Laging Napapagalitan ng Ina ang Binatang Ito Dahil Palagi Siyang Nakakasunog ng Sinaing, Nagulat ang Ina Nang Bigla Siyang Magbago
“Anak, mamalengke na ako, ha? Bantayan mo maigi yung sinaing ko, baka masunog,” paalam ni Aling Cristine sa anak na abala sa paglalaro ng kompyuter.
“Edi magsasaing ulit kapag nasunog,” sagot ni Yow habang titig na titig sa kompyuter dahilan upang magalit ang kaniyang ina.
“Aba, Jermaine, ganyan ba talaga ang iniisip mo? Hindi mo ba alam bago tayo makabili ng isang kabang bigas, magkandakuba-kuba na ang tatay mo sa ibang bansa? Tapos magsasayang ka lang?” sermon nito sa kaniya habang nakapamewang pa.
“Biro lang, mama, eh, nagagalit ka agad,” malamig niyang sagot habang nagpipipindot pa rin sa kompyuter.
“Anong biro? Palagi kong napapansing nababawasan ng doble ang bigas natin sa tuwing pinagbabantay kita ng sinaing! Malamang nakakasunog ka palagi at nagsasaing ka lang ulit para hindi kita mapagalitan!” sigaw pa nito saka pin*atay ang kaniyang kompyuter, “Kung makapag-aksaya ka ng bigas, akala mong ikaw ang kumakayod! Matuto ka ngang magtipid, ha? Maraming nagugutom na nanaising kumain ng tutong maibsan lang ang kulo ng sikmura!” dagdag pa nito, napabuntong hininga na lamang siya at muling sinaksak ang kompyuter.
“Oo na, babantayan ko na, mamalengke ka na,” sambit niya sa ina, hihinga-hinga naman itong umalis at bumalik na siya muli sa paglalaro na parang walang narinig sa ina.
Laki sa layaw ang binatang si Yow. Dahil nga solong anak, binibigay ng kaniyang ama ang lahat ng nais niya lalo pa noong nakapag-ibang bansa ito para lamang maparamdam sa kaniya ang labis na pagmamahal.
Ngunit tila ito ang naging dahilan upang maadik sa online games ang binata at mawalan na ng oras sa kaniyang ina. Sa katunayan nga, dalawang taon na siyang nakapagtapos ngunit hanggang ngayon, hindi pa sumusubok maghanap ng trabaho. Ni hindi niya na ring magawang tumulong sa gawing bahay at kahit pagbabantay ng sinaing, kaniya pang nakakaligtaan na labis na kinainis ng kaniyang ina noong araw na iyon.
Nadiskubre kasi nitong nagdodoble ng saing ang binata dahil palagi nitong nasusunog ang sinaing.
Ngunit imbis na humingi ng tawad at mangakong babantayan nang maigi ang sinaing upang wala nang masayang, hindi man lang niya inintindi ang ina.
Habang abala sa paglalaro, bahagya niyang naamoy ang sinaing ng ina dahilan upang mapabuntong hininga siya’t bitawan ang kompyuter upang magsaing muli.
Itinapon niya sa kanilang bakuran ang sunog na sinaing at muling nagsalang ng sinaing. Ngunit pabalik pa lamang siya sa kaniyang kompyuter, may isang matanda ang tumatawag sa kaniya sa kanilang bakuran. Napakamot na lamang siya’t pinuntahan ito.
“Naku, bakit ang tagal mong lumabas, hijo? Dali, ibigay mo sa aking ‘yang tinapon mong sinaing, sayang naman, eh!” nagmamadaling sambit ng isang pulubing matanda.
“Puro tutong na po ‘yan, lola, hindi niyo na makakain ‘yan,” masungit na sambit niya, papasok na sana siya muli upang maglaro ngunit bigla siyang napatigil sa sinabi ng matanda habang pilit inaabot ang kaning kaniyang tinapon.
“Pwede pa ‘to, hijo, para sa mga katulad kong salat sa buhay, maswerte na akong may uwing tutong sa mga apo ko,” nakangiting ika nito saka unti-unting nilagay sa plastik ang pira-pirasong kanin, ni hindi iniinda ng matanda ang init ng bagong saing na kanin.
Kumuha siya ng dalawang delata at ibinigay sa matanda. Nagtatatalon naman ito sa saya at mangiyakngiyak na nagpasalamat sa kaniya.
Tinanguan niya lamang ito at saka pumasok na muli sa kanilang bahay. Ngunit imbis na sa harapan ng kompyuter magtungo, sa harapan siya ng kanilang kalan umupo at nag-isip-isip.
“Tama nga si mama, maraming taong kakain ng sunog na sinaing para lang maibsan ang kumukulo nilang sikmura. Bakit ba ako laging nagsasayang ng kanin?” buntong hininga niya, tila labis ang awang kaniyang naramdaman nang makita ang matandang gagawin ang lahat makakain lamang.
Naabutan siyang tulala ng kaniyang ina. Agad nitong tinignan ang kanilang bigas at agad siyang binatukan nang makitang nabawasan na naman ang kanilang bigas.
“Opo, nasunog ko po ulit, pasensiya na po,” sambit niya na ikinagulat ng ina.
“Ayos ka lang ba?” pagtataka nito dahil sa kaniyang pag-amin sa kasalanan.
Doon na niya ikinuwento sa ina ang pangyayaring dumurog sa kaniyang puso. Hinimas lang nito ang kaniyang buhok saka sinabing, “May naiisip ka ba para matulungan natin si lola?” na labis niyang ikinatuwa.
“Bigyan po natin sila ng mga pagkain, kahit tatlong beses sa isang linggo at kapag nakapaghanap na ako ng trabaho, gagawin kong araw-araw,” nakangiting sambit niya dahilan upang sumaya ang kaniyang ina.
Binigyan nga nilang mag-ina ang naturang matanda. Halos lumuhod ito sa kanilang harapan sa labis na pasasalamat na labis na nagpataba ng kanilang puso.
Doon na nga nagdesisyong maghanap ng trabaho ang binata at sa kabutihang palad, agad naman siyang nakakuha ng magandang trabaho. Katulad ng kaniyang plano, halos araw-araw na niyang nabibigyan ng pagkain ang matanda.
Simula noon, mas pinagbigyang pansin ng binata ang mga mahahalagang bagay kaysa sa bagay na kaniyang kinakaadikan noon.
Natuto na rin siyang magtipid at pahalagahan ang mga bagay na mayroon silang mag-ina.
“Ngayong pinagpapaguran ko na ang bawat sentimong ibibigay ko sa matandang nagpagising sa natutulog kong puso, wala na akong rason upang maging tamad at magsayang ng pagkain. Pangako, bawat sinaing, matiyaga kong babantayan, mama,” sambit niya sa kaniyang ina dahilan upang mayakap siya nito sa sobrang saya.