
Mapanlait at Malupit ang Gurong Ito sa Kaniyang Estudyante; Karma Pala ang Kahaharapin Niya sa Oras na Siya ay Mahuli
“Diana, hindi ka ba nakikinig? Mali sabi ’yang ginagawa mo. Ang hina ng utak mo! Paano ka ba napunta sa section na ’to?!”
Umagang-umaga, ngunit ang mga litanyang iyon na naman ang naririnig ng mga magkakaklase mula sa mapanlait na bibig ni Ginang Greganda. Nakita na naman niya si Diana at pinag-initan, kahit na alam naman niyang mahina ang loob nito. Tatlo na naman kasi ang mali nito sa limang tanong sa takdang-aralin. Gaya ng dati ay tila wala itong natututunan sa klase kahit pa ilang beses na siyang pinagalitan ng guro at tinawag sa kung anu-anong pangalan. Idagdag pa ang naging impit na mga tawanan ng ilang kaeskwela niyang pawang malalapit sa guro.
“Hindi ka bagay dito, ineng, alam mo ba ’yon? Kung hindi mo kayang tanggapin ang sasabihin ko, humanap ka ng ibang teacher na magtitiyaga diyan sa kahinaan ng utak mo! Dahil ganoon ang mundo, dapat masanay ka na. Tingnan mo nga ’yang suot mong uniform? Gusot-gusot! Ni hindi mo man lang ma-plantsa sa inyo! Ano, pati pagpaplantsa hindi mo alam kung paano?”
“Ma’am, kasi—”
Susubukan sana ni Diana na ipaliwianag ang dahilan kung bakit gusot ang kaniyang uniporme—na wala naman kasi silang kuriyente at wala rin siyang inang magtuturo sa kaniya kung paano magplantsa man lang ng damit.
Sumenyas ang guro gamit ang kamay at inis na iniharang iyon sa mukha ni Diana na ngayon ay namumuo na ang luha sa dalawang mata.
“Manahimik ka! Magpapaliwanag ka pa? Eh, puro mga kasinungalingan naman ang sinasabi mo?!” galit pang anito na lalong nakapagpatahimik sa bata.
“O, ano, iiyak ka na? Bakit? Kasi totoo, hindi ba? Walang laman ’yang utak mo! Mahina ka!”
“Kaya kayo,” Itinuro naman ng guro ang iba pang estudyante. “Makinig kayo sa akin dahil ako ang teacher dito. Mas marami akong alam sa inyo kaya kung ayaw n’yong matulad sa bobitang ‘yan, sumunod kayo at huwag kayong magrereklamo!”
Doon na nagpantig ang tainga ng pinakamatalik na kaibigan ni Diana, si Milo.
“Masiyado nang sumusobra si Ginang Greganda!” sabi niya sa kaniyang isip. Lahat na lamang ba ng mali ni Diana ay kailangan nitong punahin? Kung oo man ang sagot, dapat ba’ng sa ganitong paraan? Kailangan niya ba talagang ipahiya ang ang bata?
Sa inis ni Milo ay hinawakan niya ang braso ni Diana. Dama niya ang bawat peklat ng pinagmarkahang sugat sa bahaging iyon ng braso nito, dulot ng pananakit nito sa sarili sa tuwing aatakihin ito ng depresyon, ngunit hindi na niya iyon pinansin. Alam niyang hindi dapat sang-ayunan ang ganoong gawain ni Diana, ngunit hindi rin naman dapat kuwestiyunin, dahil hindi rin naman niya ito masisisi.
“At ano’ng ginagawa mo, Milo?” Agad siyang sinita ni Ginang Greganda. “Gusto mong matulad sa kaklase mong ‘yan? Nahahawa ka na rin yata d’yan dahil magkatabi kayo.”
“Siguro nga ho, ma’am, nahahawa na talaga ako kay Diana. Kasi maging ako, apektado na sa mga sinasabi n’yo sa kaniya. Oho, madalas ho kaming magkamali. Kumpara sa talino n’yo’y walang-wala ang laman ng mga utak namin. Pero pinaaalala ko lang ho sa inyo na narito kami, para matuto. Hindi para laitin n’yo. Narito kami, dahil gusto naming maabot ang pangarap namin!” saad pa ni Milo bago niya pinindot ang end button ng cellphone na kanina niya pa hawak-hawak sa ilalim ng bulsa ng kaniyang pang-ibaba. Hudyat para naiiling na pumasok sa classroom na iyon ang taong kanina pa nakikinig sa kabilang linya.
Ang Principal.
Lingid sa kaalaman ni Ginang Greganda ay planado na ang panghuhuli sa kaniya ng principal, dahil noong isang araw lamang ay inilapit na ni Milo at ng iba pa nilang kaeskwela ang ginagawa niya kay Diana. Dahil doon ay agarang ipinatingin sa isang psychiatrist ang bata at napag-alamang sumasailalim ito ngayon sa matinding depresyon. Mula iyon nang mawalan siya ng mga magulang dahil sa isang aksidente, na pinalala pa ng halos araw-araw na panlalait dito ng guro!
Halos masiraan naman ng bait si Ginang Greganda nang ibalita sa kaniya ng kanilang principal na maaari siyang mawalan ng lisensya sa pagtuturo, bukod pa sa kasong isasampa sa kaniya ng eskuwelahan at ng kampo ni Diana! Hindi niya akalain na ang panlalait niya sa kaniyang estudyante ay aabot sa ganito. Mabuti na lamang at mayroong naglakas ng loob na ipagtanggol ang kanilang kaibigan. Ngayon ay kahaharapin na ng malupit na guro ang kaniyang karma.