Inday TrendingInday Trending
Problemado ang Ina sa Maagang Pagnonobyo ng Anak; Laking Takot Niya Kasi ay Baka Matulad Ito sa Kaniya

Problemado ang Ina sa Maagang Pagnonobyo ng Anak; Laking Takot Niya Kasi ay Baka Matulad Ito sa Kaniya

Walang ibang inisip si Sita kundi ang labing apat na taong gulang niyang anak na si Elane. Halos hindi na nga siya natutulog dahil sa kaiisip kung paano niya pahihintuin sa pagnonobyo ang kaniyang napakabata pang anak.

Kulang na lamang ay ikulong niya ang dalagita pang anak niya sa loob mismo ng kanilang bahay upang maihiwalay ito sa nobyo nitong halos ‘di naman nalalayo sa kaniyang ina. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Talagang sobrang na siyang namomroblema.

Natatakot si Sita na baka matulad sa kaniya ang kaniya ang anak. Maaga kasi siyang nabuntis at nakapag-asawa noon dahil talagang naging suwail din siya sa kaniyang mga magulang. Napariwara noon ang kaniyang buhay. Nakapag-asawa ng tatlo at nagkaroon ng tig-iisang anak sa mga ito na sa huli ay iniwan lamang din naman siya para sa ibang babae. Kaya naman mag-isa siyang kumakayod ngayon upang buhayin ang mga ito.

Ngayon niya napagtatanto ang pakiramdam noon ng kaniyang mga magulang habang siya ay nagiging suwail.

“Anak, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko para makinig ka sa akin,” maluha-luhang ani Sita kay Elane na noon ay nagmumukmok sa isang sulok dahil ayaw niya itong payagang makipagkita sa nobyo nito.

Lalong nalukot ang mukha ni Elane nang makitang nagda-drama pa sa harapan niya ang kaniyang ina. Ni hindi man lang nakaramdam ng awa ang dalagita sa inang ngayon ay halos malugmok na dahil sa pamumroblema sa kaniya.

“Anak naman, gusto mo bang matulad ka pa sa akin? Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral dahil naging suwail akong anak noon sa lolo at lola mo. Maaga rin akong nagkaanak at nag-asawa pero hindi pala puro kilig ang hatid ng gano’ng buhay sa akin. Naging miserable ang buhay ko dahil sa mga naging nobyo ko’t kinakasama. Ayaw kong mangyari iyon sa iyo!”

Tuluyan nang humagulhol si Sita sa harapan ng anak.

Tila napikon naman ang dalagita sa nakikitang asal ng ina. Mabuti n lamang at nasa trabaho ang kaniyang ate at kuya kundi ay baka napagalitan na naman siya ng mga ito dahil pinaiiyak na naman niya ang kaniyang ina.

“Tumututol pa, samantalang ganoon din naman siya noon!” galit na ani Elane sa kaniyang isipan laban sa ina.

Sa huli ay walang sinunod na ni isang payo si Elane at ipinagpatuloy ang pakikipagrelasyon sa kaniyang nobyo.

Isang araw ay umiiyak na umuwi si Elane galing sa labas ng kanilang bahay. Paano ay nahuli raw nito ang kaniyang nobyo na may kasamang iba!

Ang buong akala ni Elane ay pagagalitan pa siya ng ina at susumbatan tungkol sa kaniyang pagiging suwail ngunit nagulat siya nang isang mahigpit na yakap pa ang iginawad nito sa kaniya.

“Ayos lang ’yan anak. Iiyak mo lang. Masakit talaga ang unang pag-ibig dahil ito rin ang pinakamasaya. Ganoon pa man, lagi mo lang tatandaan na nandito lang si mama, ha?” pang-aalo ng kaniyang ina kay Elane na noon ay tila mabilis na gumaan ang pakiramdam. Tila nawala ang lahat ng tampo ni Elane sa ina tungkol sa paghihigpit nito noon sa kaniya. Tila bigla niyang naintindihan na ang lahat ng iyon ay tanda lamang ng pagmamahal nito sa kaniya.

Niyakap pabalik ni Elane ang kaniyang mama…

“Mama, sorry po sa lahat ng kasalanan ko sa inyo. Pangako po na hindi ko na po uulitin ’yon. Simula po ngayon ay mas magiging mabuti po akong anak para po makabawi.” Sinundan ni Elane ng isang halik sa pisngi ng ina ang mga katagang kaniyang binitiwan.

Nang mga sumunod na araw, buwan at taon ay tinupad ni Elane ang pangako niya sa kaniyang ina. Sa pagtatapos niya ng kolehiyo ay itinanghal siya bilang pinakamataas na magkakamit ng parangal sa kanilang eskuwelahan para sa batch na iyon. Labis na tuwa ang naging hatid niyon sa kanilang buong pamilya.

Ilang taon pa ang lumipas ay naging matagumpay pa si Elane sa kaniyang tinahak na landas. Lahat ng iyon ay ipnagpapasalamat niya sa kaniyang ina na ginabayan siya nang tama at hindi sumuko kahit pa noon ay napakatigas ng kaniyang ulo.

Nakilala na rin ni Elane ang lalaking kaniyang makakasama sa habang buhay at sa pagkakataong ito ay hindi na tumutol pa ang kaniyang ina, bagkus ay suportado pa sila ng nobyo. Napatunayan niyang may tamang panahon pala talaga ang lahat.

Advertisement