Biglaang Pag-uwi Mula Abroad ang Ginawa ng Lalaki Para sa Kaniyang Asawa; Siya Pala ang Masosorpresa sa Kaniyang Madadatnan!
Iniabot na ni Ryan ang kaniyang pasaporte para sa huling inspeksiyon at tumuloy na siya upang hintayin ang kaniyang mga bagahe na naglalaman ng mga pasalubong sa mga kaanak lalo na siyempre sa kaniyang pinakamamahal na si Mae. Sabik siya sa kung ano ang magiging reaksiyon ng kaniyang asawa gayong ang pagkakaalam nito ay sa susunod na buwan pa siya makakauwi.
Nang makarating sa kanilang bahay, kita niyang matamlay ang hangin sa kanilang tahanan. Ang tanging nakabukas lamang ay ang lampara na nagbibigay ng kakaunting liwanag sa kanilang sala. Tanaw din niya ang asawa sa may kwarto. Pumasok siya at doon tumambad sa kaniya ang asawa sa may bandang kusina na hindi mawalay sa mga mata at mukha nito ang labis na ligaya sa muling pagkikita nila ng kaniyang OFW na asawa.
“Ryan! Hindi mo sinabing uuwi ka na. Eh ‘di sana ay nasundo kita sa airport!” sabik na wika ni Mae sa asawang si Ryan habang mahigpit ang pagkakayakap nito.
“Siyempre gusto kong masorpresa ka. Dahil sabi mo sa akin may sorpresa ka sa akin sa pag-uwi ko, gusto ko mayroon din ako,” buong saya na tugon naman ni Ryan.
“Iyon na nga!” maluha-luhang banggit ni Mae kay Ryan. Hinila niya ang asawa papuntang kwarto at doon tumambad ang isang sanggol na mahimbing na natutulog sa may kama.
“Surprise!” buong ligayang wika ni Mae sa asawa na hindi naman maipaliwanag ang reaksiyon pati na nadarama niya sa mga oras na iyon. Halo-halo ang pumasok sa isip ni Ryan. Kahit na sinabi ni Mae na inampon lamang niya ang sanggol, nagsimula ng magkaroon ng hinala si Ryan na anak mismo iyon ni Mae sa ibang lalaki dahil dalawang taon siyang wala sa ‘Pinas.
Subalit tinanggal agad ni Ryan ang duda niya sa kaniyang puso’t isip. Lagi kasi siyang tulala at parang laging malalim ang iniisip. Minabuti niyang paniwalaan ang sinasabi ng asawa na ampon lamang niya ito dahil labis na ang kalungkutan niya sa tuwing wala ang asawa sa kaniyang tabi. Isa pa ay mayroon kasing problema si Ryan sa sarili kung kaya’y hindi sila magkaanak.
Lumipas ang ilan pang mga buwan. Masaya naman ang dalawa kasama ng itinuturing nilang kanilang anak. Unti-unti na rin nilang binubuo ang kanilang itinatayog negosyo para daw may pagkaabalahan din na pinagkakakitaan si Mae. Hanggang sa muling may marinig si Ryan na napabalik ng kaniyang duda sa asawa.
Nadinig niya kasi ang usapan ng dalawang ginang na kanilang kapitbahay lamang. Mayroon daw mga lalaking nagpupunta doon sa kanilang bahay noong wala pa si Ryan. Mula nang marinig niya iyon, nag-umpisa nang mag imbestiga si Ryan kung totoo ngang may lalaki ang kaniyang asawa.
Una niyang kinuhaan ng DNA sampol ang sanggol, sumunod ay si Mae. Tuwing hatinggabi, nagkukunwari siyang tulog at kapag mahimbing na ang tulog ng asawa, kinakalikot niya ang mga gamit nito pati na cellphone nito. Subalit bigo siyang mahanap ang ebidensiyang nagpapatunay na niloko nga siya ng asawa.
Isang buwan na ang nakakalipas. Halos hindi na nakakatulog si Ryan at halata na rin sa mga mata nito ang kulay itim sa ibaba ng mata dahil sa labis na puyat kakaisip. Hindi kasi niya makuha ang resulta ng DNA dahil sa Maynila pa daw iyon matetest. Hindi na rin siya ganado kung kumain at palaging wala sa bahay. Ang kaniyang rason kay Mae ay naghahanap siya ng bagong agency para muli siyang makalipad. Ngunit lahat ng iyon ay kasinungalingan. Umabot na sa puntong nais niyang itapon na ang sanggol dahil naglalaro pa rin sa isip niyang anak iyon ni Mae sa ibang lalaki.
Isang gabi, hatinggabi na nang umuwi si Ryan sa kanilang bahay. Lumuluha ito habang akmang kukunin ang sanggol kung saan ito nakahiga. Nagising kaagad si Mae at napigilan si Ryan sa nais nitong gawin. Lasing na lasing si Ryan at iba na ang sinasabi nito.
“Ano ba, Ryan?! Ano ba ang problema, ha? Bakit lagi ka ng lasing kung umuwi?!” singhal ni Mae sa asawang halos hindi na makatayo nang tuwid dahil sa kalasingan.
“Ako pa ang may prolema? Ha? Ako pa?!” mabirong tugon ni Ryan at saka biglang hinablot ang buhok ni Mae at inihagis sa kama.
“Ikaw ang problema ko! Ikaw at ang sanggol mo na ‘yan! Akala mo hindi ko alam? Ha?! Ilang taon mo na akong niloloko? Kunwari ka pang ampon mo ‘yang batang ‘yan! Eh ang totoo naman, anak mo iyan sa lalaki mo! Sino ha? Sino kayo para magpakasasa sa perang pinaghihirapan ko sa abroad!” patuloy na pagwawala ni Ryan. Wala namang nagawa si Mae dahil malakas masyado ang pagkakasabunot sa kaniya ni Ryan. Ito ang unang pagkakataon na natakot si Mae sa asawa niya. Ang dating mabait at maunawaing asawa, ngayon ay nabulag na sa hinala at selos.
Kinabukasan, masakit pa ang ulo ni Ryan nang siya ay muling magising. Agad siyang pumunta sa kusina upang kumuha ng tubig. Habang ginagawa ito, patuloy niyang tinatawag ang pangalan ng kaniyang asawa. Subalit walang Mae na sumasagot sa kaniyang tawag. Ang kaniyang natagpuan nang buksan niya ang damitan ng asawa ay liham ng pamamaalam.
Lubos na sisi ang naramdaman ni Ryan nang malaman na ang mga lalaki iyon na manggagawa noong sila’y nagpa-renovate ng bahay. Lumabas din ‘di nagtagal ang DNA testing na negatibo na anak iyon ni Mae. Kung hindi sana siya nagpabulag sa hinala at duda, at nagpatuloy na pagkatiwalaan ang asawa, ay masaya pa sana siya ngayon kasama ng kaniyang pamilya.