Inday TrendingInday Trending
Pinandidirihan ang Dalagang Ito Dahil sa Kaniyang Naglalakihang Tigyawat, Ito Pala ang Magiging Tulay sa Masagana Niyang Buhay

Pinandidirihan ang Dalagang Ito Dahil sa Kaniyang Naglalakihang Tigyawat, Ito Pala ang Magiging Tulay sa Masagana Niyang Buhay

“Doon ka nga, Jenica! Nandidiri ako sa mukha mo! Hindi ka ba marunong maghilamos? Kita mo ‘yang mukha mo, puro tigyawat na, ang langis langis pa!” bulyaw ni Hilda sa kaniyang pinsan nang minsan itong sumalo sa kaniya sa hapag-kainan.

“Naghihilamos naman ako, eh, sadyang ganito lang talaga ang mukha ko. Sa katunayan nga, kakaligo ko lang,” nakatungong paliwanag ni Jenica, saka pinakita ang basa niyang buhok.

“Napakamalas mo naman kung ganoon! Mabuti na lang at pinagpala ang mukha ko, makinis na, wala pa ni isang tigyawat. Kawawa ka naman talaga!” sambit pa ng kaniyang pinsan, habang hinihimas-himas ang kaniyang makinis na mukha.

“Tama na, Hilda, lalo lang nawawala ang lakas ng loob kong humarap sa tao, eh. Hindi ko naman ginusto magkaroon ng maraming tigyawat,” malungkot niyang sambit saka nagsimulang kumain.

“Kasalanan mo ‘yan dahil hindi mo inalagaan ang mukha mo! At dapat lang na mahiya kang humarap sa tao dahil nakakadiri ka! D’yan ka na nga, nakakawala ka ng gana!” sigaw pa nito saka siya tuluyang iniwang mag-isa sa hapag-kainan, unti-unti namang tumulo ang kaniyang luha dahil sa magkahalong inis at awa sa sariling nararamdaman.

Mag-isa na lang sa buhay ang dalagang si Jenica. Nasa hayskul pa lamang siya nang bawian ng buhay ang kaniyang ina at ilang buwan lang ang nakalipas, nagkaroon na agad ng bagong pamilya ang kaniyang ama dahilan upang kupkupin na siya simula noon ng kaniyang tiyahin.

Maayos naman ang buhay niya rito, libreng kwarto, sagana sa pagkain, sapat na baon sa eskwelahan at marami pang pribilehiyong ikinasasaya niya. Ngunit hindi niya maiwasang mag-isip-isip dahil sa pamilyang nawala sa kaniya sa isang iglap lamang. Halos gabi-gabi siyang hindi makatulog at ito ang naging dahilan upang tubuan ng napakaraming tigyawat ang kaniyang dating makinis na mukha.

Noong una’y binalewala niya lamang ito, sa paniniwalang gagaling din ito kalaunan. Ngunit habang dumadaan ang mga araw, parami ito nang parami dahilan upang ganoon na siya pandirihan ng maarte niyang pinsang kasama sa bahay.

Dahil nga malaki ang kaniyang utang na loob sa kaniyang tiyahin, lahat ng pang-aalipusta ng naturang dalaga ay kaniya na lamang kinikimkim. Unti-unting bumaba ang kumpiyansa niya sa sarili, ni ayaw na niyang tumingin sa salamin o kahit pa makihalubilo sa iba, dahil ika niya, baka lalo lamang siyang pandirihan.

Ngunit isang araw, habang naglalakad papunta sa pamantasang kaniyang pinapasukan, bigla na lamang may lumapit sa kaniyang isang magandang babae at inaalok siyang maging modelo na labis niyang ikinagulat.

“Seryoso po ba kayo? Hindi niyo po ba nakikita ang sandamakmak na tigyawat na mayroon ako? Naku, malulugi lang po kayo sa akin!” sambit niya habang pinapakita sa babae ang kaniyang mukha.

“Saktong-sakto ka sa proyektong mayroon kami. Ako nga pala si Mildred, magtiwala ka lang, mawawala lahat ‘yan at hahangaan ng buong bayan ang natural mong ganda,” sambit nito sabay kindat sa kaniya.

Hindi man sigurado sa intensyon ng babaeng iyon, sibukan niyang sumama dito dahil sa kagustuhang mawala ang kaniyang mga tigyawat.

Doon niya nalamang may ari pala ang babaeng iyon ng isang bagong bukas na klinika sa balat at nais nitong subukan siyang pagalingin at gawin siyang modelo.

Limang buwan lang ang nakalipas, parang isang milagrong bumalik ang kinis ng kaniyang mukha. Ganoon na lamang namangha ang kaniyang mga kamag-aral at tinanong ang kaniyang sikreto. Doon na niya ipinakilala sa mga ito ang klinikang muling nagpabalik ng kaniyang kumpiyansa.

Bukod sa pinagaling siya ni Mildred namg libre, kada may isa siyang nadadalang kliyente, binibigyan siya nito ng porsyento na ginagamit niya naman upang matustusan ang kaniyang sarili.

Nakakabili na siya ng mga palamuti sa mukha, mga magaganda damit at sapatos at marami pang ibang pang-paganda dahilan upang mapansin siya ng ibang negosiyante na labis na kinainggit ng kaniyang pinsan.

Ngunit kahit pa ganoon, minabuti niya pa ring ipakilala ang kaniyang pinsan sa isang negosiyante upang mabigyan din ito ng oportunidad na sumikat tulad niya na labis nitong kinagulat.

“Sigurado ka ba sa ginagawa mo, Jenica? Hindi masama ang loob mo sa pangmamaliit ko sa’yo dati?” maiyak-iyak na tanong nito, umiling lamang siya’t niyakap ang dalaga.

Lalong dumami ang kaniyang kliyente nang malaman ang kaniyang ginawa sa pinsan dahilan upang makabawi na siya sa kaniyang tiyahin at makapagpatayo ng sariling bahay.

Labis naman ang pasasalamat sa kaniya ng kaniyang pinsan dahil ngayon, parehas nang umiingay ang kanilang pangalan sa larangan ng kagandahan.

Dito niya napatunayan sa sariling masarap makasamang umangat ang taong nagbababa sa’yo dati dahil bukod sa natutulungan mo siyang magbago at umangat sa buhay, natutunan mo ring magpatawad kahit hindi ka hingan ng pasensiya.

Advertisement