Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kunsintidorang Ina ay Lumaking Abusada ang Anak; ang May Sakit sa Utak na Tiyahin pa Pala ang Magiging Daan Upang Matututunan Nila ang Mahalagang Leksiyon

Dahil sa Kunsintidorang Ina ay Lumaking Abusada ang Anak; ang May Sakit sa Utak na Tiyahin pa Pala ang Magiging Daan Upang Matututunan Nila ang Mahalagang Leksiyon

“Lakas ng loob magpost! Kala mo talaga ay kagandahan eh, pwe!” nakasimangot na sabi ng disinueve anyos na si Geneva sabay pakita sa ina ng callphone na hawak. Nakita niyang nagpost ang kababata niya sa Facebook ng larawan nito at ng nobyo nito.

“Ay naku anak! Maputi lang iyan ‘no? ‘Di hamak naman na mas maganda ka dyan. Oo matangkad siya at seksi ‘di tulad sa’yo pero—“ napatigil sa pagsasalita si Aling Tess nang lumagabog sa mesa ang basong hawak ng anak at tinaliman siya ng tingin.

Agad napaurong ang dila niya nang makitang masama na naman ang mood nito dahil sa nasabi niya.

“Tiyang! Ano, nakatanga ka lang diyan?! Punasan mo yung natapon kong tubig!” pasigaw na utos ni Geneva sa tiyahing si Tinay na halatang nagulat dahil siya na naman ang napagbuntunan ng galit nito.

Si Tinay ay bunsong kapatid ni Aling Tess na kasa-kasama nila sa bahay. Uutal-utal ito magsalita at medyo mabagal maka-gets dahil may kapansanan sa pag-iisip. Dahil sa kanila na napatira ay ito na ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Matiyaga ito at masinop, kaya kahit ganun na lang kung itrato ito ng pamangkin nitong laki sa layaw ay wala kang maririnig ni isang reklamo dito.

Kahit nakikita ni Aling Tess na lumalaking abusada at bastos ang anak ay hindi niya ito sinasaway. Katwiran niya noong una ay nag-iisan lang ito kaya dapat ibigay nilang mag-asawa ang lahat dito. Ngayong may isip na ito ay wala na itong pinakikinggan, ni hindi ito mapagsabihan ng ina kahit magligpit man lamang ng kwarto dahil takot din siya sa anak.

Isang tao lang ang pinapakitaan ni Geneva ng respeto.

“Pa!” excited na sinalubong ng yakap ni Geneva ang bagong dating na ama. Sundalo si Rolando kaya laging wala sa bahay, minsan sa isang buwan lang ito makauwi kaya miss na miss nila ito.

“Oh siya pumasok na tayo sa loob at nang makakain na,” sabi nito. Istrikto ito ngunit alam ng lahat na isa itong mabuti at maprinsipyong tao.

Nang nahanda na ni Tinay ang hapag ay dumalo na sila sa mesa. Karaniwan ay hindi sumasabay sa mag-ina ang tiyahin dahil naiirita daw si Geneva sa paraan ng pagnguya nito. Ngunit sa pagkakataong iyon ay inutusan ito ng padre de pamilya na maupo at sumabay sa kanila.

Tila nahihiyang naupo si Tinay at ngiming nagpasalamat dito. Nagsimula itong kumain at nairita naman kaagad si Geneva dahil sa maingay na pagnguya nito.

“Ano ba yan tiyang! Kaingay-ingay mo ngumuya, nakakawalang-gana!” Pairap na sabi ni Geneva sa tiyahin.

“Geneva! Anong klaseng pananalita iyan ha? Magsorry ka sa tiya mo!” madiing sabi ng ama sa anak.

“Eh pa! Totoo naman eh! Tingnan mo nga hitsura niyan, nakakadiri tingnan!” maarteng dabog pa ng dalaga. Napatahimik ang lahat, kinakabahang napatingin si Aling Tess sa asawa, si Tinay naman ay nakayuko lamang.

“Aba bastos na bata ito ha! Si tiya mo ang nagaalaga sa inyo ng nanay mo kaya dapat respetuhin mo siya!” matigas na utos ni Rolando. Tameme naman si Geneva dahil hindi niya akalain ang tiyahin pa ang kakampihan ng ama. Hindi rin kasi siya sanay na mapagalitan.

Simula noon ay lalong nainis si Geneva sa tiyahin. Naisip niyang kung mapaalis niya ito sa bahay nila ay tiyak wala na silang magiging problema ng ama. Kinumbinsi niya ang ina na magkunwaring nawawalan ng alahas, nang sa gayon ay mapagbintangan nila ang tiyahin. Alam nilang kapag nasira na ang tiwala ng ama ay hindi na iyon maibabalik.

“Geneva a-anak? Pwede naman natin ayusin—“ isang matalim na tingin at nagbabadyang luha muli ang panakot ng dalaga kaya’t napilitang sumunod ang ina. Kahit nababagabag ay pinagbigyan pa rin nito ang kalikuan ng anak.

Matagumpay nilang napagbintangan si Tinay. Mangiyak-ngiyak ito dahil sa lakas ng dagundong ng boses ni Rolando nang tanungin siya kung totoo bang siya ang nagnakaw ng alahas.

“Oo pa! Nakita ko si tiyang na nilagay ‘yang relo sa bag niya!” sulsol pa ng dalaga. Nang walang maisagot ang pobreng tiya dahil sa nerbyos at pagkalito, lubos na pagkadismaya ang nakita sa mukha ni Rolando.

Tuluyang napatalsik sa kanilang tahanan si Tinay at naiwan ang lahat ng gawain sa mag-ina. Ngunit dahil nga lubos na sinanay sa layaw ang anak, si Tess ngayon ang naghihirap. Kapag tatanungin ang anak kung pwede itong maghugas man lang ng plato ay pabalang at padabog agad ang sagot nito.

Isang araw ay palihim na pinatawag muli ni Tess ang kapatid na si Tinay at inabutan ito ng pera kapalit ng paglalaba nito para sa kanila. Saktong naabutan naman ito ni Geneva kaya malaking gulo na naman ang nangyari.

“Bakit ba pinabalik mo pa ‘yan dito Ma?! Baka magsumbong pa ‘yan kay papa na hindi siya nagnakaw eh! Ma, naman—“ biglang natulos ang dalaga sa kinatatayuan nang makita ang ama sa may pintuan. Hindi niya alam na nakarating na pala ito, at madilim ang mukha nito dahil sa narinig.

“Tess, ganyan mo ba pinalaki ang anak mo? Bastos at walang modo, sinungaling at manloloko,” sabi ni Rolando sabay tingin kay Tess na noon ay lumuluha.

“Patawarin mo ko Geneva, kasalanan ko kung bakit ka ganyan. Kung sana ay imbis na kunsintihin ay pinagagalitan kita kung mali ka ay sana…” lumuha na lang si Aling Tess.

Sermon at parusa ang sinapit ni Geneva sa ama. Bumalik na sa bahay nila si Tinay, ngunit si Geneva ang dapat gumawa ng lahat ng gawaing bahay. Noong una ay galit na galit ang dalaga ngunit habang tumatagal ay doon niya lang napagtanto na tinuturuan siya ng ama ng paggalang at pagiging responsible, at iyon ay dahil mahal siya nito. Ganun din ang ina niyang hindi na pumapanig sa kaniya bagkus ay dinidisiplina siya.

Nagsimulang mas maging pasensyosa ang dalaga, magalang, at matulungin. Natutunan niyang ang tunay na pagmamahal ng magulang pala talaga ay ang paggabay sa anak upang isang mas mabuting tao. Nagpasalamat siya sa Panginoon para sa mga magulang na handing gawin ang lahat mapabuti lang siya.

Advertisement