
Tinawag Niyang ‘Walang Alam’ at Pinagtawanan pa Niya ang Bago Nilang Katrabahong Banyaga; Laking Pagsisisi Siya nang Malaman kung Sino Ito
Likas na kay Kenneth ang pagiging mayabang. Kahit nga ang halos lahat sa kaniyang mga kaopisina ay sanay na rito, dahil maging sila ay hindi nakaligtas na hindi matangay sa ‘lakas ng hangin’ ng lalaking ito! Dahil nga roon ay halos wala siyang makasundo sa kanilang opisina. Nilalayuan siya ng mga tao, dahil hindi nila kayang tagalan ang kayabangan niya at makailang ulit na rin nila siyang ni-report sa kanilang management, lalo na ng mga bagong salta sa kanilang kompaniya.
Kadarating lang ni Kenneth nang umagang ’yon sa opisina. Hawak ang kaniyang kape ay hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang isang bagong mukha ng lalaking palakad-lakad sa kanilang opisina, at dahil doon ay napangisi siya.
Mukhang may bago na naman kasing mabibiktima si Kenneth. May bago silang katrabaho at kakaiba ang hitsura nito. Mukha kasi itong banyaga, kaya naman kinausap niya ito…
“Hey! Where are you from?” mayabang na lapit niya sa nasabing lalaki bago siya sumimsim ng kape sa harapan nito. Napasinghap pa nga ang mga katrabaho niya dahil sa ginawa niya ngunit hindi ’yon pinansin ni Kenneth.
“Hello! I’m Onkar from India. Nice to meet you!” masiglang bati naman nito sa kaniya bago ito nag-alok ng shakehands na imbes ay tinitigan lamang naman ni Kenneth nang may ngisi sa labi.
“Sinasabi ko na nga ba’t Indiano ka, e. Amoy sibuyas ka kasi!” natatawa pang sabi niya bago tinanggap ang kamay nito. “I’m Kenneth, and I’m the boss of this company,” dagdag na tugon niya pa sa wikang ingles upang maintindihan iyon ng kausap.
Napasinghap muli ang kaniyang mga katrabaho at ang iba ay sinubukan pa siyang pigilan sa ginagawa niya, ngunit talagang hindi nagpatinag ang hambog na lalaki at ipinagpatuloy pa rin ang kaniyang kalokohan.
“Welcome to our country, Onkar. Alam mo, hindi ko alam kung paano ka natanggap sa kumpaniyang ito, e, mukha ka namang estupido. Mukha kang walang alam,” natatawang sabi niya pa sa naturang Indiano dahil sa pag-aakalang hindi siya nito naiintindihan.
Ngunit doon siya nagkakamali, dahil biglang nagbago ang ekspresyon nito habang pinakikinggan ang patuloy panlalait ni Kenneth sa kaniya. Hindi nagsasalita ang banyagang si Onkar, at sinenyasan niya rin ang mga katrabaho nila ni Kenneth na hayaan ang mayabang na lalaking ito sa kaniyang mga sasabihin. Nauna na kasing impormahan ni Onkar ang mga nasa opisinang ’yon na hindi nila kailangang mag-alala sa pakikipagkomunikasyon sa kaniya, dahil nakaiintindi siya ng Tagalog. Sa totoo lang ay matatas na rin siyang magalita n’on dahil ilang taon na rin siyang naninirahan sa Pilipinas.
Patuloy pa rin sa panlalait si Kenneth at halos ubusin na niya ang buong oras niya sa trabaho sa ginagawa lamang niyang pagyayabang. Panay ang iling ng mga katrabaho niya sa kaniyang ginagawa, ngunit si Onkar ay nanatiling kalmado at pasensyoso.
“Do you understand me, Onkar? This country is very beautiful, hindi katulad ng bansang pinagmulan mo na tulad mo ay mukha ring basura!” hagalpak pa ni Kenneth, maya-maya.
Doon nag-angat ng mukha si Onkar. Ipinuwesto nito ang kaniyang kamay sa kaniyang likuran, bago sinagot si Kenneth sa wakas. “Yes, I understand you completely, Kenneth—ang ibig kong sabihin ay naiintindihan ko ang lahat ng sinasabi mo,” biglang sabi pa nito na nagpawala naman ngayon ng ngiti sa labi ng mayabang.
“M-marunong kang magtagalog?” tila napapahiyang tanong niya sa kausap na ngayon ay siya namang nakangising tumango.
“Pero may isang tanong lang ako sa ’yo, Kenneth. Paano mo nasabing ikaw ang ‘boss’ ng kompaniyang ito, gayong ako ang tunay na may-ari nito?” naniningkit ang mga matang tanong pa ni Onkar sa kausap.
Bigla ay tila nawalan ng kulay ang mukha ni Kenneth. Nanlaki ang kaniyang mga mata at hindi siya nakasagot sa tanong na ’yon ng taong kanina lang ay iniinsulto niya! Halos gusto niyang ma*hi sa kaba. Bukod pa roon ay nakikita niyang siya pala ang pinagtatawanan ngayon ng kaniyang mga katrabaho, imbes na si Onkar!
“Iyan ang napapala ng mayabang!” bulong pa ng isa sa mga ito. Hindi naman makasagot si Kenneth.
Sinubukan niyang humingi ng tawad sa kanilang boss na si Onkar, ngunit sa pagkakataong ito ay ito naman ang hindi nakinig. Hindi natapos ang araw na ’yon na hindi natanggal sa trabaho si Kenneth. Wala na siyang nagawa pa kundi ang magsisi at umuwing luhaan, matapos ang pangyayaring ’yon, dala ang leksyong hatid mismo ng kaniyang kayabangan.