Inday TrendingInday Trending
Matagumpay na sa Buhay ang Babae at Wala nang Ibang Mahihiling pa; Sa Kabila ng Tagumpay ay May Itinatagong Hinagpis at Pagsisisi Pala Ito

Matagumpay na sa Buhay ang Babae at Wala nang Ibang Mahihiling pa; Sa Kabila ng Tagumpay ay May Itinatagong Hinagpis at Pagsisisi Pala Ito

Walang anumang tunog ang madidinig sa ika-siyam na palapag ng opisina nina Madel. Ang iba’y maagang umalis, ang iba’y nagpapalit ng oras ng trabaho at kung mayroon man doong tao, nakayupyop ang mga ito sa kani-kanilang mga computer o mesa. Pumatak na kasi ang alas singko ng hapon at dadaan na naman ang pinakamasungit at malditang boss kung siya’y tawagin doon.

Taas ang noo’t kilay pati na ang baba. Dama ng lahat ang kaniyang mapagmataas na pag-uugali at pagkatao. Hindi naman iyon haka-haka lamang. Halos buwan buwan nga kung magpalit ito ng kaniyang sekretarya sa sobrang istrikto nito.

Tumigil ang mundo ng lahat nang marinig na tumigil ang mga yapak nito. Ibig sabihin ay may napansin na naman ito at may empleyadong ipapahiya panigurado. Hindi nga sila nagkamali, tumigil ito sa isang babaeng nakasalpak earphones sa magkabilang tenga nito. Hindi na niya namalayan ang oras. Lahat ay nanlaki ang mga mata at tenga sa susunod na mangyayari.

Nang mapansin ang oras pati na presensiya ng kanilang boss, halos hindi magkamayaw sa dapat na gagawin ang babaeng ito. Munti pa nga siyang mahulog sa inuupuang silya sa opisina.

“Ma’am! Sorry, Ma’am! I promise to not…” wika ng babaeng empleyado na hindi na natapos dahil sa mga salitang binitawan ni Madel.

“You’re fired. Hindi ko kailangan ng tamad, marumi at walang kwentang empleyadong tulad mo. Get out of my office! Starting now hindi ka na dito nagtatrabaho,” pagmamataas ni Madel sa empleyadong babae at saka tuluyang umalis sa opisina na iyon.

Muling nakasimangot na naman ang pagmumukha ni Madel. Ang dami na ngang ganap sa kaniyang trabaho ay dumagdag pa ang empleyadong iyon. Lahat na lamang para sa kaniya ay walang silbi at nakakairita. Ganito na ang kaniyang naging pag-iisip magmula nang pumanaw ang kaniyang ama noong siya’y kabataan pa lamang. At ang kaniyang sinisisi ay ang mga mayayaman na kamag-anak na hindi sila tinulungan noong naghihikahos pa sila at walang pampa-ospital sa kaniyang ama.

Hindi rin nagtagal noon ay pumanaw na rin ang kaniyang ina. Napuno ng poot at galit ang puso ni Madel pagkatapos ng lahat ng pangyayaring iyon. Naging determinado siya at nagsumikap para abutin ang mga narating niya ngayon. At ni pisong duling ay hindi niya hinahayaang mapunta sa palad ng kaniyang tiyahin.

Nang marating ang napakalaking bahay niya, agad niya itong sinuri kung maayos at malinis ang lahat ng kaniyang mga bilin. Saulo na ito ng lahat. Subalit ng gabing iyon, napansin niyang may gumalaw ng mga libro na kinokolekta niya. Mas pinainit nito ang ulo ni Madel.

“Yaya!!!” malakas na sigaw ni Madel na siyang nagpataranta sa lahat ng mga kasambahay pati na hardinero niya.

“Sino na naman ang gumalaw ng mga ‘yan? Hindi ba’t kabilin-bilinan ko na ‘wag na ‘wag gagalawin ang mga ‘yan?! Eh mas mahal pa nga ‘yang mga ‘yan sa buhay niyo eh! Ano ba’ng meron? Bakit ganito puro peste ngayong araw! Ayusin niyo ‘yan! Ayusin niyo!” nagwawalang panenermon ni Madel at saka tumungo sa kaniyang opisina sa loob ng bahay.

Pagkaraan lamang ng ilang minuto ay kumatok ang kaniyang kasambahay at inaabot ang telepono sa kaniya.

“Ano na naman ‘yan? Di ba ayokong iniistorbo ako kapag nandito ako?” inis na sabi ni Madel.

“Eh Ma’am limang beses po itong tumawag ngayon eh. Kailangang kailangan niya raw po kayong makausap,” mahinang tugon nito sa amo na simangot pa rin.

“Sino ba kasi ‘yan. Naku! Akin na nga! Umalis ka na. Alis!” pananaboy ni Madel sa kasambahay.

“Hello? Sino ba ‘to? Busy ako pakibilis,” pabalang na wika ni Madel sa kausap sa telepono. Ngunit napatigil siya nang marinig ang tinig ng isang sanggol. Dito na bumaba ang kaniyang emosyon at nangilid ang luha sa kaniyang mga mata.

“Ate… Ate… May anak na ‘ko…” nanginginig na tinig ng isang lalaki na pamilyar na pamilyar kay Madel. Ngunit hindi niya ito pinatapos at pinagbabaan ng telepono.

Napaupo si Madel. Ngumiti siyang bahagya nang maalala ang tinig ng sanggol. At humagulgol ng iyak nang maalala ang tinig ng kaniyang nag-iisang kapatid na napawalay sa kaniya dahil ibinenta niya noong siya’y nalulong sa masamang bisyo.

Para sa kaniya, iyon ang pinakamalaking kasalanan at kamalian niya sa buhay. Naaalala niya pa rin ang sandaling umaatungal si Intoy at nagmamakaawa sa kaniyang huwag siyang iwanan. Pakiramdam niya’y binigo niya hindi lamang ang kapatid kundi ang kaniyang mga magulang na walang ibang huling hiling kundi ang mapag-ingatan niya ang kaniyang kapatid.

Nagpakalunod sa alak si Madel ng gabing iyon. Habang inaalala ang mga nakakatawang sandali nila ni Intoy, napapatawa at ngumingisi ngisi na lamang siya. Subalit mas marami pa rin ang pagsisisi, galit, at hinagpis sa kaniyang ginawa.

“Isa akong malaking pagkakamali… Ang pangit ng ugali mo, Madel! Bakit sinira mo ‘yung buhay ng kapatid mo? Wala ka na ba talagang awa, ha? Bakit mo ginawa iyon sa kapatid mo? Bakit, Madel?” ang gabing iyon ang muling nagpaalala sa kaniya sa kapatid.

Natagpuan na lamang ni Madel ang kaniyang sarili na kumuha ng tali at doon, sa mismong pagkakataon na iyon, ay kini*til niya ang kaniyang buhay.

Sa kaniyang burol, doon sa wakas muling nagkita si Madel at Intoy. Hawak-hawak ang kaniyang sanggol na pinangalanan niyang Madel na sinunod niya sa kaniyang ate. Iniabot ng kasambahay ang sulat na iniwan nito para kay Intoy.

“Toy… kulang ang patawad sa nagawa ko sa’yo… Pero kahit na, sasabihin ko pa rin… Lahat ng naipundar ko, lahat ng nakamtan ko, para sa’yo ‘to lahat… Walang araw na hindi ka sumagi sa isip ko. Mahal kita, mahal na mahal kita, bunso…. Patawad.”

Ang istorya ni Madel at Intoy ay inilahad sa burol ni Madel. Walang ibang bukambibig si Intoy kundi kung gaano kabuti ang puso ng kaniyang ate at kung gaano kalaki ang ngiti nito sa tuwing siya’y tumatawa’t nakikipagbiruan. Ang kaniyang naging huling “sana” ay hindi sana natapos doon ang lahat. Dahil anuman ang naging kasalanan o pagkukulang natin sa pamilya natin, lagi silang handa na patawarin at muling mamuhay bilang isang pamilya.

Advertisement