Mahilig Maniwala ang Babaeng Ito sa Sabi-sabi; Malaki pala ang Mawawala sa Kaniya Dahil sa Ganito Niyang Pag-uugali
“Sandra, alam mo na ba ’yong chika?” Napakunot ang noo ni Sandra sa tanong na ’yon ng katrabaho niyang si Erica.
“Ang alin?” patanong namang tugon niya na puno ng pagtataka.
Kunwari pa si Erica na nagdalawang isip siyang ituloy ang sasabihin, ngunit maya-maya ay inilapit din naman niya ang bibig sa tainga ni Sandra. “May nakakita kasi sa best friend at boyfriend mo na magkasama sila. Feeling namin, may relasyon sila at pinagtataksilan ka nila kapag nakatalikod ka,” sabi pa nito na agad namang nakapagpainit ng ulo ni Sandra.
“Sino’ng nakakita?” galit na tanong agad ni Sandra sa kausap. Ni hindi man lamang siya nagtanong kung seryoso ba ito o baka nama nagkakamali lamang ng interpretasyon.
“Si Jelly. Nagpunta pa nga raw sila sa isang flower shop, e. Binilhan daw ng boyfriend mo ng bulaklak ’yong best friend mo,” dagdag pa ni Erica na lalo pang ikinausok ng ilong ni Sandra.
Kilalang ‘Marites’ si Erica sa kanilang opisina ngunit hindi man lamang ’yon naisip isaalang-alang ni Sandra. Hinayaan niyang pangunahan siya ng galit at pagdududa kahit pa ni minsan ay hindi naman siya nagawang lokohin ng nobyo niya! Bukod pa roon, simula pagkabata ay kakilala na niya ang kaniyang matalik na kaibigan, ngunit hindi niya rin iyon nagawang isipin. Nagpauto na naman siya sa tsismis.
Limang taon na silang magnobyo ni Lerry, habang ang kaibigan niya namang si Akiko ay matagal nang single. Masiyado kasi itong tutok sa pag-aaral nito bilang doktor, kaya naman sa isiping ’yon ay lalong kinabahan si Sandra. Alam niya kasing kung susumahin ang lahat ng mga katangian nila ng kaibigan ay ’di hamak namang talo siya rito.
Pinuntahan ni Sandra si Akiko nang araw na ’yon, pagkaawas niya galing sa trabaho. Sinugod niya ito sa apartment na tinutuluyan nito at doon siya nag-eskandalo!
“Akala mo ba hindi ko malalaman kung paano mo nilalandi ang boyfriend ko, ha, Akiko?” galit na bungad ni Sandra sa kaibigan matapos siya nitong pagbuksan ng pintuan.
Biglang nawala ang ngiti sa labi nito. “Ha? Ano ba ’yang sinasabi mo, Sandra?” maang na tanong pa nito.
“Kunwari ka pa!” hiyaw ulit ni Sandra, “May nakakita sa inyong magkasama kayo ni Lerry!” dagdag niya pa bago niya biglang hinablot ang buhok ng kaibigan.
Hindi niya hinayaang magpaliwanag man lang si Akiko. Pinisikal niya ang kaibigan. Mabuti na lamang at eksakto namang nagpunta si Lerry roon, kaya naman naabutan nito ang ginagawa ng nobya at siya ang umawat sa dalaga.
“Sandra, ano’ng ginagawa mo? Bakit inaaway mo si Akiko?” gulat na tanong ni Lerry na wala rin namang kaalam-alam sa mga nangyayari.
“May nakakita raw kasi sa ating magkasamang nagpunta sa isang flowershop. Ang sabi raw sa kaniya, binilhan mo ako ng bulaklak.” Si Akiko ang sumagot sa tanong nito habang sapo ang kaniyang noo.
“My God, Sandra! Bakit hindi mo muna kami kinompronta tungkol dito? Bakit nanugod ka agad?!” Agad na rumagasa ang pinaghalong galit at sakit sa mga mata ni Lerry. Doon lang tila natauhan si Sandra na may punto nga ito.
Lalo pa nga siyang nawalan ng sasabihin nang ayain siya ni Akiko sa loob ng apartment nito upang ipakita ang isang surpresang matagal na ring pinaghahandaan ng dalawang taong ito, na siyang tunay namang nagmamahal sa kaniya…
Isa ’yong surpresa para kay Sandra, dahil balak na sanang mag-propose ni Lerry sa kaniya. Iyon ang dahilan kaya naman panay ang punta nina Akiko at Lerry sa iba’t ibang tindahan upang makapamili sila ng magaganda at kwalidad na mga produktong gagamitin nila sa nasabing event.
“S-sorry, Lerry—Akiko!”
Napayuko si Sandra habang lumuluha, lalo na nang biglang bumuntong-hininga si Lerry at isa isang sirain ang mga inihanda nitong disenyo para sa surpresa sana nito sa kaniya. Maging ang malalaking letra ng pangalan ni Sandra na nakagupit sa makikintab na papel ay pinunit ni Lerry sa sobrang inis.
“Ayos na sana ang lahat, Sandra. Magpo-propose na lang ako! Kahit kailan naman ay hindi kita nagawang lokohin, ’di ba? ’Tapos, maniniwala ka lang agad sa tsismis ng mga katrabaho mong mahihilig manira ng kapwa?” Naiiyak na si Lerry dahil doon.
Hindi na napigilan pa ni Sandra nang talikuran siya ni Lerry. Ganoon din ang ginawa ni Akiko na talaga namang labis na sama ng loob ang naramdaman sa kaniya.
Dahil sa basta-basta na lamang niyang paniniwala sa balita, kahit hindi naman siya sigurado kung totoo ’yon ay muntik nang mawala sa kaniya ang kaniyang nobyo at ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Buti na lang at sa pagtitiyaga niyang humingi ng tawad sa mga ito ay nahanap nila sa kanilang mga puso ang awa at binigyan nila siya ng ikalawang pagkakataon.
“Pinatatawad na kita, Sandra. Basta ba sana, huwag na huwag mo nang uulitin ’yon,” saad ni Akiko sa kaniya na sinegundahan naman agad ni Lerry. Kaharap niya ang mga ito sa isang kainan kung saan nakiusap siya sa kanilang magkita-kita silang tatlo upang mag-usap.
“Matuto ka sanang magtiwala at huwag makinig agad sa mga naririnig mo sa paligid dahil hindi naman lahat ng ito ay totoo. Sana, mahal, magsilbing aral ito sa ’yo.” Matapos ’yon ay muli nang bumalik sa normal ang buhay nilang tatlo.