
Palaging Kinaiinisan ng mga Katrabaho Niya ang Babaeng Ito; Masiyado raw Kasing Mataas ang Bilib Niya sa Kaniyang Sarili
“Naku, ’yan na naman si Yabang! Puring-puri na naman ni bossing,” rumurolyo pa ang mga matang bulong ni Jona sa mga katrabaho habang magkakaharap sila sa mesa ngayong breaktime. Nakita kasi nilang pumasok doon ang katrabaho rin nilang si Tania na talagang kinaiinisan nilang lahat dahil sa tingin nila ay masiyado itong pabida. Masiyado kasing mataas ang tingin nito sa kaniyang sarili. Madalas tuloy ay nauungusan nito ang halos lahat ng kaniyang mga katrabaho.
“Sinabi mo pa, sis! Nakakainis nga, e. Siya na naman ang magaling. Tingin ko nga, may sa-mangkukulam ang babaeng ’yan! Palagi na lang kasing siya ang nakakakuha ng malalaking deals! Ano kaya ang gayumang gamit niyan?” nangingiwi namang pagsang-ayon ni Jerwin, ang beki nilang katrabaho, na may kasama pang pagmumustra ang mga kamay.
Nagkatawanan ang mga magkakatrabaho. “Kailangan na rin yata nating matuto ng black magic para lang maungusan natin ’yang si Tania Yabang,” natatawa pang singit naman ng isa pa nilang katrabaho.
Sa totoo lang ay naririnig naman ni Tania ang sinasabi nila, dahil doon lamang siya pumuwesto sa mesang katabi ng inookupa ng mga ito, ngunit wala siyang pakialam. Sanay na kasi siya sa paulit-ulit na pagtawag nila sa kaniya nang gano’n. Hindi na niya iniinda ang mga gan’ong bagay lalo pa at wala namang alam ang mga ito sa tunay na dahilan kung bakit masiyadong mataas ang kaniyang kompiyansa sa sarili.
Bata pa lamang si Tania ay hindi na siya umaasa sa kaniyang mga magulang. Panganay kasi siya sa anim na magkakapatid kaya naman lahat na ng pagsasakripisyo ay nagawa niya. Halos wala rin naman siyang matanggap na suporta mula sa mga magulang nila kaya’t napilitan siyang suportahan ang sarili.
Ganoon pa man ay mataas pa rin ang naging pangarap ni Tania sa buhay kaya’t ginawa niya ang lahat upang kahit paunti-unti ay makamit niya iyon. Nagtrabaho si Tania upang makapag-aral sila ng kapatid na pumapangalawa sa kaniya. Isang taon lamang din naman kasi ang tanda niya rito kaya halos sabay lang din silang tumuntong sa kolehiyo. Nagpa-part time siya tuwing gabi noon bilang isang crew sa isang restawrant, habang sa umaga naman ay nag-aaral siya. Bukod doon ay pinasok niya rin ang pag-o-online selling at pagtitinda ng kakanin sa kaniyang mga kaeskwela, habang tuwing sabado’t linggo naman ay nagtatrabaho siya bilang manikurista. Dahil sa napakaraming karanasang iyon ay unti-unting nabuo ni Tania ang matinding tiwala niya sa sarili. Isa rin kasi iyon sa paraan niya upang hindi siya mabilis na sumuko sa kaniyang ginagawa. Kailangan niyang paniwalaan ang kaniyang sarili, dahil wala namang ibang susuporta sa kaniya kundi siya lang. Katuwiran pa ni Tania, paano siya susuportahan at paniniwalaan ng ibang tao kung sarili niya mismo ay hindi ginagawa ’yon?
Nang makapagtapos sina Tania at ang kaniyang kapatid, noon lamang nakaraang taon ay masayang-masaya ang dalawa dahil sa wakas ay masusustentuhan na nila ang iba pa nilang kapatid. Agad namang nagpakitang-gilas si Tania sa larangang kaniyang pinasok kaya madalas siyang mapag-initan ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho.
Naging bingi si Tania sa panlalait ng iba. Taas-noo pa rin siyang naniwala sa kaniyang kakayahan kahit ano pa ang sabihin nila. Lalo niya na lamang pinagbutihan ang kaniyang trabaho kaya naman mabilis lalo ang naging pag-angat niya. Sinusubukan naman niyang makisama sa kaniyang mga katrabaho ngunit wala naman siyang magawa dahil ayaw talaga ng mga ito sa kaniya.
Nang ma-promote si Tania bilang General Manager ng kanilang kompanya ay lalo pang nag-alburoto ang mga katrabaho niyang may ayaw sa kaniya, ngunit sa wakas ay nagkaroon din naman siya ng mga kasundo lalo na nang magsimula na silang mag-hire ulit ng mga bagong empleyado.
Umaangat nang umaangat si Tania, habang ang mga katrabaho niyang puno ng inggit sa kanilang katawan ay nanatili na lamang sa kanilang estado. Mas pinagtutuunan kasi nila ng pansin kung paano nila siya mauungusan, kaysa ibuhos nila ang atensyon nila sa kanilang sariling ikaaangat. Hindi nila napapansin na nakakarma na pala sila sa pag-iimbot nila ng galit sa isang taong wala namang ginagawa sa kanilang masama. Umaasa pa rin si Tania na sana ay dumating ang araw na mapagtatanto nila ang bagay na iyon bago pa dumating ang panahong huli na ang lahat para bawiin ang mga pagkakataong nasayang nila sa walang katuturang pakikipagkompitensya sa kaniya.