Pinalayas Niya ang Sapatero sa Tapat ng Kaniyang Tindahan; Pagsisisihan Pala niya Ito Kalaunan
Tirik na tirik na naman ang araw sa kahabaang iyon ng kalsada. Puno na naman ang ibaʼt ibang mga establisyimento dahil sa mga taong napipilitang sumilong muna sa mga iyon dahil talagang nakasusunog ng balat ang sikat ng araw.
Ngunit tila hindi iniinda ng sapaterong si Jackson ang naturang init ng panahon. Sa gilid ng kalsada, sa tapat ng isang tindahan ng mga inuming mamahalin o tinatawag na milk tea shop ay nagpapakahirap siyang magtawag ng mga customers na bibili sa kaniyang mga dala-dalang sapatos na ibinibenta.
Bagsak presyo ang mga ito kaya naman halos dumugin din iyon ng mga tao lalo pa at magaganda ang quality ng mga paninda ni Jackson. Siya kasi mismo ang gumagawa ng nga sapatos na iyon gamit ang ilang retaso na ibinibenta sa kaniya ng isang pagawaan ng sapatos sa bagsak presyong halaga. Kaibigan niya kasi ang ilan sa mga guwardiya roon at pinapayagan naman ang mga ito sa ganoong gawain nila.
Samantala, padabog namang ibinagsak ng may-ari ng milk tea shop ang pintuan ng kanilang tindahan. Nakikita niya kasi ang kumpulan ng mga tao sa tapat ng kanilang tindahan at natatakpan na halos ng mga ito ang naturan nilang shop.
“Bakit ba nariyan na naman ang sapaterong ʼyan? Paalisin nʼyo nga ʼyan dahil natatakpan na naman nila ang shop natin! Simula ngayon ay huwag na ninyo iyang pababalikin dito!” hiyaw ng masungit at ganid na may-ari ng tindahan sa kaniyang mga empleyado.
“Pero, sir—” akma sanang magsasalita at mangangatuwiran ang isa sa mga empleyado nang muli itong bulyawan ng kaniyang boss.
“Wala nang pero-pero! Kung ayaw mong sundin ang utos ko, sisante ka na!” sabi pa nito at napayukod na lang ang naturang empleyado na kalaunan ay napilitang sundin ang kaniyang gusto.
Hindi man lang nasabi ng empleyado na malaki ang ambag ni Jackson, ang sapatero, sa kanilang tindahan. Ito kasi ang nagdadala halos ng customer doon. Dahil sa pagiging mabenta ng mga sapatos nito, kahit pa nasa tapat ng initan ang puwestoʼy nae-engganyong bumili sa kanila ang mga tao.
Nalungkot si Jackson nang sabihin sa kaniya ng empleyado ang sinabi ng may-ari ng milktea shop. Ganoon pa man ay naiintindihan naman niya ang kalagayan nito kaya naman nagpasiya na lamang siyang lumipat ng puwesto.
Sa katabing bahagi ng naturang milktea shop ay may isa ring tindahan ng mga inumin. Iyon nga lang ay hindi ito gaanong dinudumog dahil nga mas sikat at mas uso ngayon ang milktea bilang inumin ng mga tao. Ang tindahan kasing nasa tabi ng milktea shop ay tindahan ng masarap na halu-halo, sago’t gulaman, mais con yelo at kung anu-ano pang samalamig na napaglipasan na ng panahon.
Ngunit magsisimula ang malaking pagbabago nang magpaalam sa may-ari ng naturang tindahan si Jackson na doon na lamang siya lilipat sa tapat ng mga ito dahil pinaalis siya sa kabilang tindahan. Malugod at walang pagdadalawang-isip naman siyang pinayagan ng may-ari.
Dahil doon, simula nang araw na iyon ay hindi na muling nawalan pa ng customers ang tindahang dati ay pinaglipasan na ng panahon. Nagsimula namang maging matumal ang benta ng kabilang establisyimento at ganoon na lang ang pagtataka ng may-ari nito nang malamang ang karibal na nila ngayon ang siyang dinudumog ng tao.
“Sir, ang totoo po kasi niyan, si Kuya Jackson ho ang nagdadala ng maraming customers dito sa milktea shop natin. Iyong mga customers niya ho sa mga paninda niya ang madalas ding bumili sa atin. Kaso pinaalis n’yo ho siya, eh,” minsan ay saad ng isa niyang empleyado nang makita siya nitong namumroblema sa kita ng kanilang shop.
Doon ay tila napaisip naman ang may-ari. Kinabukasan ay inabangan niyang magtungo sa kaniyang bagong puwesto si Jackson…
“Jackson, pasensiya ka na sa naging asal ko sa ’yo noon. Hindi ko sinasadya iyon. Nagkataon lang na mainit ang ulo ko nang araw na iyon. Sana, maisipan mo nang bumalik sa puwesto mo sa tapat ng tindahan ko. Welcome ka na ulit doon,” pakiusap ng noon ay desperado nang may-ari ng milkea shop ngunit agad na umiling si Jackson.
“Hindi na po, sir, okay na po ako rito. Pero wala na ho sa akin ’yong nangyari noon. Naiintindihan ko po kayo,” nakangiting sabi naman ni Jackson na agad na ikinabagsak ng balikat ng may-ari ng milktea shop.
Iyon na rin kasi ang simula ng tuluyan nang pagbagsak ng kaniyang negosyo habang ang simula naman ng paglago ng negosyo ni Jackson at ng kabilang tindahan.
Sa paglipas ng panahon ay nabalitaan na lamang nito na ang dating puwesto ng kaniyang milktea shop ay pagmamay-ari na ni Jackson at isa na ngayong ganap na tindahan ng mga branded nitong sapatos.