Isang Libong Piso Kapalit ng Limang Pirasong Inumin; Sukli Pala Nito’y Isang Matamis na Ngiti
Buhay na ni Mang Nicholas ang pagtitinda ng inumin sa araw-araw. Natigil lamang siya noong panahong nag-lockdown ang buong ‘Pinas, dahil sa kinakaharap nitong pandemiya. Ngunit ngayon na kahit papaano ay maaari nang lumabas at magtinda ay muli na namang siyang nakikipagsapalaran sa labas upang magtinda ng kaniyang paninda.
“Mang Nicholas, namiss ko kayo ah! Ilang buwan rin tayong hindi nagkita dahil sa lockdown,” nakangiting kausap ni Nena ang may-ari ng tindahan na kaniyang hinahatiran ng paninda.
“Oo nga Nena, pero ayos lamang iyon. Kasi kahit papaano, nakapagpahinga rin tayong lahat at medyo umayos nang kaunti ang kapaligiran. Nabawasan ang usok ng mga sasakyan at factory,” wika ni Nicholas habang abala sa pagbibilang ng panindang iiwan sa tindahan.
“Sabagay nga naman. Kami nga rin Mang Nicholas, ngayon lang rin kami nagbukas ng tindahan. Ipinagbabawal rin kasi nang Barangay namin na magbukas noong naka-lockdown pa. Kaya heto, balik sa uno.” Malungkot na wika ni Nena.
“Hayaan mo na, Nena. Makakabawi rin tayo,” masigla pa ring wika ni Mang Nicholas.
Lahat naman yata ay apektado sa pandemyang dinadanas ngayon ng mundo. Ngunit mas apektado ang katulad niyang mahihirap. Kapag wala kasi silang kakahirin ay wala rin silang tutukain. Isa pa ang hirap umasa sa ayuda ng gobyerno. Salamat kung makakatanggap, salamat na rin kung hindi.
Noong wala pang pandemiya ay hindi kailanman nahirapan si Mang Nicholas sa pagtitinda. Marami na siyang suking tindahan na araw-araw niyang hinahatiran ng minsan ay bente pirasong inumin, at ang iba naman ang singkwenta o mas mataas pa.
Kaya nga noon ay hindi siya inaabutan nang tanghali sa paglalako, dahil alas onse pa lang ay ubos na ang kaniyang paninda. Ngunit ngayong may pandemiya na ay nahihirapan na siyang paubusin ang tatlong daang pirasong paninda. Kung noon kulang pa ang limang daang piraso niyang dala, ngayon ay sumusobra pa kahit tatlong daang pirasong inumin na lang ang bitbit niya.
Marami pa rin kasing tindahan ang hindi nagbukas dahil sa takot. Kaya laging kapos ang budget nilang pamilya. Ngunit para kay Mang Nicholas, ay masaya pa rin naman ang buhay.
“Manong magkano po ang isa?” Tanong ng lalaki.
“Sampu lang, hijo,” sagot naman ni Mang Nicholas. “Kapag isang balot ang bibilhin mo, limang piraso ang laman. Kwarenta’y singko lang,” dugtong niya.
“Sige. Isang balot na ang bibilhin ko,” sang-ayon naman agad nang lalaki.
Agad naman iyong binigyan ni Mang Nicholas. Ngunit nang iabot nito ang pambayad ay agad siyang nanlumo.
“Wala kang bang maliit na halaga lang, hijo? Wala pa kasi akong benta. Kalalabas ko lang,” mahinang wika ni Mang Nicholas.
“Gano’n po ba manong? Sige sa inyo na lang po ang sukli,” wika ng lalaki.
“Ha? Masyado pang malaki ang isusukli ko sa’yo hijo. Hindi ka ba nanghihinayang sa siyam na raan at apat na po’t lima mong sukli? D’yan ka lang muna at hahanap ako ng barya,” wika ni Mang Nicholas at akmang aalis sa pwesto upang baryahan ang isang libo.
Ngunit agad naman siyang pinigilan ng lalaki. “Tulong ko na lang po iyan sa inyo manong. Ibili niyo na lang ng bigas para sa pamilya niyo. Natutuwa po kasi ako sa inyo, kasi masigla pa rin kayo kahit puro negatibo na nga ang nangyayari sa mundo. Gusto ko ‘yong pagiging positibo niyo, sana mahawaan ako.”
Mangiyak-iyak namang tumingin si Mang Nicholas sa binata. “Ang hirap tanggapin nito lalo na’t alam kung lahat tayo nahihirapan. Pero nais kitang pasalamatan sa kabutihan mo hijo.”
“Ipagpatuloy niyo sana ang pagiging positibo niyo sa buhay. Mabuhay kayong masigla at malusog. Masaya na ako roon,” nakangiting wika ng lalaki saka nagpaalam sa kanya.
Naiwan si Mang Nicholas na nakatitig sa isang libo, kapalit ng limang pirasong inumin. Sobra-sobrang biyaya na iyon para sa kaniya. Muli niyang tinignan ang pinanggalingan ng lalaki.
“Para kang anghel na bumaba sa lupa upang abutan ako ng biyaya,” mahinang bulong ni Mang Nicholas sa sarili.
Kung sino man ang lalaki, ang Diyos na ang bahalang magbalik sa biyayang inabot nito sa kaniya. Salamat rito at siguradong may makakain na silang magpapamilya mamaya.
May mga biyayang minsan ay hindi natin inaasahan. Minsan galing iyon sa kamag-anak natin, sa mga kaibigan, sa mga kakilala at madalas ay sa taong hindi natin kilala. Ang mahalaga ay huwag tayong makakalimot na magpasalamat sa Diyos Ama.