Inday TrendingInday Trending
Hindi raw ‘Tulong’ para sa Kaniya na Binigyan Siya ng Trabaho ng Kaniyang Pinsan; Mayaman naman daw Ito Ngunit Ayaw Maglabas ng Pera

Hindi raw ‘Tulong’ para sa Kaniya na Binigyan Siya ng Trabaho ng Kaniyang Pinsan; Mayaman naman daw Ito Ngunit Ayaw Maglabas ng Pera

Matagal nang tambay ang lalaking si Ralph. Magte-trenta anyos na siya ay umaasa pa rin siya sa kaniyang amang naghahanap-buhay bilang drayber ng padyak upang makakain. Ni hindi siya marunong gumawa ng paraan. Wala rin naman kasi siyang mahanap na trabahong ‘madali’ kaya naman hindi na siya nag-abala pa.

Ang tawag ni Ralph sa kaniyang sitwasyon ay pagiging mahirap, ngunit para sa mga nakakakilala sa kaniya ay pagiging ‘tamad’ lamang ’yon. Sadyang wala lang siyang sipag at pagtitiyaga sa katawan kaya wala siyang mapala sa buhay. Pati nga ang pag-aasawa’y kinatamaran niya rin kaya hanggang ngayon ay binata pa siya.

Nabalitaan ni Ralph na dumating na raw mula sa ibang bansa ang kaniyang pinsang ngayon ay may maganda nang buhay. Kabi-kabila na kasi ang negosyo nito ngayon, kaya marami na itong pera. Dahil doon ay naisipan ni Ralph na hingian ito ng tulong kaya naman agad niya itong binisita sa bahay nito.

“Insan, kumusta ka na?” bungad ni Ralph sa kaniyang pinsan habang abot tainga ang kaniyang ngiti.

“Uy, Ralph, ayos naman ako. Buti at napadalaw ka!” ganting-bati naman nito sa kaniya na agad pa siyang pinaunlakan papasok sa kaniyang tahanan.

Napakamot sa kaniyang batok si Ralph. Kunwari’y nahihiya sa susunod na sasabihin. “Ano… may kailangan kasi sana ako sa ’yo, insan. Wala na kasi akong ibang malapitan kundi ikaw…” sabi niya pa at agad binago ang kaniyang ekspresyon. Pinalungkot niya ang kaniyang mukha at ibinagsak pa nang sadya ang kaniyang mga balikat na animo pinagsakluban siya ng langit at lupa.

“Ano ’yon, insan?” tanong naman sa kaniya ng pinsang si Glen.

“Naghihirap na kasi kami ni tatay, insan, e. Wala pa kaming makain. E, sinubukan ko namang maghanap ng trabaho, kaso ang hirap, e. Palibahasa’y hindi ako tapos ng pag-aaral, ’di tulad mo,” nayuyuko pa kunwaring sabi ni Ralph at agad naman siyang nakakuha ng simpatya mula sa kaniyang pinsan.

“Naku, ganoon ba? Kung ’yan ang problema mo ay matutulungan nga kita,” sagot pa ni Glen na agad namang ikinangisi ni Ralph nang mas malawak pa kaysa sa ngisi niya kanina! Halos maghugis pera na rin ang kaniyang mga mata.

“Bibigyan mo ako ng pera, insan?” natutuwang sabi niya sa pinsan, ngunit ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang bigla itong umiling.

“Hindi. Bibigyan kita ng trabaho. Tamang-tama at magbubukas na ang bagong branch ng restawran ko at nangangailangan ako roon ng mga service crew. Basta magsipag ka lang, insan, at makukuha mo ang magandang buhay na inaasam mo,” sagot pa nito na gusto namang ikangiwi ni Ralph.

Umuwi siyang butas pa rin ang kaniyang bulsa dahil ni hindi siya binigyan ni Glen ng kahit na singkong butas. Dismayadong-dismayado siya, dahil mayaman naman ito ngunit ayaw nitong maglabas ng pera! Naiinis si Ralph. Para sa kaniya ay hindi naman ‘tulong’ ’yon, dahil kailangan pa rin naman niyang pagtrabahuhan ang kaniyang kikitain!

Ganoon pa man ay wala nang nagawa si Ralph kundi ang ituloy ang pagtatrabaho sa restawran ni Glen. Napahiya na rin kasi siyang hindi ’yon ituloy, kaya naman pinilit pa rin niya ang sarili niyang pumasok.

“If you give a man a fish, you feed him for a day. If you teach a man to fish, you feed him for a lifetime.”

Iyon ang mga katagang unang napansin ni Ralph pagkapasok niya sa naturang restawran. Naka-imprenta kasi ’yon sa mismong dingding ng kainan bilang parte ng disenyo nito, na para bang ipinalagay ’yon mismo roon para sa kaniya. Ayon naman kay Glen ay dati na ’yong nakaimprenta roon at hindi na niya ipinatanggal pa nang bilhin niya ang nasabing pwesto, dahil natutuwa siya sa kasabihang ’yon.

Tila dahil doon ay tinamaan si Ralph. Napagtanto niyang totoo nga ang sinasabi sa kasabihang ’yon, dahil kung binigyan lamang sana siya ni Glen ng pera noong panahong pinuntahan niya ito, malamang, ngayon ay ubos na ’yon. Ngunit dahil trabaho ang ibinigay nito sa kaniya ay may inaasahan siyang sasahurin pa rin sa mga susunod na linggo, buwan o taon.

Dahil doon ay minahal ni Ralph ang kaniyang trabaho at natuto siyang magsipag kahit napakahirap niyon sa umpisa. Labis ang tuwa niya nang matanggap niya ang kaniyang unang sahod, kaya naman lalo niya pang pinagbutihan ang trabaho, na kalaunan ay nagbunga rin, dahil na-promote siya bilang branch manager ng naturang restawran.

Advertisement