Inday TrendingInday Trending
Sa Takot na Iwan ng Kinakasama ay Pumayag ang Walang Kwentang Ina sa Masamang Balak ng Lalaki sa Anak Niyang Dalaga; Kaloboso Tuloy ang Bagsak Nila

Sa Takot na Iwan ng Kinakasama ay Pumayag ang Walang Kwentang Ina sa Masamang Balak ng Lalaki sa Anak Niyang Dalaga; Kaloboso Tuloy ang Bagsak Nila

Dahan-dahang pinahid ni Aiza ang luha sa mga mata. Naalala kasi niya ang yumaong ama. Sa edad na beinte singko anyos ay nagtatrabaho siya bilang taga-hugas ng pinggan sa karinderya ng kapitbahay nilang si Aling Ibyang.

Mula nang pumanaw ang tatay niya ay pinahinto na siya sa pag-aaral ng nanay niyang si Soledad at pinagtrabaho na lang siya nito. Kahit noon pa man ay mas malapit na siya sa tatay niya dahil mas ramdam niya na mahal siya nito. Kahit kailan ay hindi niya maramdaman na mahal siya ng nanay niya. Palagi nga siya nitong pinagagalitan, pinapalo at minumura noong bata pa siya at kahit ngayong dalaga na siya. Parang hindi anak ang turing nito sa kaniya.

“Kung nandito pa sana si tatay, mas masaya siguro ako ngayon,” humihikbi niyang sabi.

Kaso, maagang nawala ang kaniyang ama. Naaksidente ito sa pinagtatrabahuhang pabrika kung saan nakuryente ito. Naisugod pa ang tatay niya sa ospital pero hindi na rin ito nagtagal. Ang masakit, parang tuwang-tuwa pa ang nanay niya nang mawala ang ama. Pinagkakitaan pa nito ang burol ng tatay niya na halos araw-araw, gabi-gabi ay puro sugal ang nangyayari. Tatlong linggo ang lamay, hindi talaga tumigil ang ina hangga’t hindi nakakakurakot ng pera. Pati ang mga kapitbahay nila ay hinuthutan pa ng donasyon. Pagkatapos na pagkaperahan ay basta na lang inilibing ang labi ng kaniyang ama sa malapit na bakanteng lote sa kanila at hindi man lang sa sementeryo. Kapag naiisip niya ay hindi niya maiwasang maluha, kawawa naman ang tatay niya. Kahit dalawang taon na ang nakakaraan ay patuloy pa rinang pangungulila niya dahil kahit anong gawin niya ay hindi na babalik sa dati ang lahat.

Ilang buwan pa lang na nailibing ang ama ay iniuwi na ng nanay niya sa bahay nila si Boyet. Nakilala ito ng kaniyang ina sa palengke, kargador doon ang lalaki. Trenta y otso anyos na ito mas bata nang ‘di hamak kaysa sa tatay niya kaya siguro nahumaling dito ang nanay niya. Kayumanggi ang kulay ng balat, matangkad, guwapo at matipuno ng katawan ni Boyet kaya maraming kababaihan sa kanila ang nagkakagusto rito pero ang nanay pa rin niya ang nagwagi.

Mabait naman ang lalaki noong una. Palagi nga itong nakiipaglaro sa kaniya. Akala niya ay may pumalit na sa kaniyang tatay. Pero hindi pala, mali ang akala niya.

“Hoy, Aiza! Nasaan ka?!” pasigaw na tanong ng lalaki.

Napapitlag siya nang marinig ang galit na boses ng kaniyang Kuya Boyet. Ayaw nitong tinatawag na tatay at tito, mas gusto nito ay ‘kuya’ dahil bata pa naman daw ito. Labag man sa loob niya ay pumasok siya sa loob ng bahay.

“B-bakit, kuya?” tanong niya.

“O, bakit nandyan ka lang sa labas? ‘Di ba dapat nandun ka sa karinderya ni Aling Ibyang? Puro pagtsitsismis sa mga kapitbahay lang yata ang inaatupag mo at hindi ka na nagtatrabaho,” galit nitong sabi.

Umiling siya. “H-hindi, kuya…tapos na ang trabaho ko. Pinauwi na ako ni Aling Ibyang dahil maaga raw siyang magsasara ng karinderya. May darating daw kasi siyang bisita. Hinihintay ko lang si nanay sa labas,” sagot niya.

Tulad ng dati, nasa sugalan na naman ang nanay niya, nagbabakasakali na suwertehin. Ang Kuya Boyet naman niya, mula nang tumira ito sa kanila, ay hindi na nagtrabaho sa palengke. Wala itong ginawa kundi ang humilata at mag-inom.

“Edi pumasok ka na dito sa loob. Dito mo na lang hintayin ang nanay mo!” angil ng lalaki.

Mabigat ang loob na pumasok siya sa loob ng bahay.

“Dahil wala ka na palang gagawin, o eto ibili mo ako ng beer. ‘Yung suki ay ibili mo ng sigarilyo ha?” utos nito.

Sinunod niya ang lalaki. Sa isip niya ay magdamag na naman itong iinom at kapag dumating ang nanay niya ay partner pa ang dalawa sa pagpapakalasing.

Alas nuwebe na ng gabi pero wala pa rin si Soledad. Medyo lasing na si Boyet kaya tinawag nito ang dalaga.

“Aiza!”

Kinabahan si Aiza nang muling sumigaw ang lalaki.

“B-bakit, kuya?”

“Halika, lapit ka dito sa akin. Yakapin mo ako, bilis!” yaya nito.

Tumitig lang si Aiza, ayaw lumapit.

“Put*ngina naman! Bingi ka ba? Ang sabi lumapit ka, ‘di ba? Halika rito!” galit na wika nito.

Nanginginig na lumapit si Aiza. Niyakap ng dalaga ang lalaki. Sinamyo naman ni Boyet ang leeg ni Aiza at hinawi pa ang buhok.

“Ayan, ang sarap mo namang yumakap! Mas masarap kaysa sa yakap ng nanay mo. At ang bango-bango mo pa, um…” nakakadiring sabi ng kaniyang Kuya Boyet. Samantala, habang hinahaplos-haplos na ng lalaki ang katawan ni Aiza, nagsisimula na ring umiyak ang dalaga.

Hindi kasi iyon ang unang beses na nangyari ito kay Aiza. Noong una ay patingin-tingin lang ang lalaki, hanggang naglakas loob nang hawak-hawakan ang pobreng dalaga.

Ang lakas-lakas ng kabog ng dibdib ni Aiza sa mga oras na iyon, pero nakahinga siya nang maluwag nang biglang bumukas ang pinto.

“Inay!” hagulgol niya saka patakbong yumakap sa ina.

Natulala naman ang ginang. “A-anong ginagawa mo, Boyet sa anak ko?”

Padabog na tumayo ang lalaki, nagsuot ng sando at lumapit sa pinto.

“Maghapon kang wala rito sa bahay kakasugal mo. Anong gagawin ko? Lalaki ako, Soledad, may pangangailangan din. Alam mo naman na ayokong nadidiyeta, ‘di ba? Kung magagalit ka sa akin, sige okey lang at aalis na ako dito,” matapang na sabi ni Boyet.

Akala ni Aiza ay kakampihan siya ng ina pero sa halip na sa kaniya pumanig ito ay mas natakot pa itong iwan ng lalaki.

“Huwag mo namang gawin iyan, Boyet. Sorry, kung palagi akong wala rito sa bahay. Dumidilehensiya lang naman ako ng pera para sa atin dahil kulang na kulang ang kinikita nitong si Aiza sa karinderya. Huwag mo naman akong iiwan, pakiusap. Mahal na mahal kita, lahat ay gagawin ko para sa iyo,” desperadang sabi ng kaniyang ina. Lumuhod pa ito sa harap ng kinakasama.

“Inay naman!” bulong ng dalaga sa isip, patuloy pa rin sa paghikbi.

Napangisi naman si Boyet. “Tama ba ang narinig ko? Gagawin mo ang lahat para sa akin?”

“Oo, Boyet. Gagawin ko ang lahat!”

Dumako ang tingin ng lalaki kay Aiza, at tila alam na ng kaniyang ina ang gusto nitong mangyari. Nilapitan siya ng kaniyang ina…

“Inay? Ano pong gagawin niyo? Inay, huwag po!” hagulgol ng ng dalaga.

“L*tse ka! Huwag ka nang tumanggi. Sandali lang ito. Sa una lang mahirap pero pag tumagal ay magugustuhan mo rin,” wika ng babae.

“P-pero inay…” patuloy pa rin sa pag-iyak si Aiza.

“Mahal mo ako ‘di ba, anak? Kung mahal mo ako susundin mo ako. Kapag naging maligaya ang Kuya Boyet mo, maligaya na rin ang nanay,” parang baliw na sabi ni Soledad.

Sapilitan siyang inihiga sa papag ng ina. Wala nang saplot sa katawan ang Kuya Boyet niya at handa na itong gawan siya ng masama ngunit hindi nagtagumpay ang kadem*nyohan nito at ng nanay niya dahil bigla na lang bumukas ang pinto.

“Tito Mike, Tita Rina!” sigaw ni Aiza nang makitang pumasok ang tito at tita niya na kapatid ng tatay niya. Naisipan ng mga ito na dalawin sila sa dis oras ng oras gabi dahil may ibibigay itong pasalubong sa kanila.

“Put*ngina kayo! Mga hay*p! Anong gagawin ninyo sa pamangkin namin?” bungad ng mga ito.

Napatayo si Soledad habang si Boyet naman ay nagmamadaling nagsuot ng damit pang-ibaba at akmang tatakbo palabas. Si Aiza naman ay natulala na lang habang nakahiga pa rin sa papag.

Humingi ng tulong sa mga kapitbahay ang tiyuhin at tiyahin niya. Nang malaman ng mga ito ang kabab*yang ginagawa ng dalawa kay Aiza ay patakbong nagpuntahan ang mga ito sa bahay nila at kinuyog si Soledad at ang lalaki. Pinagpapalo ng mga galit na galit na kapitbahay si Boyet. Si Soledad naman ay pinagsasampal at pinagsasabunutan ng tiyahin niya.

Sa tulong ng mga awtoridad ay nahuli at nakulong ang dalawa. Sisiguraduhin ng tiyuhin at tiyahin niya na pagbabayaran ng mga ito ang kahay*pang ginawa sa kaniya.

Sa ngayon ay nasa poder na si Aiza ng kaniyang Tito Mike at Tita Rina. Kahit isang buwan na ang nakakaraan ay sariwa pa rin ang sakit sa ginawa sa kaniya ng ina.

“Hindi ka na nila ulit masasaktan, pamangkin. Aalagaan at pag-aaralin ka namin ng tito mo. Hindi ka na magtatrabaho sa karinderya. Kung nalaman lang namin nang maaga ang ginagawa sa iyo ng nanay mo at ng hay*p na lalaking iyon ay matagal ka na naming kinuha sa kanila. Mabuti na lang pala at naisipan naming dumalaw sa inyo kahit gabi na noon. Ewan ko ba pero dapat kinaumagahan na namin dadalhin sa iyo ang pasalubong namin pero parang may kung sinong nagbulong sa amin ng tito mo na pumunta sa inyo. Sa tingin ko ay ang tatay mo ang bumulong sa amin. Gusto ka niyang iligtas sa kapahamakan, Aiza,” wika ng tiyahin.

Sa nalaman ni Aiza ay nag-umpisa na naman siyang mapaiyak. Sa sobrang bigat ng kaniyang mga pinagdaanan, napagtanto niya na gumawa pa rin ng paraan ang tatay niya upang hindi matuloy ang kasamaan ng nanay niya at ni Boyet. Kahit wala na ang ama ay palagi pa rin pala itong nakabantay sa kaniya. Hindi siya pinababayaan.

“Maraming salamat, itay. Mahal na mahal po kita,” bulong niya sa isip.

Makalipas ang maraming taon ay nabaon na rin sa limot ni Aiza ang madilim niyang kahapon at kasalukuyang masaya na sa kaniyang sariling pamilya. Nakapagtapos siya ng pag-aaral at nagmamay-ari na ng malaking negosyo kasama ang kaniyang mister. Mayroon na rin silang dalawang anak na mahal na mahal niya. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi niya gagawin sa mga ito ang ginawa sa kaniya ng sariling ina.

Advertisement