Nagpanggap ang Babaeng Ito na ‘Sinamantala’ Siya ng Lalaking Matagal na Niyang Nagugustuhan; Gusto Niya Kasing Hilinging Pakasalan Siya Nito
Lasing na lasing na si Jeric. Hindi na nga ito makabangon man lang kaya naman akay-akay na ni Carmen ang kaibigan kahit maging siya ay nahihilo na rin dahil sa tama ng alak. Asikasong-asikaso niya ang binata, dahil matagal na siyang may gusto rito. Iyon nga lang, kahit anong pagpapapansin niya ay hindi naman siya pinagtutuunan nito ng atensyon.
Dahil doon, nang gabing ’yon ay may naisip na plano si Carmen upang mapasakaniya si Jeric. Siya ang dahilan kung bakit lasing na lasing ito ngayon at halos hindi na makagulapay gayong kilala itong malakas ang tolerance sa alak.
Iginiya ni Carmen ang kaibigan sa loob ng kaniyang kwarto at inihiga ito sa kama. Isa-isa niyang tinanggal ang mga kasuotan nito, maging ang kaniya bago ito tinabihan sa nasabing higaan. Nasa labas lamang ng kaniyang kwarto ang iba pa nilang kaibigan at sigurado siyang magugulat ang mga ito kapag natagpuan ang ayos nila kinabukasan.
“OMG! Ano’ng ginawa n’yo?!” bulalas ng kaibigan nilang si Cheryl nang mabungaran sila nito nang umagang ’yon. Parehong walang saplot sina Jeric at Carmen dahil nga sa ginawa ng dalaga kagabi at natatakluban lang ng kumot ang kanilang mga kahubdan. Napabalikwas pa silang pareho dahil sa sigaw na ’yon ng kaibigan.
“A-ano’ng ginawa mo sa ’kin, Jeric? Pinasok mo ako rito sa kwarto?!” mangiyak-ngiyak kunwaring bulalas din ni Carmen. Alam kasi ng lahat na nauna na siyang pumasok ng silid kagabi dahil sa sobrang kalasingan niya kuno. Ang totoo ay nagpanggap lamang naman siya dahil hindi naman talaga siya gaanong uminom. Hinintay niya lamang na sila’y makatulog bago niya isinagawa ang kaniyang plano. Pinalabas niyang pinasok siya ni Jeric sa kwarto at doon ay sinamantala siya nito.
Dahil walang maalala si Jeric sa kung ano talaga ang nangyari noong nagdaang gabi ay wala siyang nagawa kundi labis na humingi ng tawad sa umiiyak na ngayong si Carmen. Tarantang-taranta siya at hindi malaman ang gagawin.
“Bakit ginawa mo sa akin ’to, Jeric? Akala ko ba, ayaw mo sa ’kin? Kinuha mo na ’yong pinakaiingatan kong puri na ibibigay ko lang sana sa mapapangasawa ko!” umiiyak pang turan ni Carmen na lalo namang nakapagpakonsensya kay Jeric.
Dahil doon ay wala sa loob na sumagot ang binata. “Pakakasalan kita, Carmen. Pananagutan ko ang nagawa ko sa ’yo,” aniya sa harap ng kanilang buong barkadahan at simula noon ay naging opisyal nang magnobyo at magnobya ang dalawa.
Habang nalalapit ang kasal nila ay pinilit ni Jeric ang kaniyang sarili na mahalin si Carmen kahit na ang totoo ay kaibigan lang talaga ang tingin niya rito noon pa man. Gusto niya kasi na bago man lang sana sila ikasal ay nagbago na ang dahilan niya kung bakit ihaharap niya ito sa altar. Dahil doon ay inilapit niya ang sarili sa dalaga at ginawa niya ang lahat upang mahulog ang loob niya rito, na hindi naman nagtagal ay napagtagumpayan niya.
Unti-unti ay naging totoo ang kanilang relasyon, dahil ngayon ay may nararamdaman na talaga si Jeric kay Carmen. Masaya na sana ang lahat lalo at nalalapit na rin naman ang kanilang kasal, hanggang isang gabi ay nakalimot si Carmen at nagpadala siya sa tukso nang hingin ulit ni Jeric na mayroong mangyari sa kanila.
Dahil kasi doon ay nalaman ng binata na hindi totoong nakuha niya ang ‘puri’ ng dalaga, dahil ngayon pa lamang niya iyon nagawa! Lingid din sa kaalaman ni Carmen ay hinanap ni Jeric sa files ng kaniyang computer ang kuha ng CCTV niya nang gabing nag-inom sila at ’di umano’y may nangyari sa kanilang dalawa. Doon nalaman ni Jeric na nilagyan pala ni Carmen ng kung anong gamot ang iniinom nila upang walang matandaan ang kahit na sino sa kanilang barkadahan tungkol sa nangyari nang nagdaang gabi. Plinano ni Carmen ang lahat at dahil doon ay nagpuyos sa galit si Jeric at hiniwalayan agad ang dalaga!
“Hindi ko akalaing kaya mong ibaba ang sarili mo para lang makuha mo ang gusto mo, Carmen! Sayang! Mahal na sana kita talaga, pero hindi ko alam kung kakayanin ko pang pakisamahan ang isang katulad mong manloloko at sinungaling!” galit na saad ni Jeric bago tuluyang iniwan si Carmen na noon ay wala namang nagawa kundi ang maiyak na lamang at pagsisihan ang kaniyang nagawa.
Simula noon ay hindi na muling nagkita pa sina Jeric at Carmen, dahil napasiya si Jeric na mangibang bansa upang makalimot. Si Carmen naman ay nagpatuloy na lamang sa buhay niya, dala ang leksyong iniwan ng ginawa niyang kasalanan noon sa lalaking pinakamamahal.