Sabay na Niligawan ng Binata ang Dalawang Magkaibigan; Siya na Kaya ang Sisira sa Kanilang Pinagsamahan?
“Alam mo ba Darlene, nililigawan ako ni Jackson,” masayang wika ni Kiara sa kaibigan. “Kaso gusto ko muna siyang pahirapan nang kaunti. Alam mo na, para hindi naman masyadong nakakadismaya. Baka akalain pa niyang easy to get lang ako,” dugtong pa nito.
“Sabagay tama iyang desisyon mo, Kiara. Seaman pa naman ‘yan, mahirap na. Baka may pagka-chicboy,” nakangiti niyang wika.
“Kaya nga e. Sabi niya pupunta raw siya rito sa lunes, kasi gusto niya raw akong makita.”
“Mas maganda ‘yon Kiara, para malaman mo kung tunay ba talaga ang nararamdaman niya sa’yo,” sambit ni Darlene at muling pinagpatuloy ang ginagawa.
Ayon sa kwento ni Kiara ay kababata niya raw itong si Jackson. Nakapagtapos ito sa kursong pagsi-seaman at agad ding nakasampa sa barko dahil sa malakas na kapit nito. Mula noong nagpunta si Kiara sa Manila ay hindi na rin sila nagkita pa ng kababata, kaya noong nagkaroon ng pagkakataon na magkita silang muli ay wala nang pinalampas si Jackson.
“Darlene, nais ko pa lang ipakilala sa’yo si Jackson.” Pakilala ni Kiara sa lalaki. “Jackson, siya naman si Darlene, ang kaibigan at kasama ko sa trabaho pati na rito sa bahay.”
“Hi, nice to meet you, Darlene,” wika nito sabay lahad ng kamay na agad namang tinanggap ni Darlene.
“Hello. Nice to meet you,” nakangiting sambit ni Darlene. “Sige maiwan ko na muna kayo,” agad niyang paalam.
Ayaw naman niyang maging bastos at usisera sa harapan ng dalawa. Saka alam niyang maraming dapat pag-usapan ang dalawa.
KINABUKASAN ay nagtaka si Darlene kung bakit may hindi rehistradong numero ang nagtext sa kaniya. Nang kaniyang tinanong ay si Jackson daw ito at nais na makipagkaibigan sa kaniya.
“Kiara, bakit mo naman binigay ang number ko sa manliligaw mo?” Tanong ni Darlene s kaibigan.
“Ha? Sabi kasi niya sa’kin nais daw niyang hingin ang numero mo para ibigay niya sa pinsan niya para daw kapag nag-date kami ay may kasama ako at may makaka-date din ang pinsan niya. Kumbaga double date. Kaya ibinigay ko,” paliwanag ni Kiara.
“Gano’n ba?” Salubong ang kilay na wika ni Darlene.
Malayo kasi sa paliwanag ni Kiara ang ginawa ni Jackson. Wala naman itong ibang pinagbigyan ng numero niya, dahil wala namang ibang nagtext pa sa kaniya kung ‘di ito lang. Saka may kakaiba sa bawat text ng lalaki, tila nanliligaw rin ito sa kaniya. Kaya nga binabara niya ito.
Gaya na lamang ngayon. Nakatanggap na naman siya ng text message galing kay Jackson na ang laman ay; Hello Darlene, kumusta ang araw mo? Alam mo bang mula noong nakita kita no’ng pumunta ako sa bahay niyo ay hindi ka na nawala pa sa isipan ko? Pakiramdam ko nga’y nakatatak na ang imahe mo sa isipan ko. Sana maayos lang ang araw mo at palagi kang mag-iingat.
Imbes na pansinin ang mensahe ni Jackson at sagutin ito ay mas pinili na lamang ni Darlene na burahin kaagad ang text message upang hindi na gumawa pa ng malisya sa iba, lalo na kay Kiara.
Isang linggo na ang lumipas ngunit patuloy pa ring nangungulit sa kaniya si Jackson. Kapag hindi niya sinasagot ang text message nito ay ura-urada bigla na lamang itong tatawag na mas lalong wala siyang balak sagutin. Baka marinig pa ni Kiara ang magiging usapan nila.
“Kanina pa ‘yan tumatawag sa’yo,” kausap ni Kiara. “Sino ba si Mr. Pangit? Manliligaw mo? Grabe ka ha, wala ka man lang naku-kwento sa’kin.”
Alanganing ngumiti si Darlene sabay kamot ng sentido. “H-ha? Wala ‘to. Stalker lang,” biro niya.
“Kapag pangit, stalker. Pero kapag pogi naman ang manliligaw, prince charming. Ikaw ah, bad ka talaga Darlene,” pabirong wika ni Kiara.
Imbes na patulan ito ay tumawa na lang siya nang malakas. Kung alam lang nito na si Mr. Pangit at ang manliligaw nitong si Jackson ay iisa, baka nagwala na ito ngayon.
“Nga pala, nililigawan ka pa rin ba ni Jackson?”
“Oo.” Walang gatol nitong sagot. “Balak ko na nga siyang sagutin e. Kaunting pagsubok pa, pero malapit na.”
“Ahh…” Hindi malaman ni Darlene kung paano ipapaliwanag sa kaibigan na hindi karapat-dapat si Jackson sa matamis nitong oo. Natatakot siyang baka hindi siya paniwalaan ni Kiara.
“Kiara, huwag mo na lang kayang sagutin si Jackson?” deretsong wika ni Darlene.
Agad namang nagulat si Kiara sa sinabi niya.
“Hindi kasi deserving si Jackson para sa’yo. Sobrang bait mo at napaka-maalaga mong tao. Saka kapag nagmahal ka, wagas kang magbigay. Kaya feeling ko hindi si Jackson ang lalaking para sa’yo,” paliwanag ni Darlene.
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Kiara, hindi ko alam kung paniniwalaan mo ako o hindi. Pero talagang hindi ko na kayang itago ‘to e. Habang nililigawan ka ni Jackson, ay nililigawan niya rin ako. Hindi ko alam kung ano bang gusto niyang gawin. Nais ba niya tayong tuhuging dalawa o nais niyang sirain ang pagkakaibigan natin.
Pero maniwala ka, wala akong balak sa kaniya. Hindi ko siya type at hindi ko rin siya kailanman magugustuhan lalo na sa ipinakita niyang ugali ngayon. Kaya ko sinasabing huwag mo na lang sagutin dahil hindi siya karapatdapat mahalin,” mahabang paliwanag ni Darlene.
Bahala na kung maniniwala sa kaniya ang kaibigan o hindi.
“Totoo ba iyang sinasabi mo, Darlene?”
“Sa palagay mo, magsisinungaling ba ako sa’yo?” Balik tanong niya rito. Nakita niya ang galit sa mukha ni Kiara at bigla na lamang itong natahimik na tila ba may binabalak na masama.
Tama nga ang naisip ni Darlene, dahil tinawagan nito si Jackson at malambing na kinausap. Inimbitahan nito ang lalaki na pumunta sa bahay nila kinabukasan.
“Jackson, magdala ka ng pagkain ah. Sige bye. Mag-iingat ka. Basta bukas ko na sasabihin sa’yo,” malambing na wika nito sa kabilang linya.
Walang magawa si Darlene kung ‘di ang magbuga na lang ng isang malalim na buntong hininga. Sa tagal ng pagkakaibigan nila, ito ang patunay para sa kaniyang hindi nga siya pinagkakatiwalaan ng kaibigan. Mukhang sa kaniya pa nga yata nagalit si Kiara, dahil hindi na siya kinausap pa ng kaibigan.
KINAGABIHAN ay nasa kusina na ang dalawa at masayang kumakain. Kaya mas pinili na lamang si Darlene na tumambay na muna sa sala ng bahay nila. Siya na ang nagsasabi ng totoo, siya pa ang lumabas na masama. Mukhang sinagot na nga yata ng tuluyan ni Kiara si Jackson. Wala na siyang magagawa. Ginawa na niya ang kaniyang parte.
“Kiara, kaya mo ba ako pinapunta rito? Kasi ngayon mo na ako sasagutin?” Rinig niyang wika ni Jackson.
Ahh! Mali pala ang akala niya? Hindi pa pala sinasagot ni Kiara si Jackson.
“Hindi!” Agad na wika ni Kiara. “Pero ngayon ko sasabihin sa’yong itigil mo na ang panliligaw mo sa’kin— pati na kay Darlene.” Prangkang wika ni Kiara. “Alam kong nililigawan mo rin ang matalik kong kaibigan, Jackson. Kung anuman ang dahilan mo ay pareho naming hindi alam kung ano. Pero isa lang ang nasisiguro ko. Hindi ang kagaya mo ang makakapagpasira sa pagkakaibigan namin ni Darlene. Kaya maaari ka nang umalis! Salamat nga pala sa pagkain,” taboy pa nito sa lalaki.
Galit na umalis ng bahay nila ang lalaki. Agad naman niyang nilapitan ang kaibigan nang mag-isa na lang ito sa kusina.
“Akala ko talaga hindi mo ako pinaniwalaan,” mangiyak-iyak na wika ni Darlene.
“Ano ka ba?! Mas kilala kita kaysa kay Jackson, kaya paano mo naman naisip na hindi kita paniniwalaan.”
“Mukhang nagalit ka kasi sa’kin,” may himig tampo niyang wika.
“Hindi ah… nag-isip lang ako ng magandang plano kaya nanahimik ako. Pero hindi ibig sabihin no’n na ipagpapalit kita sa tukmol na iyon. Alam kong hindi mo ako tatraydurin— subukan mo lang! Pero mas may tiwala ako sa’yo kaysa sa iba, Darlene,” anito sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.
“Salamat ah,” umiiyak na wika ni Darlene. “Akala ko talaga friendship over na.”
Agad namang pinalo ni Kiara ang braso niya. “Let*che walang gano’n!” anito saka sabay na silang nagtawanan.
Kailanman ay hindi magtatagumpay ang masama. Gaya na lang sa nais mangyari ni Jackson na hindi nagtagumpay. Walang makakasira sa pagkakaibigan na may malalim na pundasyon.