ng mabilisang paghahanda at pagsasaayos ng lahat para nalalapit na okasyon, walang madamang kasiyahan ang binatilyong si Carlo.
Ano nga ba ang halaga ng pagtatapos na iyon para sa kaniya? Bakit nga ba siya magsasaya gayong parang hindi napahalagahan ang mga pinaghirapan niya? Ang lahat ng kaniyang mga aspirasyon noon ay naglahong parang bula.
“Tsk, tsk! Sayang si Carlo…matalino pa naman siya at masipag,” napapailing na sabi ng isa sa mga estudyante.
“At kawawa naman siya kamo. Ako ang nalulungkot para sa kaniya,” sabi pa ng isa.
Alam kasi ng mga guro at mga estudyante sa paaralang iyon na si Carlo ang nangunguna sa buong klase ngunit sa lahat ng mga magsisipagtapos ay siya ang hindi man lang nabigyan ng pagkilala.
“Kahit honorable mention man lang, hindi siya binigyan. Bakit ganoon ang naging desisyon nila? Unfair naman kay Carlo! Hindi lang naman ‘yung iba ang magaling at matalino, eh mas angat pa siya, eh at mas malaki ang naiambag niya sa eskwelahan,” reklamo pa ng isang guro.
Pero kahit ganoon ang nangyari ay may kaunting sama ng loob ay nananatili pa ring mapagkumbaba si Carlo sa lahat.
“Binabati ko kayo, guys! You made it!” buong kabaaang loob niyang sabi sa mga kamag-aral na may nakuhang karangalan.
“Salamat, Carlo…ikaw kasi, eh,” wika ng isa sa mga kasama.
“Oo nga, sana kasama ka rin sa amin,” saad pa ng isa.
Sa sinabi ng mga kaklase ay nangingiti lang siyang napailing.
“Ginawa ko naman ang makakaya ko. Siguro ay may dahilan lang ang lahat kung bakit nangyari ito sa akin,” sagot niya.
Pero hindi siya ipokrito. Naghahangad din siya ng karangalan. Matagal na niyang pangarap ang magtapos nang may honor sa klase.
“W-wala, sayang lang ang pagiging top ko palagi sa mga exams at pagkapanalo sa iba’t ibang kompetisyon sa eskwela,” malungkot niyang sabi sa sarili nang makapag-isa na siya.
Minsan ay nilapitan siya ng kaniyang lola.
“O, apo, malungkot ka na naman,” anito.
“Alam niyo naman po ang dahilan, ‘di ba, lola?” tugon niya.
“Apo, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakukuha mo ang nais mo. Pero huwag kang susuko agad dahil hindi diyan natatapos ang mga hamon sa iyo. Wala ka mang karangalang nakamit, ang mahalaga ay ginawa mo ang lahat ng makakaya mo. Award lang iyon, maaari mo pa namang makuha iyon kapag nag-aral ka na sa kolehiyo. Basta paghusayan mo pa, apo at matutupad din ag pangarap mo,” payo ng matanda.
Pero bakit nga ba walang nakuhang award si Carlo sa nalalapit na graduation? Ano ba ang dahilan?
“Okey, naroon na ako. Mahusay siya, matalino pero hindi lang kasi iyon ang criteria, eh,” wika ng isa sa mga guro sa naganap na pagpupulong sa eskwelahan.
“Oo nga, magaling na estudyante si Carlo pero palagi namang hindi pumapasok sa klase, minsan ay nale-late pa. Hindi rin siya nakakapagsumite ng mga proyekto sa iba niyang asignatura. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya napasama sa mga bibigyan ng award sa taong ito,” sabi pa ng isa.
“Pero, sayang, eh, dapat kahit paano ay may makuha man lang siya, ‘di ba? Hindi ba natin pwedeng gawan iyon ng paraan, mga kasama?” suhestyon ng isa sa matatandang guro na nahahabag kay Carlo.
Samantala, kinagabihan, sa bahay nina Carlo ay napakislot ang binatilyo sa narining niyang sabi ng kaniyang ama.
“Alam mo, gusto kong sumama siya sa graduation nila. Hindi porket wala siyang award ay hindi na siya pupunta. Bilang mga magulang niya ay masarap makita na tumatanggap siya ng diploma,” wika ng tatay niya sa kaniyang nanay.
“Sino bang hindi? Aba’y ibang klase ang anak nating iyan. Lagi ngang absent at kulang sa project ay ke tataas naman ng marka sa halos lahat ng subjects niya. Sinong hindi matutuwang makita siyang magtapos at tumanggap ng diploma?” tugon naman ng ina.
Ang totoo, minsan ay hindi nakakapasok sa eskwela, nahuhuli sa klase at hindi nakakapagpasa ng mga proyekto si Carlo dahil pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho. Isa siyang service crew sa isang fast food chain at nagbebenta rin siya ng kandila at bulaklak sa harap ng simbahan ng Quiapo. May kapansanan ang kaniyang ama na hindi na nakakalakad at nakaupo na lang sa wheelchair. Ang kaniyangina naman ay mahina ang puso kaya hindi maaaring mapagod kaya siya, bilang panganay, ang umako ng responsibilidad at sakripisyo sa kanilang pamilya. Mataas nga ang mga nakukuha niyang marka sa mga pagsusulit, recitation at iba pa. Panlaban din siya ng kanilang eskwelahan sa mga kompetisyon pero ang nakasira lang sa kaniya ay ang attendance at projects na mas mahalaga sa paaralang pinapasukan niya.
Sa mga narinig ni Carlo sa mga magulang ay makakaya ba niyang biguin ang mga ito?
Nang sumapit ang araw ng pagtatapos ng mga mag-aaral sa Mataas na Paaralan ng San Roque, napagdesisyunan ni Carlo na pumunta. Magmamartsa at aakyat din siya sa entablado para kunin ang kaniyang diploma kahit na wala siyang award na makukuha. Ang mahalaga ay napaligaya niya ang nanay, tatay at lola niya na palaging nakasuporta at nagmamahal sa kaniya. Ano nga ba ang halaga ng awards? Mas mahalaga pa rin ang diploma na nagpapatunay na pinaghusayan niya ang pag-aaral, na isa siyang responsableng estudyante.
Nang ibigay na ang mga awards sa mga honor students, sa pagkakataong iyon ay wala na siyang nararamdamang inggit, galit o pagtatampo dahil ang hindi niya inasahan ay ang ‘standing ovation’ na ginawa ng mga kaklase niya, mga guro, iba pang kamag-aral at mga magulang na naroon habang tinatanggap niya ang kaniyang diploma sa entablado. Pagkatapos niyon ay pumalakpak nang masigabo ang lahat ng tao sa buong eskwelahan. Isa iyong pagkilala sa kaniyang kakayahan, higit saanupamang karangalang pinalalamutian ng mga medalya.
“Wala na akong mahihiling pa. Napakasaya ko sa araw ng aking pagtatapos. Wala man akong nakuhang karangalan pero karangalan naman ng mga taong naniniwala sa akin ang nagbigay pugay sa akin. Hinding-hindi ko ito malilimutan,” naluluhang sabi niya.
Tandaan na sa edukasyon, mas mahalaga pa rin ang kung ano ang iyong mga natutuhan kaysa sa anumang award o medalya na maaaring makuha.