Inday TrendingInday Trending
Puro Pagrerebelde ang Iniintindi ng Babaeng Ito Laban sa Kaniyang Ina at Ate; Paano Kung Malaman Niya ang mga Sakripisyo Nila para sa Kaniya?

Puro Pagrerebelde ang Iniintindi ng Babaeng Ito Laban sa Kaniyang Ina at Ate; Paano Kung Malaman Niya ang mga Sakripisyo Nila para sa Kaniya?

“Anak, may sasabihin ako sa ’yo…” anang inang si Marife sa anak na si Erika.

“Ano po ’yon, ’nay?” tanong naman ng dalaga na huminto pa sa ginagawang pagpupunas ng mesa. Katatapos lamang kasi nilang mag-umagahan.

“Sabi ng tatay mo, ititigil na raw niya ang pagsusustento sa atin. Nakarating na kasi sa kaniya ang balita tungkol sa kapatid mo.” Malungkot ang tinig ni Aling Marife na hindi na nagpaligoy-ligoy pa sa kaniyang sasabihin. “Hindi naman sapat ang kinikita ko para sa pangbayad natin sa renta, kuryente, tubig, at sa pagkain sa araw-araw. Hindi ko na alam ang gagawin ko, anak!”

Nasapo ni Ericka ang kaniyang noo habang minamasdan ang ina. Dama niya ang hirap na iniinda nito. Hindi pa nga tapos ang problema nila sa biglaang pagbubuntis ng kapatid niyang si Hannah sa edad na disisiyete anyos ay heto na naman ang kaakibat nitong suliranin!

“Gagawan ko na lang po ng paraan, ʼnay. Huwag n’yo lang pong sabihin kay Hannah ʼto at baka makasama pa sa kaniya,” nang-aalo namang sagot ni Erika sa ina.

Agad namang naghanap ng trabaho si Erika. Sinuyod niya na yata ang buong kamaynilaan, ngunit wala pa rin siyang makita.

Dahil doon, naisipan niyang kausapin ang kaibigan niyang si Dondi. Isang beki, na kilala niyang madiskarte ring katulad niya.

“Ay ’te, may alam ako! Bagay sa ’yo ang trabahong ’yon. Malaki ang kitaan!” matinis ang boses na sagot agad ni Dondi nang siya’y magtanong na.

“Anong trabaho naman ’yan?” may pagduduang tanong naman ni Erika.

“Beauty pageants. Pasok na pasok ka doon! Tutulungan pa kita sa mga gowns na gagamitin mo! Sa make up, sapatos, training… lahat!”

Nakahinga nang maluwag si Erika sa isinagot ng kaibigan. Matapos iyon ay agad na pumayag si Erika sa alok ni Dondi. Kinakabahan man dahil wala siyang alam sa mga ganitong bagay, wala namang ibang pagpipilian si Erika.

Hindi pa rin pinapansin ni Erika ang kaniyang kapatid na si Hannah dahil sa galit siya rito. Ngunit si Hannah ay walang pakialam. Ni hindi niya pinagsisisihan ang ginawang pagrerebelde at pagpapabuntis nang maaga. Hindi naman kasi niya gustong mapunta sa puder ng mga ito simula nang maghiwalay ang kanilang mga magulang. Ang gusto n’ya’y sa kaniyang ama siya mapunta, ngunit ayaw pumayag ng kanilang inang si Marife.

Dahil doon ay nagpatuloy si Hannah sa hindi pakikinig sa ina at sa kaniyang Ate Erika. Ginagawa niya ang mga gusto niya, anuman ang gawin nilang pigil sa kaniya. Ni hindi niya alam ang mga ginagawang sakripisyo ng kaniyang ate para lamang buhayin sila ng anak niya.

Hanggang isang araw ay bigla na lang dinugo si Hannah! Isinugod siya sa ospital. Sobra ang naramdamang pag-aalala nina Aling Marife at Erika sa kaniya, lalo na nang malaman nilang wala na ang batang dinadala ni Hannah.

Pagpasok nila sa ward ng ospital ay nakita ni Erika na walang tigil sa pag-iyak ang kaniyang kapatid. Hindi niya alam kung paano niya ito aaluin, dahil alam niyang ang nawala sa kaniyang kapatid ay hindi niya kayang palitan na lang.

Makalipas ang isang taon ay naka-recover na si Hannah sa nangyari sa kaniya at nagpatuloy sa pag-aaral. Nabawasan na rin ang pagrerebelde niya simula nang mawalan siya ng anak.

Ganoon pa man ay nananatiling matabang ang pakikitungo niya sa kaniyang Ate Erika… hanggang isang araw…

Kauuwi lang ni Hannah noon galing sa eskwelahan nang mapadaan siya sa kwarto ng kaniyang ate. Nakaawang ang pintuan n’on. Nakakita si Hannah ng mga gowns at napakaraming trophy mula sa pagkapanalo sa mga beauty pageants. Nakita rin niya ang uniform sa trabaho ng kaniyang ate. Agad siyang binalot ng pagtataka.

“Ate, bakit ka nagtratrabaho? E, sinusustentuhan naman tayo ni tatay, ’di ba?“ tanong ni Hannah sa kapatid nang umuwi ito. Bahagya pang nagulat si Erika nang kausapin siya ni Hannah.

“Tumigil na sa pagsusustento si tatay simula nang malaman niyang buntis ka,” naiiyak na paliwanag ni Erika. Ayaw na sana niyang ipaalam iyon sa kapatid, ngunit wala na siyang magagawa pa.

Nang malaman ang lahat ng pagsasakripisyo ng kaniyang ate ay agad na binalot ng pagsisisi si Hannah. Humingi siya ng tawad sa kaniyang ina at kapatid dahil sa mga maling desisyong nagawa niya. Mula noon ay nagpasya siyang bumawi sa kaniyang ina at kapatid. Tinigilan niya ang pagrerebelde at sumunod sa mga payo ng mga ito.

Nakatapos ng pag-aaral si Hannah, at lahat ng iyon ay utang niya sa kaniyang ina at Ate Erika. Gumanda na rin sa wakas ang kanilang buhay matapos niyang makinig at pahalagahan ang sakripisyo ng iba para sa kaniya.

Advertisement