Inday TrendingInday Trending
Nagpadala ang Binata sa Sulsol ng Kasintahan na Dalhin na Lamang ang Lolo Niya Sa Home For The Aged; Hindi Maglalaon ay Mapagtatanto Niya ang Kaniyang Kamalian

Nagpadala ang Binata sa Sulsol ng Kasintahan na Dalhin na Lamang ang Lolo Niya Sa Home For The Aged; Hindi Maglalaon ay Mapagtatanto Niya ang Kaniyang Kamalian

Nagmamadali na nagmaneho pauwi ng bahay si Greg matapos makatanggap ng tawag mula sa kaniyang kinakasamang si Patrice. Nagkukumahog siyang bumaba ng sasakyan at agad dumiretso sa loob ng bahay at nakita niya ang gulo sa sala. May mga basag na baso at plorera.

“A-anong nangyari, babe?” natatarantang sambit ni Greg sa kinakasama.

“Ang lolo Mauricio mo, nagwala na naman siya,” malamig na tugon ng dalaga.

“N-nasan na siya ngayon?” tanong ng binata.

“Nasa taas na, sa silid niya. Inayos na siya ni Manang Belle. Mabuti na nga lang at hindi pa nakakauwi si manang at napakalma niya agad ang lolo kung hindi ay hindi ko alam ang gagawin ko,” sambit ni Patrice.

“Pasensiya ka na. Sige, akyat na muna ako para tingnan ko si lolo. Maiwan muna kita dito,” wika ni Greg.

“Greg, hindi ko alam kung makakatagal pa ako sa ganitong sitwasyon. Nakikita mo naman na palala na nang palala ang kondisyon ng lolo mo. Parehas tayong may trabaho at hindi ko na kayang asikasuhin pa ang lolo mo. Saka malapit na rin ang kasal natin. Paano tayo makakapamuhay at makakagawa ng sarili nating pamilya kung ganiyang may iba pa tayong kargo?” sambit pa ng dalaga.

“Huwag muna natin pag-usapan ‘yan ngayon, Patrice,” pakiusap ni Greg.

“Hindi, Greg! Lagi mo na lamang iniiwasan ang usapan na ito. Ngayon na natin pag-usapan kasi ngayon ko na kailangan ng sagot mo! Ano ba talagang balak mo sa relasyon natin?! Ilang beses mon ang kinakansela ang kasal dahil dyan sa kalagayan ng lolo mo. Laging siya na lang ang inintindi mo. Paano naman ako, paano naman ang relasyon na ‘to?!” sumbat ni Patrice.

Sasagot sana si Greg sa kinakasama ngunit bigla na lamang niyang narinig ang tinig ng kaniyang Lolo Mauricio.

“Apo, uminom ka na ba ng tubig? Baka kumain ka na naman ng tsitsirya. Sinasabi ko sa’yo walang magandang idudulot ang pagkain na hindi masustansya,” wika ng kaniyang lolo.

“Pasensiya na Greg, nagpilit kasi ang lolo mo na bumaba. Kanina ka pa kasi niya inaantay,” wika ni Manang Belle.

“Wala pong anuman, manang. Sige po at ako na po ang bahala sa lolo ko. Gabi na rin. Uwi na kayo para makapagpahinga kayo. Pasensiya na rin kayo sa nangyari ngayon,” paumanhin ni Greg sa ginang.

“Wala iyon, Greg. Alam mo namang mahal ko ‘yang si Lolo Mauricio. Talagang matanda na lang kaya kailangan ng mas mahabang pasensiya,” saad ni Manang Belle sa binata.

Agad na inasikaso ni Greg ang kaniyang lolo pabalik ng silid. Bago tuluyang makatulog ang kaniyang lolo ay wala itong sinabi kung hindi pagpapaalala sa kaniyang apo na lagi itong uminom ng tubig at huwag kumain ng hindi masustansyang pagkain. Umo-oo na lamang sa kaniya ang binata upang matapos agad ang usapan.

Saka niya hinarap si Patrice.

“Babe, pasensiya ka na. Pasensiya ka na sa nangyayaring ito. Alam ko napapagod ka na,” sambit ni Greg sa dalaga.

“Bakit kasi hindi na lang natin dalhin ang lolo mo sa home for the aged. Doon ay mas maasikaso siya. Mas matitingnan ang kalagayan niya. Ikukuha natin siya ng personal nurse doon. Hindi naman natin siya pababayaan, e. Hindi ko na lang talaga kaya pang makasama sa iisang bubong ang lolo mo,” wika ni Patrice.

“Greg, binibigyan kita ng isang buwan para pag-isipan ang bagay na ito. Kung ayaw mo ay malamang ko’y ituloy na lamang natin ang kasal kapag wala na siya o hindi ko alam. Basta isang buwan, Greg. Aalis na ako rito sa bahay na ito,”dagdag pa ng dalaga.

Dahil dito ay lalong naguluhan si Greg. Wala na kasi silang ibang kamag-anak dahil kaisa-isang anak ang kaniyang ina ng kaniyang Lolo Mauricio at kaisa-isa rin siyang anak ng kaniyang mga magulang. Mula noong namat*y mula sa aksidente ang kaniyang ama at sa isang malubhang karamdaman naman ang kaniyang ina ay naiwan na siya sa pangangalaga ng kaniyang Lolo Mauricio.

Ngunit sa pagtanda ni Lolo Mauricio ay nagkaroon ito ng Alzheimer’s Disease kung saan nabubura ang kaniyang mga alaala. Ngunit dahil sa pagtanaw ng utang na loob ay hindi magawa ni Greg na basta na lamang ilagay sa home for the aged ang matanda.

Isang gabi ay nagkukumahog na naman si Greg na umuwi ng kanilang tahanan. Nakatanggap siya ng tawag mula kay Manang Belle. Doon ay dinatnan muli niya ang bahay na magulo.

“Nagwala na naman ang lolo mo,” sambit ni Patrice. “sa pagkakataong ito ay pinagpupunit naman niya ang mga dokumentong ito,” dagdag pa ng dalaga.

Doon tumabad sa kaniya ag mahahalagang dokumento na kailangan niya sa kaniyang trabaho. Lubusang inis ang nararamdaman ni Greg sa kaniyang lolo.

Doon ay nagdesisyon siya na tama nga ang kasintahan. Upang mabuhay sila ng normal ay kailangan na niyang dalhin ang kaniyang lolo sa home for the aged. Kinukumbinsi niya ang sarili na tama ang kaniyang gagawin sapagkat kukuhaan naman niya ito ng personal nurse.

Agad niyang inasikaso ang mga papeles sa pagdala niya sa matanda sa tahanang iyon.

Habang nasa sasakyan sila ng kaniyang lolo ay tuwang tuwa ang matanda.

“Matagal na tayong hindi nakakalabas, apo. Masaya ako at nakakuha ka ng oras ngayon,” wika ni Lolo Mauricio na nag-aakalang papasyal lamang sila ng aping si Greg.

Ang hindi alam ng matanda ay dadalhin an siya ni Greg sa home for the aged at doon na maninirahan.

Nang makarating sila sa home for the aged ay kinukumbinsi pa rin ni Greg ang kaniyang sarili. Alam niyang mas mapapabuti ang lahat kung nasa kanlungan na ito ang matanda.

Habang papasok sina Greg at Lolo Mauricio, mabatid ng binata ang aliwalas sa mukha ng matanda na sinyales na alam nito kung saan sila tutungo. Bago pa sila tuluyang makapasok ay nagwika muli ang matanda.

“Apo, huwag mong kakakalimutan na uminom ng tubig. Huwag ka ring kakain ng hindi masustansyang pagkain. Ayaw kong danasin mo ang dinanas ng lola mo at iyong ina,” saad ng matanda

Doon ay bumalik sa kaniya ang lahat simula ng bata pa siya.

“Apo, tara muna dito sa lolo!” tawag ni Lolo Mauricio sa batang si Greg.

“Kumakain ka na naman ng tsistsirya. Ito ang tubig, uminom ka ng marami. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na tanging masustansyang pagkain lang ang kakainin mo? Ikaw talagang bata ka. Halika nga dito at punasan ko ang likod mo!” dagdag pa ng matanda.

Naalala din niya ang mga panahong pinagpapasa-pasahan siya ng kaniyang mga tiyahin sa poder ng kaniyang ama.

“Hindi naming kayang buhayin ‘yang si Greg. Madami na rin kaming responsibilidad sa pamilya namin!” pagtatalo ng mga kapatid ng kaniyang ama.

“Hindi niyo kailangang magtalo. Sa akin ang apo ko. Ako ang magpapalaki sa kaniya!” sambit ng kaniyang Lolo Mauricio sa mga kapatid ng ama ni Greg habang nagluluksa ang bata sa pagkawala ng kaniyang ama.

Lahat ng masayang alaala ay nagbalik kay Greg. Lahat ng pagkalinga at pagmamahal ng kaniyang Lolo Mauricio ay bumalik sa kaniyang alaala na tila kahapon lamang nangyari. Kung wala ang kaniyang Lolo Mauricio ay hindi sana maayos na buhay ang kaniyang dinaranas ngayon. Lahat ng pensyon ng kaniyang lolo mula sa pagreretiro sa pagtuturo ay ibinuhos sa kaniya nito upang siya ay pag-aralin at buhayin.

Hindi na napigilan pa ni Greg na lumuha. Niyakap niya ang kaniyang lolo at saka siya humingi ng tawad.

“Patawarin nyo ako, ‘lo. Patawarin nyo ako sa naisip kong gawin. Mali po ako!” pagtangis ng apo. “Hinding-hindi ko na po uulitin ito, ‘lo. Hinding-hindi ko na po kayo muli pababayaan. Ibabalik ko sa inyo ang lahat ng pagkalinga at pagmamahal na ibinigay ninyo sa akin noon. Hindi tayo maghihiwalay!” sambit ni Greg sa matanda.

Agad na sumakay muli ng sasakyan ang dalawa at dali-daling umuwi ng bahay.

Agad din niyang kinausap si Patrice na kung hindi matatanggap ang taong nagbigay ng buhay sa kaniya ay mabuti na ngang hindi na matuloy ang kasal. Dahil dito ay tuluyan nang naghiwalay ng landas ang dalawa.

Kumuha ng personal nurse si Greg bukod pa kay Manang Belle upang mas matutukan ang kondisyon ng kaniyang lolo. Mula noon ay naging buo na ang loob ni Greg na kahit kailan ay hindi niya ipagpapalit sa kahit ano at kahit sino ang matandang nagbigay sa kaniya ng tunay na pagmamahal at pagkalinga.

Advertisement