Upang Mapaalis ng Matandang Amo’y Inako ng Dalaga ang Kasalanang Hindi Naman Niya Ginawa; Sisantehin nga Kaya Siya ng Masungit na Amo?

Natatarantang tumakbo si Sarah palapit sa nagsisisigaw niyang among si Madam Elsa. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa umagang iyon, ngunit kasisikat lamang ng araw at malamang ay kagigising lang din nito pero kung makatili, animo’y may ahas na nakadungaw sa harapan na anumang oras ay tutuklawin ito’t lalamunin nang buhay.

“Ano po ba iyon, madam?” tanong niya sa amo. Sa halo-halong emosyon ay hindi niya alam kung paano iuukit nang maayos ang mukha sa harapan nito.

“Sarah, nawawala ang aking tanim na orchids. Malamang ninakaw iyon ni Menerva!” paghihisterikal nito.

Si Manang Menerva, ang isa sa pinakamatandang naninilbihan sa mansyon, kaya ginagalang na ito ng lahat. At hindi rin lingid sa kaalaman nila kung gaano kainis ang amo sa serbidora. Lahat na lang ng nawawala’y kay Manang Menerva nito ibinibintang.

“H-ha?! Ano naman po ang gagawin ni Manang Menerva sa orchids niyo, madam?” aniya.

“Malamang ibebenta niya iyon, dahil mukha siyang pera! Malaki naman ang pinapasahod ko sa kaniya, pero hindi pa rin iyon sapat kaya ninanakawan niya pa rin ako!” galit nitong wika. “Kung hindi man si Menerva ang kumuha no’n ay tiyak na malilintikan sa’kin ang nangialam ng orchids ko! Sisisantehin ko siya oramismo!”

Napalo ni Sarah ang kaniyang noo. Naulit na ang litanyang iyon, hindi lang isang beses, dalawa, o tatlong beses nitong nabanggit ang bintang nitong iyon. Maraming beses na at gasgas na gasgas na iyon sa kaniyang pandinig. Ngunit ang tatanggalin sa trabaho — ganoon nga ba kahalaga ang nawawalang orchids?

Ngunit imbes na patulan ang matandang amo ay nagdesisyon si Sarah na hanapin ang nawawalang halaman nito. Baka dahil sa sakit sa pagkalimot ay nakalimutan lamang nito kung saan nito iyon nailagay.

Advertisement

“Sarah, pasensya ka na, pero ang totoo’y ako ang salarin sa nawawalang orchids na hinahanap ni madam,” ani Cristy.

“Ikaw ang nagnakaw?!” akusa niya.

“Uy! Grabe ka naman sa nakaw,” tanggi nito.

Agad siyang humingi ng pasensya sa naging reaksyon. Nahahawa na yata siya sa pagiging histerikal ng among babae, kaya iyon agad ang kaniyang naging reaksyon.

“Nalanta na kasi iyon, Sarah, kaya sabi ni Mang Nestor, itapon ko na’t wala na iyong pag-asang mabubuhay pa ulit. Sabi ko pa nga kay Mang Nestor, baka magwala si madam kapag may nawala sa halaman niya, ngunit umismid lamang sa’kin si Mang Nestor,” paliwanag ni Cristy. “Natatakot ako, Sarah, baka sisantehin ako kapag nalaman niyang ako ang nagtapon sa pinakamamahal niyang halaman.”

Ramdam niya ang takot ni Cristy, alam niya ang kwento ng buhay nito at nauunawan niya kung bakit ito natatakot mawalan ng trabaho. Marami pa itong kapatid na pinapaaral at ito lamang ang inaasahan ng buo nitong pamilya. Ngunit imbes na mahawa sa takot ng kasama ay nakaisip si Sarah ng paraan upang matapos ang problema.

“Hayaan mo, Cristy, aakuin ko na kang ang kasalanan mo. Kapag nagalit si madam at sisantehin ako’y mas maayos. Mas mapapadali ang pag-alis ko at makakauwi na rin ako sa’min,” aniya.

Matagal na niyang balak umalis, ngunit hindi naman siya pinapayagan ni Madam Elsa, hindi lang ito, pati ang mga anak nito’y ayaw siyang paalisin. Ilang ulit na siyang nakiusap na magbabakasyon na muna sa probinsya nila kahit isa o dalawang buwan lamang, ngunit ayaw pumayag ng matanda. Hindi daw kumpleto ang araw nito kapag hindi siya nakikita. Tanging si Sarah lamang kasi ang nakakapagpakalma at nakakaunawa sa ugali nitong madalas ay mahirap maintindihan. Ngunit sa naisip na plano’y baka sakaling ito na mismo ang magpalayas sa kaniya. Tutal mukhang sobrang mahalaga naman rito ang nawawalang halaman.

Advertisement

“Ano, Sarah!? Hindi ba’t tama ang sinabi ko? Ninakaw ni Menerva ang orchids ko? Saan niya ibinenta? Kukunin ko ulit! Salbahe talaga ‘yang matandang iyan. Noong mga bata pa kami, ganyan na siya. Akala ko’y magbabago siya ngayong may mga edad na kami,” dire-diretsong litanya ni Madam Elsa. Abot langit talaga ang galit nito kay Manang Menerva.

“Ay, madam! May aaminin po pala ako sa iyo,” aniya. Ginalingan ang drama upang mas kapanipaniwala. “Wala pong kasalanan si Manang Menerva sa halaman niyo, madam. Naalala ko po pala na ako ang totoong may kasalanan sa pagkawala ng pinakamamahal niyong halaman, tinapon ko po pala iyon.” Mangiyak-ngiyak niyang wika.

“B-bakit mo naman itinapon ang pinakamamahal kong orchids, Sarah?”

“K-kasi po, madam, nakita ko pong wala na siyang buhay at alam kong sa itsura pa lang nung halaman ay wala nang pag-asang mamulaklak ulit. Hindi ko naman po alam na ganyan ang magiging reaksyon niyo. Patawarin niyo po ako, madam. Handa po akong tanggapin ang parusang ibibigay niyo sa’kin. Ngayon mismo ay handa na po akong masisante,” malungkot niyang sambit.

Mataman siyang tinitigan ng matandang amo. Malungkot ang kaniyang mukha, ngunit nagdiriwang ang kaniyang puso. Sa wakas! Makalipas ang limang taon ay muli na siyang makakauwi sa probinsya nila, makikita at makakasama na niyang muli ang kaniyang pamilya at malalapit na mga kaibigan.

“Nalanta pala iyon, Sarah?” maya maya ay wika nito. Nawala ang galit at bigat sa boses ng matandang amo, naging mahinahon ito. “Tama lang ang ginawa mo, pero sayang naman at nalanta pala ang pinakamamahal kong orchids kaya nawawala sa lagayan ko,” dugtong pa nito na para bang walanh nangyaring sigawan kani-kanina lang. “Sige na Sarah, balik ka na sa trabaho mo. Hindi mo kasalanang nalanta ang orchids ko, baka nagkamali ako ng pagdilig sa kaniya kaya gano’n. Hayaan mo na nga,” anito sabay tapik ng kaniyang braso. “Makaligo na nga muna,” anito saka nagmartsa palayo sa kaniya.

“P-pero madam, hindi ba’t sisisantehin niyo na ako?” habol niya.

“Huh? Naku! Nagbago na ang isip ko Sarah, kaya huwag kang mag-aalala, hindi ka mawawalan ng trabaho,” nakangiting wika ni Madam Elsa.

Advertisement

Mariing naikuyom ni Sarah ang kamao. Gusto niyang humagulhol ng iyak dahil sa nangyari. Akala pa naman niya’y makakauwi na siya sa kanila, palpak naman pala! Kailan kaya siya papayagan ng matandang amo na umuwi sa probinsya nila? Kahit siguro akuin niya lahat ang kasalanan sa mundo ay kaya pa rin siyang patawarin nito.

Imbes na magmukmok ay nagdesisyon na lamang siyang bumalik sa trabaho. Wala naman siyang kakaibang ipinakain sa amo, ngunit hindi niya alam kung bakit gustong-gusto siya nito.

Kinagabihan ng araw na iyon ay masinsinan siyang kinausap ni Madam Elsa, at nangakong pagbabakasyunin siya sa probinsya nila, ngunit sa kondisyong dapat ay kasama ito. Gusto niyang umangal, ngunit mas pipiliin na lamang niya iyon, kaysa ang hindi makauwi sa kanila. Natatakot lang siguro si Madam Elsa na baka kapag umuwi siya sa kanila’y hindi na siya babalik pa, kaya naniniguro lamang ito.

Naging masaya naman, at naging masagana pa nga, ang pag-uwi niya sa probinsya kasama ang amo. Ito kasi ang gumastos sa lahat lahat. Bukod doon ay ipinag-shopping pa nito ang buong pamilya niya. O, bongga!

Napagtanto niyang may mabuting kalooban naman pala ang amo. Sa pagsisilbi niya rito nang tapat sa loob ng ilang taon ay parang anak na pala ang turing nito sa kaniya, kaya’t ganoon na lang ang takot nitong hindi na siya bumalik sa mansyon nito – naghahanap lang pala ng kalinga.

Mula noo’y mas pinag-igihan niya pa ang pagsisilbi sa butihing amo. Iniintindi niya na lamang ito sa mga oras na umiiral ang pagiging masungit nito dahil mas nangingibabaw na sa kaniya ngayon ang pagiging mabuti ng kaniyang amo.