Inday TrendingInday Trending
Magandang Kalooban ng Estranghero sa Nangangalakal na Gutom; Biyayang Maituturing Nilang Pareho ang Pagtatagpo

Magandang Kalooban ng Estranghero sa Nangangalakal na Gutom; Biyayang Maituturing Nilang Pareho ang Pagtatagpo

Pauwi na si James nang mahagip ng kaniyang paningin ang isang patpating lalaking may bitbit na sako na ang hinala niya’y laman ng mga kalakal na natipon nito.

“Kuya, ayos ka lang ba?” Nag-aalala niyang tanong.

Ala-una na ng tanghali at mukhang gutom na gutom na ang lalaki, dahil panay na ang himas nito sa sariling sikmura.

Alanganing tumango ang mamá at tipid na ngumiti. “A-ayos lang ako.” Nanginginig nitong wika.

Tama nga ang kaniyang hinala na nagugutom na ito, kaya panay na ang himas nito sa sariling sikmura.

“Kuya, gusto mo bang sumama sa’kin? Kakain tayo. Sa itsura mo kasi ngayon mukhang gutom na gutom ka na at nanghihina,” anyaya niya.

Tumayo naman ang lalaki upang kausapin siya. “Sir, baka pwedeng bigas na lang po ang ibigay niyo sa’kin, kaysa pagkain.”

“H-ha? Pero putlang-putla na ang itsura mo—”

“Kaya ko pa namang tiisin ang gutom ko, sir. Pero ‘yong mga anak at asawa ko ngayon, panigurado akong gutom na gutom na rin sila ngayon,” malungkot na wika ng lalaki.

Nag-isip muna si James, kung kakasya ba ang dala niyang pera para bigyan ang mamá nang sapat para sa pangangailangan nito. “Sige, kuya. Sumama ka sa’kin. Maghahanap tayo ng mabibilhan ng bigas at nang kaunting de lata. Pero kuya bago natin gawin iyon, sumama ka muna sa’kin sa isang fastfood upang kumain tayo ng sabay. Ayos na iyon sa’yo?”

Mangiyak-iyak na tumango ang lalaki.

Dinala nga niya ang mangangalakal na nakilala ni James, sa pangalang Nestor. Trenta’y tres lamang ito at may limang anak, magkasing-edad lamang sila, ngunit ang kaibahan ay pamilyadong tao na ito, samantalang siya’y binata pa. Construction lamang ang trabaho nito kaya ngayong wala pang project ay pangangalakal ang ginawang pagkakakitaan ni Nestor upang buhayin ang asawa at ang limang anak.

“Kanina pa ako naghahanap nang makakalakal, kaso matumal ang kalakal ngayon. Kasi ito pa lang ang nahahanap ko,” anito sabay silip sa sakong halos wala pang laman. “Napakainit talaga ng panahon ngayon at kay hirap makipagsapalaran sa lansangan, kaso kailangang magtiis dahil sa pamilya kong naghihintay sa’kin,” kwento nito.

Normal na ang boses ni Nestor at hindi na nanginginig. Ibig sabihin ay nawala na ang dinaramdam nitong gutom, dahil halos patapos na silang kumain.

“Mabuti ka pa, Nestor, kahit alam kong nahihirapan ka na sa ginagawa mo, nakukuha mo pa ring magtiis,” buong paghangang wika ni James.

“Oo. Kasi sa ngayon ito lang ang alam kong pagkakakitaan. Ayoko namang gumawa ng masama para lang makakain kami ng pamilya ko. Minsan naiisip ko na ring magnakaw na lang o ‘di kaya’y magbenta na lang ng dr*ga, mas mabilis kasi ang kita roon. Kaso naiisip ko rin na paano kapag nakulong ako? Sino na ang mag-aalaga sa pamilya ko kung gano’n. Kaya magta-tiyaga na lamang ako sa mahirap na pangangalakal, basta ang mahalaga ay malinis ang konsensya ko.”

Buong panghangang tumitig naman si James kay Nestor. Ngayong nakausap niya ang lalaki ay tumaas ang respito niya rito. Tama si Nestor, mas masarap pa ring kitain ang perang galing sa hirap.

“Tama ka Nestor. Ipagpatuloy mo ang prinsipyo mong iyan,” aniya nang walang maisip sabihin.

Matapos nilang kumain ay agad silang pumasok sa isang grocery store, upang bilhan si Nestor ng kinse kilong bigas at kaunting de lata para kahit papaano ay may makain ang pamilya nito. Gatas para sa tatlong buwan nitong anak at ilang prosesong pagkain gaya ng hotdog at skinless para sa ulam nila ngayong araw.

“Pasensiya ka na Nestor, iyan lang ang nakayanan ko,” aniya nang maihatid si Nestor sa sakayan ng jeep pauwi.

“Sobra-sobra na po ito, Sir James. Bigas lang ang hiningi ko sa’yo, pero sobra-sobra pa ang ibinigay mo sa’kin.”

“Walang anuman ang lahat nang iyan,” nakangiting wika ni James. “Maging mabuting tao ka pa rin, Nestor, kahit malupit ang mundo. Isipin mo palagi ang asawa’t mga anak mo. Iyon lang ang hihilingin ko sa’yo.” Dugtong ni James.

“Maasahan mo iyan, Sir James.”

“Maliit na bagay lamang ang mga ibinigay ko sa’yo. Pero ‘yong aral na itinuro mo sa’in ngayong araw ay alam kong habang buhay kong dadalhin. Salamat sa inspirasyon, Nestor.” Aniya saka tinapik ang braso ng bagong kaibigan at tuluyan nang nagpaalam.

Napagtanto ni James, na hindi lang siya ang naging biyaya para kay Nestor, dahil naging biyaya rin para sa kaniya ang lalaki. Sa madaling salita— pareho silang may iniwang mahalagang alaala sa isa’t isa.

Advertisement