Kurakot Ngunit Nakakatakot ang Kapitan; Sa Huli’y Karma ang Kaniyang Naging Kalaban
“Tonyo, sige na, i-deliver mo na muna ‘yang sampung sako ng bigas sa bahay namin.” Agarang utos ni Kapitan Berto sa katiwala nito.
“Oho, kap.” Agad namang binuhat ni Tonyo ang mga sako ng bigas tungo sa tricycle na pagmamay-ari ng kapitan, na nakaparada sa ‘di kalayuan.
Napapalatak naman ang binatilyo nang makalayo sa kapitan. “Tiba tiba na naman si Kap, sampung sako ng bigas kaagad. Hindi na talaga nagbago.”
Napailing ang binatilyong si Tonyo habang minamaneho ang tricycle. Alam niya kasi na marami pa sa kanilang ka-baranggay ang naghihintay ng tulong mula sa kanilang kapitan. Iniisip niya tuloy kung sapat pa ba ang natira para sa mga totoong nangangailangan.
Nagkaroon kasi ng sakuna. Sinalanta sila ng malakas na bagyo, at marami sa kanilang mga ka-baranggay ang kasalukuyang nananahan sa kanilang Baranggay Hall, na nagsilbi nang evacuation area.
Ang mga natira lamang na bahay na nakatayo ay iyong mga bahay ng mga may kaya sa buhay. Gawa sa matitibay na materyales ang mga ito kaya naman kinaya ang malakas na bagyo. Isa sa mga naiwan sa bahay na nakatayo ay bahay ni Kapitan Berto, ang pinakamaganda at matibay na bahay sa kanilang barangay.
Bumaba siya mula sa tricycle at minasdan ang malaking bahay, habang iniignora ang pait na nararamdaman sa kanyang sikmura.
“Anak!” Salubong sa kanya ng inang si Lourdes, na isa sa mga katulong sa bahay ng kapitan.
“’Nay, nandito lang ho ako para iuwi ‘tong mga bigas na pinapauwi ni kap.”
Puno ng kahulugan ang tingin na ibinigay ni Lourdes sa binatilyo, na agad naman nitong naunawaan.
“Hayaan mo na, ‘nay. Alam mo naman wala tayong magagawa para lumabas ang pangungurakot ng kapitan. Masyado siyang makapangyarihan.”
Bumalot ang lungkot sa mukha ni Lourdes. Naiintindihan niya kasi ang anak. Alam niya na maaari silang mapahamak kung magsusumbong sila. Saan na lang sila pupuluting mag-ina? Wala naman silang ibang matutuluyan.
Halos isang dekada na din kasi sila nagtatrabaho para sa pamilya ni Kapitan Berto. Kaya naman kahit hindi maganda ang trato nito sa kanila ay nanatili sila sa poder nito.
“Sige ‘nay, kailangan ko na hong bumalik sa Baranggay Hall. Marami pang aasikasuhin para sa mga ka-baranggay natin dun.” Paalam niya sa ina bago muling sumakay sa tricyle.
“Sige, anak, mag-iingat ka.”
Pagbalik niya sa Baranggay Hall ay isang singhal agad ang nakuha niya mula sa kapitan.
“Napakatagal mo naman bumalik, Tonyo! Marami ka pang iuuwi sa bahay!”
Hindi naman siya nakaimik at sumunod na lamang sa mabilis nitong paglalakad, na sa tingin niya ay tinutumbok ang bodega kung saan nakalagay ang kahon-kahong relief goods.
“Iuwi mo lahat ‘yan.” Turo nito sa mga kahon ng de lata, sabon, kape, at marami pang iba pa.
Nanlaki naman ang mata ni Tonyo. “Ho? Lahat ho, kap?”
Napakarami kasi ng mga kahon doon. Sa tingin ni Tonyo ay hindi bababa sa isandaan ang bilang ng mga kahon doon.
“Oo, may problema ba?” Tila asar na tanong ng kapitan.
“W-wala ho, kap.” Kandautal na sagot niya dito. Gusto niyang sabihin na para iyon sa kanilang mga ka-baranggay, ngunit natatakot siya dito.
“Bilisan mo ha, at ‘wag ka masyado magpahalata sa mga tao na nilalabas mo ‘yang mga kahon. Malilintikan ka sa akin.” Banta nito bago siya iniwan sa bodega.
Napabuntong hininga na lamang ang pobreng binatilyo bago nagsimulang sundin ang utos ng kapitan.
Dahil sa dami ng kahon, ilang beses ding nagpabalik balik si Tonyo bago naubos ang mga kahon sa bodega. Tantiya niya ay lampas hatinggabi na nang matapos siya, kaya naman agad siyang iginupo ng antok nang makarating siya sa kanyang higaan.
Naalimpungatan siya nang makarinig nang komosyon. Pupungas-pungas siya nang lumabas upang usisain ang nangyayari.
Tila nawala ang antok niya nang makita ang kapitan na pinagbubuhatan ng kamay ang kanyang ina. Ang kanyang ina ay lumuluha lamang habang tinatanggap ang pananakit ng kapitan.
Sa tabi ng kanyang ina nakita niya ang isang sako ng bigas at iilang kahon ng de lata.
Tila nagdilim ang paningin ni Tonyo sa nasaksihan. Sinugod niya ang kapitan upang ipagtanggol ang kanyang ina.
Ngunit dahil mas malakas ang pangangatawan ng kapitan ay agad din siyang nalugmok sa sahig habang iniinda ang hapdi ng mga suntok na natamo niya mula dito.
“Lumayas kayong mag-ina dito! Ang kakapal ng mukha niyo, pinakain at pinatuloy ko na kayo ay nanakawan niyo pa ako!” Bulyaw ng kapitan sa mag-ina.
“K-kap, gusto ko lang ho ibigay ‘yan sa mga ka-baranggay natin. Wala na ho silang makain. Hindi ko ho kayo gusto pagnakawan.” Umiiyak na paliwanag ng kanyang ina.
“Wala akong pakialam! Umalis na kayo dito at ‘wag na ‘wag kayong magpapakita ulit sa akin kung ayaw niyong masaktan!” Galit na pagbabanta nito bago sila ipinagtulakan papalabas ng magarbo nitong bahay.
“’Wag ka na umiyak, ‘nay, ang mahalaga nakalaya na tayo mula sa demonyong ‘yun.” Pag-alo ni Tonyo sa inang patuloy pa ding umiiyak.
Sinalubong naman sila nang iilan nilang ka-baranggay.
“Pasensiya na kayo, hindi ko kayo natulungan. Nahuli ako ni Kapitan Berto na ipinupuslit ang pagkain kaya naman napalayas kami ni Tonyo.” Malungkot na saad ng ina sa mga ka-baranggay.
“Ang kapal ng mukha ni Kapitan Berto! Kinukuha niya ang tulong na para sa mga nasasakupan niya! Pasasaan ba’t makakarma siya sa pagpapasasa niya habang walang wala ‘yung iba!” Galit na wika ni Rosita, isa sa kanilang ka-baranggay.
Nanatili ang mag-ina sa Baranggay Hall nang gabing iyon. Doon nila napag-alaman na halos hindi na pala kumakain ang mga tao doon dahil wala silang tulong na natatanggap.
Sinabi naman ng mag-ina ang pagpupuslit ng kapitan ng mga relief goods na dapat ay para sa mga kababayan nila. Galit na galit ang mga tao sa kapitan.
“Hindi na ako matatakot. Bukas na bukas din ay isusumbong ko si Kapitan Berto—”
Ginulantang sila ng isang malakas na pagsigaw. “May sunog! Sunog! Nasusunog ang bahay ng kapitan!”
Dali-dali namang nakiusisa ang mga tao. Nang makarating sila sa bahay nito ay tinutupok na ito ng apoy.
Ang kapitan naman ay galit na galit na nagsisisigaw. “Nasaan na ba ang mga bumbero? Bakit wala pang sumusugpo ng apoy?”
Maririnig ang bulung bulungan. “Karma niya ‘yan, gahaman kasi.”
Nang dumating ang mga bumbero ay tupok na tupok na ang bahay at halos wala na silang naisalba sa ari-arian ng kapitan.
Nang umagang iyon, may mga pulis na dumating upang imbestigahan ang sunog na nangyari. Kaya naman nalaman ng mga tao na lahat ng relief goods na dapat ay nasa Baranggay Hall ay nasa bahay na kapitan.
Inimbestigahan din ang reklamo ng mga mamamayan tungkol sa kawalan ng tulong ng opisina ng kapitan. Napag-alaman na walang makain ang mga tao sa evacuation center, dahil ang pagkain na para sa kanila ay inuuwi lamang sa bahay ng kapitan.
At ang pinakanakapagtataka ay hindi natukoy ng mga imbestigador kung saan nagmula ang sunog. Tila bigla na lamang sumiklab ang apoy mula sa kung saan at tinupok ang magarbo na bahay ng kapitan. Marami ang nagsabi na karma na raw mismo ang bumawi sa mga ninakaw ng kapitan.
Sa tulong ni Tonyo at ng ina nito, naipakulong ng taumbayan si Kapitan Berto sa salang korapsyon. Nakahanap naman sila ng hahalili sa nasirang kapitan – isang pinuno na inuuna ang kapakanan ng nakararami kaysa ang pansarili.