Inday TrendingInday Trending
Sinira ng Ina ang Relasyon ng Anak niya’t Nobyo nito; Balak Niya Kasi ay Ireto ito sa Iba

Sinira ng Ina ang Relasyon ng Anak niya’t Nobyo nito; Balak Niya Kasi ay Ireto ito sa Iba

“Oh, anak, bakit ngayon ka lang dumating? Gabing-gabi na, ah,” bungad ni Mona sa anak na si Sunshine nang pumasok ito sa kanilang bahay. Basang-basa ito ng ulan at nakasimangot dahil sa sobrang inis.

Sa likod ng isip ni Mona ay napapangiti siya dahil talagang umaayon sa kaniya ang pagkakataon.

“Hindi ho ako sinundo ni Rai, mama, eh! Hindi ho ba dumaan dito? Hindi rin niya kasi sinasagot ang mga tawag ko,” may ngitngit pang sabi ni Sunshine.

“Naku, hindi dumaan dito, anak, eh. Pero nakita ko siyang umuwi r’yan sa kanila. May kasama siyang babae,” sabi naman ni Mona sa anak upang gatungan pa ang nararamdaman nitong inis. Kapitbahay lamang kasi nila ang nobyo nitong si Rai.

Ang totoo ay wala namang ganoong naging pangyayari. Kaya naman kasi hindi nasundo ni Rai si Sunshine ay dahil biglaan ang panganganak ng ate nitong nagkataong dumalaw lang naman sa kanila kanina. Walang pera ang mga ito na pambayad sa ospital kaya naman naisipan na lamang ni Rai na isangla kay Mona ang cellphone nito. Binilin pa nga nito na sabihin kay Sunshine ang nangyari upang hindi ito magtampo.

Ngunit walang balak na magsabi si Mona ng totoo sa anak. Sa katunayan kasi ay matagal na niyang inaasam na maghiwalay ito at si Rai dahil malaki ang pagkakagusto ng anak ng kaniyang amo kay Sunshine at balak niya itong ireto dito.

Hindi nga nagtagal ay naghiwalay ang magnobyo dahil na rin sa ilang beses niyang paninira sa mga ito. Halos bumilib nga siya sa kaniyang sarili nang mapagtagumpayan ang lahat ng kaniyang plano.

Pilit na pinaniniwala ni Mona ang kaniyang sarili na para sa anak ang kaniyang ginagawa kahit na ang totoo ay dahil lamang iyon sa kagustuhan niyang makaranas ng marangyang buhay.

Samantala, si Rai naman ay halos malugmok dahil sa nangyari sa kanila ng kaniyang nobya. Ang totoo ay alam niya ang lahat ng ginawa ni Aling Mona ngunit hindi rin naman nakinig sa kaniya si Sunshine. Mas pinaniwalaan nito ang sulsol ng ina.

Lumipas ang mga taon at nagtagumpay si Aling Mona sa kaniyang plano. Ikinasal sina Sunshine at ang anak ng kaniyang amo na agad na nakapagpaangat ng estado nila sa buhay.

Noong mga unang taon ay nagingg maayos naman ang pagsasama nina Sunshine at ng asawa nito habang nagpapakasasa naman si Aling Mona sa magandang buhay…

Ngunit hindi iyon nagtagal.

Unti-unting nagbago ang pakikitungo ng asawa ni Sunshine sa kanila. Lalo na nang manganak ito’t maubos na ang ganda.

Nananakit na ang lalaki. Bukod doon ay giinugutom nito si Sunshine at ang sarili nitong anak! Naging miserable ang buhay ni Sunshine dito at labis ang pagsisisi ni Aling Mona.

Nakakuha sila ng pagkakataong makatakas sa puder ng mapang-abusong asawa ni Sunshine. Kung kani-kanino sila nanghingi ng tulong upang makamit ang hustisya ngunit dahil sa koneksyon ng dating asawa nito ay walang gustong tumulong sa kanila.

Hanggang sa muling magtagpo ang landas nina Sunshine at Rai na ngayon ay isa nang ganap at magaling na abogado.

Nagkumustahan ang dalawa. Doon ay nasabi ni Sunshine sa dating nobyo ang miserableng buhay na dinanas niya sa kamay ng malupit niyang asawa…

“Tutulungan kita, Sunshine,” ani Rai dahil sa sobrang awa niya sa dating nobya.

“T-talaga?” hindi makapaniwalang sagot naman nito.

Tumango si Rai at iyon na ang naging umpisa ng paglaban nila para sa hustisya.

Dahil doon ay tila nanumbalik ang dating pagmamahal ni Sunshine kay Rai. Ngunit halos madurog naman ang puso niya nang malamang ikakasal na pala ito sa kaniyang ilang taon na ring nobya. Ang buong akala ni Sunshine ay tinulungan siya nito dahil mahal pa siya ng lalaki… ngunit talaga palang awa na lang ang nararamdaman nito para sa kaniya.

Laking pagsisisi naman ni Aling Mona nang makita ang maganda at marangya nang buhay ni Rai na noon ay hinahamak-hamak lamang niya. Kung hindi sana niya sinira ang relasyon nito at ng anak niya noon ay baka hindi pa nila dinanas ang ganoon kalupit na tadhana sa kamay ng mayaman nga ngunit masama namang asawa ni Sunshine.

Ganoon pa man ay labis pa rin ang pasasalamat ni Rai dahil sa tulong nito ay nakamit nga nila ang hustisya. Nakulong ang dating asawa ni Sunshine at nagsimula ulit sila ng panibagong buhay.

Advertisement