Nagdalawang-isip ang Dalagang Ito na Magpakasal sa Nobyong may Tradisyong Magpakasal sa Marami, Naliwanagan Siya nang Makausap Ito
“Sigurado ka na ba, Laura, sa pagpapakasal mo doon sa lalaking isang taon mo pa lang nakikilala?” tanong ni Lola Placi sa kaniyang paboritong apo na malapit nang ikasal.
“Sa katunayan po, medyo nag-aalinlangan na po ako ngayon. Nalaman ko po kasing normal lang po sa kanila ang mag-asawa ng marami,” nakatungong sagot ni Laura, saka bumuntong hininga.
“O, eh, anong balak mong gawin? Kung ako sa’yo, hangga’t maaga pa, kung nag-aalinlangan ka, umayaw ka na. Makakaya mo bang marami kayong babae sa buhay niya?” tanong pa ng kaniyang lola saka hinimas ang kaniyang ulo.
“Hindi po, lola, kaya nga po pinag-iisipan kong maigi. Kapag nagkataon po kasi, hindi lang ako ang mahihirapan, pati na ang magiging anak namin, kaso po, mahal ko talaga si Delfin, eh. Sa kaniya ko lang po naramdaman ang tunay na pagmamahal,” mangiyakngiyak niyang sambit dahilan upang yakapin siya ng matanda.
“Sundin mo kung ano ang tinitibok ng puso mo at minumungkahi ng utak mo, dapat parehas silang gumana, hindi pupwedeng isa lang, dahil masasaktan ka,” pangaral pa ng matanda, “O, sige na, mauna na ako, ha?” paalam nito, saka kinuha ang kaniyang bayong pamalengke, bineso niya ito bago umalis, saka siya nagkulong sa kwarto upang mag-isip-isip.
Dalawang buwan na lamang at ikakasal na ang dalagang si Laura sa lalaking kaniyang nakilala sa isang restawran, isang taon pa lamang ang nakakalipas.
Nabuo ang kanilang pagkakaibigan nang minsan siya nitong ipagtanggol sa dati niyang nobyong binubungangaan siya sa harap ng maraming tao. Nasaksihan niya kasi itong may kasamang ibang babae bago sila magkita.
Labis itong nagalit sa kaniya at nagsisisigaw sa naturang restawran. Iniwan siya nitong mag-isa at sinabing tapos na sila. Iyak siya nang iyak dahil sa sakit na nararamdaman noong araw na iyon at ang binatang si Delfin na nasa kabilang lamesa lamang ang tanging nasa tabi niya hanggang siya’y mahimasmasan.
Simula noon, napadalas ang pagkikita ng dalawa hanggang sila’y magpalagayan na ng loob. Pakiramdam ni Laura, matagal na niyang nakasama ang binata dahil kampante siya sa piling nito at sa tuwing kausap niya ito, parang milagrong naiibsan lahat ng kalungkutang naramdaman niya noon.
Ito ang tanging dahilan upang sumang-ayon kaagad siya nang minsan siyang yayain nitong magpakasal. Sabik na sabik nilang dalawa inasikaso ang kanilang kasal ngunit isang buwan lang ang nakalipas, tila nagdalawang isip ang dalaga sa narinig niya nang minsan siyang dumalaw sa bahay ng binata.
Nalaman niyang maaari pa palang magpakasal ang binata kahit ilang beses nitong gusto. Sa katunayan, ang binata pala ay anak ng kaniyang ama sa pangatlong babaeng pinakasalan nito. Ganoon na lamang ang lungkot na naramdaman ng dalaga. Tila labis siyang nag-alinlangan dahil ika niya, hindi niya makakayanang may kahati sa asawa dahilan upang mapagdesisyunan niyang mag-isip-isip at hindi muna magpakita sa binata.
Ngunit ilang araw lang ang nakalipas, pinuntahan na siya ng naturang binata sa kanilang tahanan. Malumanay siyang tinanong nito kung ano bang problema nila at wala siyang ibang nasagot kundi ang kaniyang mga hikbi.
“Dahil ba ito sa nalaman mong maaari pa akong magpakasal sa iba?” tanong ng binata sa kaniya, tumango lamang siya at laking gulat niya nang matawa ito sa kaniya, “Hindi ko pinangarap na ikasal sa marami, Laura, sa’yo lang. Naranasan ko ang hirap ng buhay na marami kaming anak ng tatay ko, at hindi ko hahayaang maparanas ko ‘yon sa’yo at sa magiging anak natin,” dagdag pa nito saka siya niyakap, “Labis mo akong pinag-alala! Akala ko ayaw mo na akong pakasalan! Pambihira, sa susunod, huwag kang mag-alinlangang magsabi sa akin, ha? Kahit ano man iyon, ikaw ang pipiliin ko,” ika pa nito dahilan upang labis na siyang maiyak sa saya.
Naging matagumpay nga ang kanilang kasal at nabiyayaan kaagad ng kambal na anak. Wala nang mas sasaya pa kay Laura noong mga oras na iyon.
Lumipas ang mga taon at doon niya napatunayang wala nga sa plano ng kaniyang asawa na magkasal pa sa iba. Ireto man ito ng ama sa iba pang babae, palaging sinasabi ni Delfin, “Iisa lang po ang babae sa buhay, si Laura lang,” na labis na ikinatataba ng kaniyang puso.
Labis naman ang saya ng kaniyang lola nang malamang hanggang ngayon, siya lang ang tanging asawa ng naturang lalaki.
“Hanga ako sa lalaking ‘yan, tila napatunayan niyang sapat na ang isang babae para sa isang lalaking kuntento. Ginagalang niya ang kanilang tradisyon, ngunit hindi ibig sabihin noon, kailangan niya ring gawin iyon,” sambit nito sa kaniya habang pinapakain ang isa niyang anak. Ngiting-ngiti naman niya itong niyakap at humingi ng pasasalamat sa matanda.