Sa Pag-Aakalang Hindi Siya Mahal ng Ama ay Napariwara ang Kaniyang Buhay; Sa Huling Hininga Nito’y Malalaman Niya ang Katotohanan
“Tol, congratulations! Saan tayo mamaya?” saad ng isang kaibigan ni Harold sa kaniya.
“Sa susunod na lang ako manlilibre, tol, sabihin mo sa tropa. Gusto ko na kasing umuwi, alam mo na!” tugon ng binata.
“Oo na. Naku, baka mamaya ay mag-aya ka na naman ng inuman kasi hindi ka na naman pinansin ng erpat mo!” kantiyaw ng binate kay Harold. “Kaya kung ako sa’yo, tol, deretso inuman na tayo!” natatawang dagdag pa nito.
“Siraulo! Sige na, bukas na tayo mag-usap. Uuwi na ako!” saadn ni Harold.
Hindi na makapaghintay pa si Harold na makauwi sa kanilang bahay upang ipakita ang tropeyo na kaniyang natanggap. Siya lang naman kasi ang tinanghal na MVP sa liga ng mga unibersidad. Sayang nga lamang at abala ang kaniyang ama sa negosyo kaya hindi ito nakapanood ngunit nagpatadala naman ito ng text message sa kaniya bago ang laro.
Agad na bumaba ng sasakyan si Harold tangan ang tropeyo at agad na hinanap ang kaniyang ama upang ipagmalaki ang napanalunan niya. Natanaw niya ang ama sa may hardin at dali-dali niya itong pinuntahan. Ngunit bago siya makalapit sa ama ay naabutan niya ang pakikipag-usap nito sa kaniyang bunsong kapatid na si Kurt.
“Binabati kita, anak! Lubusan mo akong pinasaya! Mana ka talaga sa amin ng mommy mo, magaling ka!” saad ng amang si Jaime sa kaniyang bunsong anak na si Kurt habang mababakas sa mukha nito ang lubusang kaligayahan.
“Kung makikita lang ng mommy mo ito, tiyak ko na lubusan din ang saya no’n! Pag-igihan mo pa, anak!” tuwang tuwang saad ng ama.
Bumuntong hininga muna si Harold bago tuluyang lumapit sa ama. “Dad! Tingnan mo, o!” masayang wika ng binata sa ama habang pinapakita ang kaniyang tropeyo.
“MVP pa, parang ikaw!” dagdag pa ni Harold na lubusan ang saya habang pinapakita niya ang tagumpay sa ama.
“Ayos! Magaling!” tanging nasabi ni Jaime sa anak habang tinapik ang balikat nito. “Tara na sa kusina, sabay-sabay na tayong kumain. Nariyan na rin ang kapatid mo, e. Nanalo rin daw sa quiz bee,” wika ng ama.
Nawala ang pagkasabik sa mukha ni Harold ng marinig ang naging reaksyon ng ama. Napatango na lamang siya. “Sige, dad, susunod na po ako. Magpapalit lang po ako ng damit,” wika ng binata sa ama.
Hindi maitanggi ni Harold ang kaniyang pagkadismaya. Kahit ano kasing gawin niya ay hindi niya maintindihan kung bakit ganito na lamang ang pakitungo sa kaniya ng kaniyang ama. Kahit anong pagsusumikap niya upang mapansin nito ay tila hindi ganoong kasaya ang kaniyang ama para sa kaniya. Sa kaniyang tingin ay mas mahal kasi ng kanilang Daddy Jaime ang bunsong anak na si Kurt.
Kaya ganoon na lamang ang layo ng damdamin ni Harold sa kaniyang bunsong kapatid. Malaki kasi ang inis at inggit niya rito kahit itanggi pa niya. Minsan hinihiling na lamang ng binata na sana ay nariyan pa rin sa kanilang piling ang yumaong ina nang sa gayon ay kahit paapaano’y may maramdaman siyang kakampi. Ngunit tatlong taon nang wala ang kanilang ina.
Dahil dito ay nawalan na ng gana si Harold na magsumikap pa. Madalas ay umuuwi na rin itong lasing at napabayaan na rin niya ang kaniyang pag-aaral. Kahit na hindi naman siya tuluyang bumabagsak ay kita sa pagbabago niya ang pagbaba ng kaniyang grado at performance sa paglalaro ng basketball.
“Kuya, kanina ka pa hinihintay ng daddy. Bakit ngayon ka lang umuwi? Tapos lasing ka na naman!” saad ni Kurt sa kaniyang nakatatandang kapatid.
“Tigilan mo nga ako. Mas matanda ako sa’yo kaya hindi ako ang dapat mong pinagsasabihan. Tigilan mong pakialaman ang buhay ko!” sambit ni Harold.
“Nag-aalala lang naman kami sa’yo, kuya! Hindi na din alam ni daddy kung saan-saan ka nagpupupunta. Noong isang araw tumawag ang professor mo at pinapatawag daw ang daddy sa university ninyo. Ano ba talaga ang nangyayari sa’yo, kuya?” kumpronta ng kapatid. “Huwag mo naming bigyan ng sakit pa ng ulo ang daddy!” dagdadg pa nito.
“Ah, ganon ba! Ang tingin niyo sa akin ay sakit ng ulo. Ganyan naman kayo, e. Kahit anong gawin ko ay ikaw pa rin ang magaling. Ako pa rin ang masama!” sigaw ni Harold.
“Tama na ‘yan, Harold. Pumasok ka na sa silid mo at ayusin mo ang sarili mo! Sinasabi lang ng kapatid mo sa’yo ang nakikita niya,” pag-awat ng ama.
“Ako na naman ang masama, siya na naman ang magaling!” galit na sambit ng binata. “Ayan para wala nang masama sa bahay na ito, ibibigay ko ang gusto niyo! Aalis na lang ako, tutal ako naman ang sakit ng ulo!” dagdag pa ni Harold.
“Kuya, tama na. Huwag ka nang sumagot kay daddy. Sundin mo na lang siya. Bukas na tayo mag-usap-usap kapag kalmado ka na,” pag-awat din ni Kurt sa kaniyang kuya. Ngunit ayaw papigil ni Harold. Sinunod niya ang nais niyang lumisan sa kaniyang bahay. Wala nang nagawa pa ang kaniyang ama at kapatid.
Kung kani-kanino nakituloy si Harold. Hindi na rin siya pumapasok. Pilit siyang kinakausap ng bunsong kapatid ngunit binabalewala niya ang mga tawag nito.
Hanggang sa isang araw ay pilit siyang tinunton ng kapatid at natagpuan sa isang condo kung saan nandoon din ang lahat ng kaniyang barkada at walang humpay ang kanilang pag-iinuman.
“A-anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman na narito ako?” inis na tanong ni Harold sa kapatid.
“Kuya, tama na ‘yang pagmamalaki mo kay daddy! P’wede ba? Umuwi ka na! Ngayon ka mas kailangan ng daddy!” saad ni Kurt sa nakakatandang kapatid.
“Wala naman akong bilang kay daddy. Kaya mabuti pa ay kalimutan na lang niya ako. Mabuti pa ay isipin na lamang niyang wala na siyang ibang anak kung hindi ikaw!” bulalas ng binata.
“Malubha na ang karamdaman ng daddy. Hindi ko alam kung hanggang kailan na lamang ang itatagal niya. Kung gusto mo pang maabutan ang daddy, umuwi ka na o kung ayaw mong umuwi ay dalawin mo man lang siya!” wika ni Kurt sabay alis.
Nagulat si Harold sa kaniyang nalaman. Kahit na parang binabalewala niya ang kaniyang narinig ay hindi pa rin niya maiwasan na isipin ang ama. Kaya kinagabihan ay agad siyang nagtungo sa kanilang bahay.
Malaki man ang pag-aalinlangan niya ay pumasok siya sa kanilang bahay at tinunton ang silid ng ama. Bahagyang nakabukas ang pinto. Doon ay pinagmasdan niya ang nakaratay na nanghihinang ama habang hawak ang kamay ng kaniyang bunsong kapatid. Nababakas man sa mukha ng ama ang hirap ngunit pinipilit pa rin nitong magsalita at ngumiti para kay Kurt. Pilit na niyakap ni Jaime ang kaniyang bunsong anak hanggang sa kaniyang huling hininga.
Pinipigilan naman ni Harold ang kaniyang sarili sa pag-iyak. Sapagkat nangingibabaw pa rin ang kaniyang sama ng loob sa ama. Na hanggang sa huling hininga nito ay hindi man lamang siya hinanap.
Nang maramdaman siya ni Kurt na nasa pinto ay agad niyang kinausap ang kaniyang kuya.
“Wala na ang daddy, kuya. Sana ay mas maaga kang pumunta,” umiiyak nitong sambit.
“H-hindi niya rin naman ako nais makita. Saka baka mabigyan ko lang siya ng sama ng loob,” sagot ni Harold.
“Hindi totoo ‘yan. Walang araw na hindi ka niya binanggit. Walang araw na hindi ka niya ipinagmalaki. Walang araw na hindi ka niya bukambibig,” sambit ni Kurt.
“Hindi ko maintindihan sa’yo kung saan nanggagaling ang galit mo, kuya! Kung bakit mo palaging sinasabi na sa paningin ni daddy ako ang magaling, e ang totoo’y wala siyang sinabi sa akin kung hindi tumulad ako sa’yo. Gayahin kita, sundan ko ang yapak mo dahil magaling at matalino ka at dahil responsible ka! Pero anong ginawa mo?”
“Hindi kahit kailan pinaramdaman ng daddy na magaling ako!” wika ni Harold.
“Hindi sinabi sa’yo ng daddy na may sakit siya sapagkat ayaw ka niyang malungkot dahil alam niyang hindi ka pa nakakabangon sa pagkawala ng mommy. Inihahanda ka ng daddy na maging kapalit niya kapag nawala na siya. Ang gusto niya’y maging matatag ka, ang gusto niya maging malakas ka sapagkat alam niyang mahina ako at sa’yo ako sasandal!” saad ni Kurt sa kapatid.
“Kahit na hirap siyang magsalita ay pilit niyang sinabi sa akin na kahit ano ang mangyari ay galangin kita at intindihin. Sundin kita tulad ng pagsunod ko sa kaniya. Alam niyang naliligaw ka lamang ngayon at makakabalik ka din sa tamang landas. Kahit sa huling hininga niya, kuya, naniniwala siya sa’yo!” dagdag pa ng binata habang walang tigil sa pag-iyak.
“Saka nga pala, kuya, sabi ng daddy ay ibigay ko raw sa’yo ito kahit ano ang mangyari,” wika ni Kurt habang mahigpit na niyakap ang kaniyang nakakatandang kapatid.
“Ang huling yakap na ‘yon ni daddy ay para sa’yo, kuya,” dagdag pa ng binata.
Hindi na napigilan pa ni Harold ang pagbuhos ng kaniyang mga luha. Lubusan ang kaniyang pagsisisii sa kaniyang nagawa. Agad siyang tumakbo sa labi ng kaniyang ama upang hagkan ito.
“Daddy, narito na po ako! Narito na ako, daddy! Patawarin niyo po ako!” walang tigil sa pag-iyak si Harold. Ngunit kahit ano mang lakas ng kaniyang paghikbi ay hindi na naibalik nito ang buhay ng kaniyang ama.
Mula noon ay pinilit n ani Harold na ayusin muli ang kaniyang buhay. Pilit niyang tinupad ang kaniyang pangako sa kaniyang ama na tatayong magulang para sa kaniyang bunsong kapatid. Naging maayos ang kanilang buhay at tuluyan nang naging malapit ang magkapatid sa isa’t-isa.