Hindi Raw Magiging Mahusay na Piyanista ang Lalaki Dahil Kulang Daw Siya sa Damdamin Kapag Tumutugtog; Kailangan Lang Pala Niyang Kilalahin ang Sarili Upang Magtagumpay
Bata pa lang ay hilig na ni Fabio ang pagtugtog ng piyano. Para sa kaniya ay buhay na niya ang pagtugtog. Isang gabi ay nag-eensayo siya ng bagong piyesa nang walang anu-ano’y bigla siyang tumigil sa ginagawa at nagtatagis ang mga bagang na…
“Buwisit!” inis na sabi niya at parang batang napahagulgol ng iyak.
Sa mga oras na iyon ay inilabas niya ang sama ng loob sa pag-inom ng alak. Kaya nagbukas siya ng bote, nagsalin sa baso saka tinungga.
Maya maya ay may naramdaman siyang paparating…
“Mukhang magulo na naman ang iyong isip, Fabio?”
“Philip!”
Si Philip ay ang kaniyang pinsan.
“Dahil iyan sa iyong pagtugtog?” tanong pa ng lalaki.
“Ganoon na nga. Kung bakit musika pa ang aking kinahiligan, eh gayong kay daming negosyong iniwan sa akin nina mama at papa na dapat kong pag-aksayahan ng panahon. Hindi kasi ako masiyahan sa aking sariling tugtog, tama ang sabi ng iba sa akin na hindi ako magiging mahusay na piyanista sapagkatwalang damdamin ang aking musika. Paano ko malalagyan ng damdamin ang aking tugtugin, Philip?” sabi niya.
Bumuntung-hininga muna ang lalaki bago sumagot.
“Matatagpuan mo ang damdaming hinahanap mo, Fabio…pagdating ng tamang panahon ay matutulungan kita riyan, pero masasabi kong hindi pa ngayon ‘yon,” sagot ng pinsan.
“K-Kailan? Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni Fabio.
“Hindi ko masasabi kung kailan pero malalaman ko. Tandaan mo lang, nauunawaan kita sapagkat ikaw at ako’y bahagyang magkatulad,” makahulugang sabi ni Philip.
Nang makaalis ang pinsan niya ay lalong naguluhan ang kaniyang isip. Hindi niya maintindihan ang sinabi nito.
“Ano kaya ang ibig niyang sabihin na matutulungan niya ako pero hindi pa ngayon? Musika ang sa akin at pagsusulat naman ang hilig ng aking pinsan. Magkatulad nga kami na mahilig sa sining pero hindi maaaring magkatulad din kami sa ibang bagay…lalo na sa…hindi! Hindi maaari!” sambit niya sa isip.
Nagbalik sa alaala ni Fabio ang mga gunitang napakadalas dumalaw sa kanyang isip. Para itong multong bumabalik sa tuwing siya’y nabibigo sa pagtugtog noong nag-aaral pa siya sa isang tanyag na konserbatoryo.
“Wow, ikaw na naman Fabio ang nakakuha ng pinakamataas na marka,” masayang bati ng kaniyang kaklase.
“Palaging ikaw ang nabibigyan ng mataas na marka ng ating guro. Siguradong ikaw na ang magiging pinakamahusay sa buong klase pagdating sa pagtugtog,” sabi pa ng isa.
Subalit nasira ang lahat ng pangarap ni Fabio na maging pinakamahusay dahil hindi siya ang napiling pinakamagaling sa pagtugtog sa halip, isa siya sa nakakuha ng mababang marka.
“Hindi ka nakakuha ng mataas na marka sa pagtugtog, Fabio?” nagtatakang tanong ng isa sa mga kaklase niya.
“Hindi ko nga rin alam kung bakit nagkaganoon,” sabi niya.
Siya man ay nagtataka rin kaya nagpaiwan siya at tinanong ang guro kung ano ang kaniyang pagkakamali.
“Matalino ka, Fabio, lahat ng leksyon ay naiintindihan mo at nakakabisa subalit ang masasabi ko’y hindi ka magiging mahusay sa pagtugtog ng piyano,” wika ng guro.
“Pero bakit po? Hindi ko kayo maintindihan,” aniya.
“Dahil ang iyong pagtugtog ay kulang sa damdamin. Kailangan ay nagsasanib ang iyong buong puso at katauhan sa bawat nota. Iyan ang dapat na taglayin ng isang mahusay na manunugtog, Fabio,” sagot nito.
Hindi maintindihan ni Fabio ang sinabi ng guro kaya…
“Magkakaroon ng damdamin ang aking musika, sir. Balang-araw, ipapakita ko sa inyo na maaari rin akong maging mahusay na piyanista,” sabi niya.
“Sana nga, Fabio, sana nga,” tugon nito.
Mula noon ay ipinagpatuloy ni Fabio ang pag-aaral. Pilit niyang hinanap ang damdaming sasanib sa kaniyang musika. Damdaming hindi naman niya maunawaan kung ano o paano siya nito magkakaroon.
“Palagay ko, Fabio, kaya ganoon ang iyong pagtugtog ay dahil kulang ka sa inspirasyon. May nobya ka na ba?” tanong ng isa sa malapit niyang kaibigan.
“W-wala, wala pa, eh,” pag-amin niya.
“Kita mo na! Kailangang may isang babae kang pinapangarap para magsilbing inspirasyon, iyong ang pagmamahal mo sa kaniya ay ipaalam mo sa damdamin ng iyong musika,” saad pa nito.
“Ganoon ba? Pero ano ang koneksyon ng isang babae sa pagtugtog ng isang tao?” tanong niya.
Hindi pa kasi siya kailanman nakapanligaw o nakaisip pumansin sa mga babae. Pero dahil sa pagnanais na magtagumpay sa kaniyang hilig ay sinubukan niya ang payo ng kaibigan. Isinama siya nito sa isang party kung saan maraming babae ang imbitado. Doon niya nakilala ang dalagang si Lucille, isa sa mga mag-aaral sa pinapasukan niyang konserbatoryo.
“Bakit parang hindi ka sanay na makipagsayaw? Why are you so shy, Fabio?” tanong ng babae.
“P-pasensya na, medyo sumama lang kasi ang pakiramdam ko,” tugon niya. Ganoon talaga siya, biglang sumasama ang pakiramdam niya kapag may nakakausap na babae. Ewan ba niya, nahihiya siya na hindi niya maintindihan.
Iminungkahi naman ni Lucille na magpahangin sila sa labas para bumuti ang pakiramdam niya.
“Balita ko, hilig mo raw ang pagtugtog ng piyano? At sabi pa ni Teddy na magaling ka raw. Humahanga ako sa mga magagaling sa pagtugtog, Fabio,” malambing na sabi ng dalaga.
“A, eh, salamat naman,” nahihiyang sabi niya.
Palibhasa’y matagal nang may lihim na pagtingin sa kaniya si Lucille kaya nagparamdam na ito sa kaniya.
“Alam mo ba, matagal na akong may pagtatangi sa iyo. I love you. Fabio, I love you,” tahasang sabi ni Lucille.
“Ha?” gulat na sabi niya.
Walang anu-ano’y bigla siya nitong hinalikan sa labi.
“Ummmm!”
“Uumppp!”
Pero itinulak niya ang babae.
“Aayyy!”
“Layuan mo nga ako!”
“What’s wrong, Fabio? Hindi mo ba ako gusto?” tanong ni Lucille.
Hindi na niya sinagot ang babae at nagtatakbo siya palayo sa lugar na iyon.
Naputol ang gunita ni Fabio sapagkat tulad ng laging nangyayari kapag naalala niya iyon, nagdudumuwal siya. Nagbalik ang napakasamang pakiramdam sa kaniyang buong katawan.
Nagtatakbo siya sa banyo, nang magbalik siya sa sala ay lambot na lambot siya. Maya maya ay nagsindi siya ng sigarilyo, nag-iisip kung bakit siya naduduwal na parang nandidiri kapag naaalala niya ang halik sa kaniya ni Lucille? Bakit sa tuwing maaalala niya iyon ay parang bumabaligtad ang kaniyang sikmura?
Natuloy ang kaniyang gunita. Magbuhat nang maganap ang pangyayaring iyon sa kanila ni Lucille ay lumayo siya sa mga babae kaya ang mga lalaki niyang kaklase ay kinakantiyawan siya.
“O, hanggang ngayon ay wala ka pa ring inspirasyon? Hindi ka kasi nanliligaw, eh,” sabi ng isa.
“Baka naman alangan ka? Bab*kla-b*kla ka yata, eh,” pang-aasar pa ng isa.
“H-hindi! Hindi ako b*kla a!” pagtanggi niya.
Naging palaging tukso tuloy sa kaniya ay b*kla o bin*bae. Dahil doon ay naghihimagsik ang loob niya lalo pa’t ilan sa mga malalapit niyang kaibigan ang nanghahamak at nanunukso na sa kaniya.
“Fabio, wala ka pa bang boyfriend?” tukso ng isa.
“Mamili ka na sa amin, puro kami guwapo o baka naman may sinusustentuhan ka na ha?” asar pa ng isa.
Noon ay nagsimula na ang mga gabing hindi siya makatulog. Palagi siyang balisa, nagtatalo ang kaniyang kalooban. Paano kung totoong isa siyang….
“Hindi! Hindi ako ganoon!” mariin niyang sambit sa isip.
Natakot siya sa kaniyang iniisip kaya sunud-sunod na tungga ng alak ang ginawa niya upang matakasan ang mga agam-agam niya. Maya maya ay nagdesisyon siya, kakausapin niya ulit ang pinsang si Philip kaya kinaumagahan ay pinapunta niya ito sa bahay niya.
“Narito na ako, Fabio. Ano’ng kailangan mo?” tanong ng pinsan.
Hindi kumibo si Fabio, patuloy lang siya sa pagtugtog ng kaniyang piyano hanggang sa dumalang ang pagtipa niya sa teklado saka niya kinausap si Philip.
“Totoo ba ang sinabi mo na tayo’y magkatulad?” tanong niya.
Hindi agad nakasagot si Philip. Bumuntung-hininga muna ito bago bumaling sa kaniya.
“Alam kong mauunawaan mo ang aking sinabi at nagpapasalamat akong pinag-isipan mo iyon. Alam kong ngayon ay ibig mo nang harapin ang katotohanan. Oo, Fabio, noon pa’y alam ko nang iisa ang ating daigdig,” tugon ng pinsan.
“P-pero, Philip, hindi ba masama? Isang nakakahiyang pagkakasala ang maging tulad…tulad natin?” tanong ni Fabio.
“Walang masama sa tulad natin, Fabio. Hangga’t wala naman tayong ginagawang masama sa ating kapwa ay walang masama sa pagiging tayo. Habang itinatatwa mo ang nararamdaman mo ay lagi ka lang mahihirapan. Tanggapin mo nang maluwag ang iyong sarili at angkinin mo ang karapatan mong lumigaya,” paliwanag ni Philip.
“P-pero…”
“Pero ano? Alam mo ba na iyan ang dahilan kung bakit bigo ka sa paggawa ng musika kasi walang damdamin ang iyong pagtugtog? Paano ka makakapagbigay ng damdamin kung ayaw mong tanggapin ang sarili mong damdamin? Kailangan mong kilalanin ang tunay mong sarili, ang tunay na ikaw,” saad pa ng pinsan niya.
Sa bugso ng damdamin ay niyakap ni Philip ang pinsan. Naluha na si Fabio, unti-unti na niyang napagtatanto na tama ang kaniyang pinsan.
“Huwag kang matakot, Fabio. Hindi lang tayong dalawa ang ganito, maraming tulad natin ang nakakaunawa sa ating pagkatao,” sambit pa ni Philip na naiiyak na rin.
“Salamat sa pagpapaunawa sa akin, Philip. Salamat aking pinsan,” tugon ni Fabio.
Nang natutuhan niyang tanggapin ang tunay na siya, na isa siyang binab*e gaya ng pinsan niya ay nakagawa na siya ng magandang musika. Mas humusay siya sa pagtugtog ng piyano at ang panunukso at panlalait sa kaniya ay napalitan ng paghanga. Mas nakilala siya ng marami sa angkin niyang talento dahil sa wakas, natanggap na niya ang tunay niyang damdamin nang buong buo.