Binubuhay ng Dose Anyos na Binatilyo ang Inang May Sakit sa Paglilinis ng Sapatos; Isang Tulong ang Kaniyang Matatanggap
“‘Nay, aalis na po ako. Huwag n’yo na pong pilitin ang kumilos pa rito sa bahay. Ako na po ang bahala,” saad ng labing dalawang taong gulang na si Pido.
“Pasensya ka na, anak, at imbes na ako ang bumubuhay sa iyo’y ikaw pa itong nagbabanat ng buto para sa akin. Minsan nga ay pinapanalangin ko na lang sa Panginoon na kunin na Niya ako nang sa gayon ay hindi ka na mahirapan pa,” saad ng may sakit na inang si Dolores.
“Huwag naman po kayong magsalita ng ganyan, ‘nay. May awa po ang Diyos. Nagagamot naman daw po ang sakit ninyo sabi ng mga doktor, hindi po ba? Kailangan lang po nating makaipon para madala kayo sa espesyalista,” naluluhang wika ng binatilyo.
“Pasensya ka na, anak. Alam ko kasing nahihirapan ka na rin. Kung malakas lang sana ako’y nasa eskwela ka at nag-aaral,” sadyang tumulo na ang luha ng ginang.
“Huwag na po kayong umiyak, ‘nay. Hindi naman po ako nagrereklamo. Ang mahalaga po ay maging mabuti na po ang kalagayan ninyo. Hayaan n’yo at hahanap pa ako ng ibang pagkakakitaan nang sa gayon ay makaipon tayo nang mas mabilis. Maipapagamot ko rin kayo balang araw, ‘nay,” nangingilid na rin ang luha ni Pido.
Hinalikan niya ang noo ng ina saka umalis.
Araw-araw na lumilibot sa plaza at kalapit na lugar si Pido para maglinis ng sapatos. Bukod pa ito sa pagkuha ng kalakal para may dagdag siyang kita. Madalas ay nakakapag-uwi siya ng isang daan mula sa isang buong araw na pagtatrabaho. Kulang pa ito para sa gamot ng kaniyang ina at sa pagkain nila araw-araw.
Awang-awa man si Dolores sa kaniyang anak ay wala naman siyang magawa dahil mahina na talaga ang kaniyang pangangatawan.
Pagdating ni Pido sa plaza ay paulit-ulit siyang lumalapit sa mga tao upang alukin na magpalinis ng sapatos. Madalas ay iniiwasan siya ng mga ito. Ang iba naman ay nagpapalinis ngunit madalas siyang baratin.
Pinapatulan na lang din ni Pido ang kahit magkanong perang kaniyang makukuha. Mainam na ito kaysa sa wala siyang maiuwi.
Pagdating ng hapon ay binilang ni Pido ang kaniyang pera. Bente pesos pa lang ito. Kaya isinabay na niya ang pagkuha ng mga kalakal.
Maya-maya ay may lumapit sa kaniyang isang lalaki.
“Bata, p’wede mo bang linisin ang sapatos ko? Naghahanap pa lang kasi ako ng trabaho ngayon kaya hindi pa kita mababayaran, pero pangako ko sa iyo na magbabayad ako kapag natanggap ako. Parang hindi kasi ako matatanggap dahil masyado nang marumi itong sapatos na nahiram ko sa kapitbahay,” saad ng isang lalaki.
Hindi nagdalawang-isip ang binatilyo at agad na nilinis ang sapatos ng ginoo.
“Ayos lang sa iyo na hindi muna kita babayaran? Paano kung hindi talaga kita bayaran sa serbisyo na ito?” wika ng lalaki.
“Kayo na po ang bahala, ginoo. Naniniwala naman po ako na babalik ang lahat ng mabubuti o masasamang ginawa natin. Alam ko po kasi kung gaano kahirap ang maghanapbuhay, at sadyang tumitingin talaga ang mga tao sa pisikal na itsura. Ang sabi nga noon ng nanay ko, hinuhusgahan tayo ng iba sa sapin sa paa na suot natin,” pahayag ni Pido.
Labis na napahanga ang ginoo sa kaniya.
Nang matapos na linisin ni Pido ang kaniyang sapatos ay mukhang bago na itong muli.
“Babayaran kita kapag nagkita tayong muli. Pangako ko ‘yan sa’yo,” saad muli ng ginoo.
Nang marinig ng ibang nagtitinda sa plaza ang ginawang ito ng lalaki ay kinantyawan nila si Pido.
“Naniniwala ka naman sa lalaking ‘yun! Mukhang hindi naman talaga naghahanap ng trabaho ‘yun, e. Naisahan ka lang no’n! Ikaw naman ay nagpapauto ka kaagad!” saad ng isang ale.
“Ayos lang po ‘yun. Kahit paano ay nakatulong ako sa kaniya. Diyos na lang po ang bahala sa aming dalawa,” tanging nasambit ni Pido.
Maggagabi na at nasa singkwenta pa lang ang pera ni Pido. Habang binibilang niya ito’y may mga kabataang humarang sa kaniya.
“Ibigay mo na sa amin ang perang ‘yan nang hindi ka na masaktan!” saad ng isang binata.
Agad na itinago ni Pido ang kaniyang pera.
“Hindi maaari dahil pinaghirapan ko ito! Kung kailangan n’yo ng pera ay magbanat kayo ng buto!” saad niya.
“Aba at sumasagot ka pa, a! Talagang gusto mong masaktan!” saad ng isa pang binata sabay tadyak kay Pido.
Handa namang lumaban ang labing dalawang taong gulang na binatilyo sa ngalan ng kaniyang kinitang pera.
Habang pinagtutulungan siya ng mga kalalakihan ay isang lalaki ang umawat sa kanila. Nagpulasan ang mga kabataan palayo kay Pido.
“Ano ba ang gusto sa iyo ng mga lalaking iyon? Bakit ka nila sinasaktan?” tanong ng ginoo. Nagulat si Pido nang makita muli ang lalaking may utang sa kaniya.
“Gusto po kasi nilang kunin ang singkwenta pesos ko!” sagot ng binatilyo.
“Bakit hindi mo na lang ibinigay? Nasisiraan ka na ba ng bait? Talagang handa mong ipusta ang buhay mo para lang sa halagang iyan? Ano ba ang bibilhin mo d’yan?” muling sambit ng lalaki.
“Kulang na kulang pa ang perang ito para sa gamot ng nanay ko at para sa pagkain naming dalawa. Hindi ko p’wedeng ibigay ito sa kanila dahil para sa nanay ko ‘to!” naiiyak niyang sagot.
“Minsan po ay pinanghihinaan na ako ng loob. Dahil sa kakapiranggot na kinikita ko ay hindi naman talaga sasapat para maipagamot ko ang nanay ko, pero ano ba ang magagawa ng isang batang tulad ko? Hindi na ako makapaghintay na magbinata nang sa gayon ay makapasok na ako sa tunay na trabaho para kahit paano ay maibigay ko ang pangangailangan ng nanay ko,” dagdag niya, tuluyan nang bumagsak ang mga luha.
Labis na nahabag ang ginoo sa kaniya. Hindi nito akalaing matindi pala ang pinagdadaanan niya.
“Tumayo ka na riyan at sasamahan na kita pauwi. Siya nga pala, ito na ‘yung utang ko sa iyo kaninang umaga,” saad ng ginoo sabay abot ng isang libong piso.
“Wala po akong panukli, ginoo. Bente pesos lang po ang utang ninyo sa akin,” saad niya.
“Sa iyo na ang perang iyan. Bumili ka ng gamot para sa nanay mo at bumili ka rin ng masarap na pagkain para sa inyong dalawa. Ingatan mo ang perang iyan at umuwi ka na. Bukas ay magkita tayong muli sa plaza,” dagdag ng ginoo.
“Natanggap na po ba kayo sa trabaho, ginoo? Sigurado po bang may pera pa po kayo?” tanong niya.
Tumango lamang ang lalaki.
Nang mga sandaling iyon ay labis ang pasasalamat niya sa ginoo. Masaya siyang umuwi ng bahay dala ang gamot at pagkain nilang mag-ina.
Ikinwento niya sa kaniyang Nanay Dolores ang nangyari. Nais din ipabatid ng ginang ang kaniyang pasasalamat sa lalaki.
Kinabukasan ay muling nagkita sina Pido at ang naturang ginoo.
“Ginoo, nakalimutan ko pong itanong ang iyong pangalan. Nais din po kayong pasalamatan ng nanay ko. Masayang-masaya pa siya dahil sa unang pagkakataon ay nakainom siya ng gamot nang hindi na kailangan pang hatiin,” kwento ni Pido.
“Ako nga pala si Henry,” saad ng lalaki.
“Ako naman po si Pido,” sambit ng binatilyo.
“Alam mo, Pido, pinahanga mo ako sa ipinakita mong katatagan kahapon. Kaso nagsinungaling ako sa iyo. Hindi kasi talaga ako naghahanap ng trabaho. Sa katunayan ay may-ari ako ng isang kompanya. Matagal na kitang nakikita rito at natutuwa ako sa iyo. Nagulat ako nang lapitan kita at hinayaan mo akong magpalinis ng sapatos kahit wala pang bayad. Lahat ng sinabi mo sa akin ay totoo. Sino ba ang mag-aakalang ang isang tulad ko ay may-ari ng isang kompanya? Alam mo kasi, tulad mo rin ako noon. Galing ako sa hirap pero nagsumikap ako upang mabigyan ng magandang buhay ang nanay ko. Kaso wala na siya ngayon. Nakikita ko ang sarili ko sa iyo, Pido. Kaya naman nais ko sanang tulungan ka. Nakausap ko na ang kaibigan kong doktor at siya na ang susuri sa nanay mo. Sasagutin ko na rin ang lahat ng kailangang gastusin para siya ay gumaling. Tapos ay bibigyan kita ng maliit na kabuhayan nang sa gayon ay hindi ka na aalis pa. Delikado para sa isang katulad mo ang pagala-gala sa lugar na ito. Mas mainam din ‘yun dahil hindi mo na kailangan pang iwan ang nanay mo, ‘di ba? Kapag magaling na ang nanay mo, pangako ko sa iyo na pag-aaralin kita. Huwag kang mawalan ng pag-asa dahil ang lahat ng ito’y pagsubok lang. Maging matatag ka at makakaahon din kayo ng nanay mo sa hirap. Lalo na at ubod ka ng sipag at mabuti ang iyong kalooban,” pahayag ng ginoo.
Tila nananaginip si Pido dahil sa lahat ng kaniyang narinig. Hindi niya akalain na sa araw na ito’y tuluyan nang magbabago ang kaniyang buhay!
“Kulang po ang salitang salamat, Sir Henry! Tiyak po akong matutuwa ang nanay ko nito dahil sa magandang balitang ‘yan!” patuloy sa pag-iyak si Pido dahil sa labis na kagalakan.
Tinupad ni Henry ang kaniyang ipinangako sa binatilyo. Sa wakas ay napasuri na rin sa espesyalita si Dolores at nakatanggap na rin ito ng wastong gamutan. Hindi nagtagal ay nanumbalik na ito sa dati nitong sigla.
Ngayon ay mayroon nang tindahan ang mag-ina. Si Pido naman ay pumapasok na rin sa paaralan at hindi na naghahanap-buhay pa. Pilit niyang pinagsisikapan ang kaniyang pag-aaral upang sa hinaharap ay siya naman ang magbigay ng magandang bukas sa ina at sa mga kagaya rin niyang kabataan na nangangailangan ng tulong.