Inday TrendingInday Trending
Hindi Kayang Pahalagahan ng Mister ang Kaniyang Misis; Nakahanap ng Pagkalinga sa Iba ang Babae

Hindi Kayang Pahalagahan ng Mister ang Kaniyang Misis; Nakahanap ng Pagkalinga sa Iba ang Babae

Walang humpay ang pakikipag-inuman ni Dante sa kaniyang mga kumpare sa isang sikat na cabaret sa kanilang lugar matapos ang kanilang pamamasada. Kani-kaniyang mga babaeng katabi ang magkukumpare. Halos kumandong na nga kay Dante ang babae sa tindi ng pagpulupot nito. Tuwang-tuwa naman ang drayber. Punumpuno ng alak at masasarap na pulutan ang kanilang mesa.

Sa gitna ng kasiyahan ay napatigil na lamang ang isang kasamahan nila sa pagtawa sapagkata nakita nito si Joy at hinahanap ang kaniyang asawang si Dante. Agad naming sumenyas ang lalaki sa kaniyang kumpare upang bigyan ito ng babala ngunit huli na ang lahat.

“Hayup ka talagang lalaki ka! Narito ka na naman sa inuman. Ang lakas mong magsabi na wala kang kita sa pamamasada mo palibhasa ay sa babae at alak lahat napupunta!” talak ni Joy sa asawa.

“Umuwi ka na, Joy at huwag mo akong hiyain dito! Sinasabi ko sa’yo makikita mo ang hinahanap mo!” sambit ni Dante sa misis.

“Bakit, Dante? Ayaw mong marinig ng mga kasamahan mo na inutil ka pagdating sa bahay? Na bilang asawa ay wala ka naman talagang silbi? ‘Yang mga babaeng ‘yan dumidikit lang sa’yo kasi mababang uri sila at pera mo lang ang nais nila. At nagpapauto ka naman!” patuloy sa pagsigaw si Joy.

Dahil sa pagsermon ng asawa ay lubusang kahihiyan ang naramdaman ni Dante kaya agad niyang kinaladkad pauwi ang asawa. Habang pauwi ay walang hangang pagtatalo ng dalawa.

“Kaya ayaw kong umuwi sa bahay ng hindi lasing dahil diyan sa kakaputak mong babae ka!” pagtataas ng boses ni Dante sa asawa. “Ako lang ba ang walang silbi sa bahay na ito? Ikaw din naman, a! Ni hindi mo nga ako mabigyan ng anak! Wala kang silbi bilang babae!”

“Mabuti na nga at wala tayong anak, Dante. Tingin mo kaya mong palamunin ang isa pa? Mas wala kang silbi. Matagal na akong nagtitiis sa’yo. Wala ka na ngang panahon sa akin ay puro babae at alak lang ang iniintindi mo. Ni wala kang kapanga-pangarap sa buhay natin!” tugon ni Joy.

“Paanong hindi ako mambabae, Joy? Tingnan mo nga ang sarili mo! Ni kahit ata lulong sa ipinagbabawal na gamot ay hindi na maalindugan sa’yo. Mas losyang ka pa sa nanay ko. Hindi ko nga alam kung bakit ikaw pa ang pinakasalan ko! Ang dami-daming babaeng nag-aabang sa akin! Kaya ‘wag na ‘wag mong masumbat sumbat na wala akong silbi dahil mas wala kang silbi kaysa sa akin!” dagdag pa ni Dante saka niya padabog na isinara ang pinto ng kanilang silid.

Dahil sa sinabi ni Dante ay lubusang nasaktan si Joy. Lalo na nang makita niya ang kaniyang sarili sa salamin.

Hindi naman talaga ganito si Joy noon. Sa totoo lang naparaming lalaki ring nagkakagusto sa ginang noong araw. Kahit nga tutol kay Dante ang kaniyang mga magulang ay ipinaglaban niya ito dahil mahal niya talaga ang kaniyang mister. Sa paglaon ng panahon ay naglaho na rin ang pagtingin sa kaniya ng asawa. Marahil ay hindi na rin kasi niya nakakapag-ayos at talagang nahihilig sa mas bata si Dante.

Madalas nga kung tawaging martir itong si Joy dahil kahit ilang beses na niyang nakitang may kalandian ang asawa ay hindi pa rin niya ito magawang iwan. Kahit halos sakit ng ulo ang dala sa kaniya ni Dante ay mas pinipili pa rin niyang manatili sa tabi nito.

Ngunit ang lahat ay may sukdulan. Isang araw ay nagpaalam si Joy sa kaniyang asawa na uuwi muna saglit sa kaniyang mga magulang uoang may asikasuhin.

“Baka doon na ako matulog. Bukas pa ako makauwi, Dante,” pagpapaalam ni Joy sa asawa. Ngunit natapos agad ni Joy ang gagawin kaya nakauwi rin siya ng bandang gabi. Doon ay naabutan niya ang asawa na may kasi*ping na iba sa mismo pa nilang silid at higaan.

Ang matindi pa nito ay siya pa ang pinalayas ni Dante ng subukan niyang kaladkarin ang malanding babaeng kasi*ping ng asawa!

Pinagtulakan siya ni Dante palabas ng bahay at doon itinapon na lamang ang ilan niyang damit.

“Lumayas ka rito. Wala na akong pakialam sa iyo! Puro kamalasan lang ang dala mo sa akin. Mabuti pa tong bagong babae ko, masisiyahan ako sa pag-aasikaso niya!” pinamukha masyado ni Dante kay Joy ang kaibahan nila ng mas batang kalaguyo niya

Iyak nang iyak si si Joy dahil sa kaniyang sinapit. Dahil lutang ang kaniyang isip ay hindi na niya namalayan na muntik na siyang masagasaan. Dahil na rin sa kaniyang kalungkutan ay nawalan siya ng malay.

Nang magising si Joy ay isang lalaki ang nagmagandang loob na siya ay dalhin sa tahanan nito.

“Dinala kita dito sa bahay para makapagpahinga ka. Parang may mabigat ka kasing pinagdaanan,” saad ng lalaki.

“N-nasaan ako? Anong nangyari? Bakit ako narito?” sunod-sunod na tanong ni Joy.

“Nawalan ka ng malay kagabi. Wala ka naming pagkakakilanlan kaya para makasiguro ako na ayos ka lang ay dinala na lamang kita dito sa bahay ko. Huwag kang mag-alala, wala akong balak na masama sa’yo,” sambit ng ginoo. “Ano bang nangyari sa’yo, miss?”

Hindi na naiwasan pa ni Joy na maiyak nang maalala niya ang lahat ng nangyari sa kaniya. Inilahad niya itong lahat sa lalaki.

“Ginoo,” sambit ni Joy.

“Ronald. Ronald ang pangalan ko,” sagot ng ginoo.

“Sir Ronald, tutal tinulungan mo na ako. P’wede bang lubus-lubusin mo na? Ayokong malaman ng mga magulang ko ang nangyari sa akin. Kailangan ko ng trabaho. Kung kailangan niyo ng kasambahay dito ay gagawin ko, kahit anong trabaho para lang kumita ako kahit paano at makaipon,” pakiusap ni Joy.

Dahil sa bait ng lalaki ay naisipan niyang ipasok si Joy sa kanilang hacienda sa probinsiya. Dahil sa lubusang pagpapasalamat niya sa ginoo ay nagtrabaho siya ng mabuti upang hindi siya mapahiya sa ginawang pabor sa kaniya nito.

Magiliw niyang ginagawa ang lahat ng pinag-uutos sa kaniya. Napansin din ni Ronald ang galing ni Joy sa paghahalaman at ang lahat ng hinahawakan nito ay talagang nabibigyan niya ng buhay. Hindi alam ni Ronald kung bakit simula nang nagtrabaho sa kaniya si Joy ay tila nagkaroon na ng kulay ang lahat.

Hanggang sa unti-unti na ngang nahulog ang loob nito kay Joy at tahasan niya itong inamin.

“S-sir. Alam mo naming kasal pa ako,” sambit ni Joy sa kaniyang amo.

“Mahal mo pa ba ang dati mong asawa?” tanong ni Ronald sa kaniya.

“Alam mo, sir, ang pag-alis ko sa bahay na ‘yun at pagkawala ko sa relasyon na iyon ang simula ng pagkawala ko din sa impyernong buhay. Masaya na ako sa buhay ko ngayon,’ tugon niya.

“Sa totoo lang, sir, hindi naman po rin kayo mahirap magustuhan. Walang babae ang hindi mahuhulog sa inyo. Kaso, hindi ako ang karapatdapat dahil sa antas ko. Magiging kahihiyan lamang ako sa inyo,” dagdag pa ni Joy. Ngunit walang pakialam si Ronald sa kaniyang nakaraan ang tanging alam lamang niya ay mahal na niya si Joy.

Hindi na napigilan pa ni Ronald na halikan si Joy. Doon naramdaman ng babae ang tapat na pagmamahal sa kaniya ng ginoo.

Nagbalik si Joy sa dati nilang tinitirhan ng kaniyang asawang si Dante.

“Ano? Sabi ko na nga ba at hindi mo rin kaya na wala ako sa buhay mo! Tamang-tama, pinalayas ko na si Michelle. ‘Yung malanding babaeng ‘yun puro pera lang ang habol sa akin! Tama ka nga, Joy. Napagtanto ko na ikaw lang talaga ang nararapat sa akin,” wika ni Dante.

“Hindi ako narito, Dante, para makipagbalikan sa’yo. Narito ako para tuluyan nang makipaghiwalay sa’yo. Ang tangi mo lang kailangang gawin ay pirmahan ang dokumento na ito,” paliwanag ni Joy.

“A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka ni Dante.

“Ikakasal na ako sa iba, Dante. Gusto ko na ng tahimik buhay. Gusto kong magsimula muli,” sambit ng dating asawa.

“A-anong sinasabi mo riyan?! Napakaimposible na mayroon pang magkagusto sa’yo. Tingnan mo nga ang itsura mo!” natatawang sambit ni Dante sa ginang.

“Hindi mo na malalait ang pagkatao ko, Dante. Sige na at pumirma ka na!” saad ni Joy.

“Nagpapatawa ka ba? Kung ayaw kong pirmahan ‘yan? Wala kang magagawa!” pagmamalaki nito.

“Meron!” pagsingit ni Ronald sa usapan. “Kapag hindi mo pinirmahan ‘yan ay ipapakulong ka naming dahil sa panlolokong ginawa mo kay Joy. Lahat ‘yan ay pagbabayaran mo!” dagdag pa ng ginoo.

“S-sino naman ‘to? Ito ba ang pinagmamalaki mo, Joy? Nakadagit ka lang ng mayaman ay akala mo’y sino ka na. Itaga mo sa bato na lolokohin ka lang din niyan at kung sawa na siya sa’yo ay ipagpapalit ka rin,” bulyaw ni Dante.

“Hindi tulad mo si Ronald, Dante. ‘Yan ang isang katangiang nagpaiba sa kaniya sa iyo.” Tanging nasabi na lamang ni Joy.

Dahil sa takot na makasuhan siya ay pumirma na rin ng tuluyan si Dante sa kasulatan. Hindi naglaon ay napawalangbisa rin ang kanilang kasal at malaya na muli si Joy na magmahal at ikasal sa iba.

Kahit na minsan ay may takot sa kaniyang dibdib na baka isang araw ay gumising na lamang siya sa tila isang panaginip na ito ay nariyan si Ronald upang ipaalala sa kaniya na minahal niya si Joy hindi sa panlabas nitong anyo kung hindi dahil sa buo nitong pagkatao.

Hindi nagtagal ay ikinasal na din ang dalawa at nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng dalawang anak. Magpahanggang ngayon ay tapat pa rin si Ronald sa kaniyang pangako kay Joy na siya lamang babae ang tanging babaeng kaniyang mamahalin.

Advertisement