Laging Pinagsisinungaling ng Ina ang Anak; Saan Kaya Hahantong ang Gawain Niyang Ito?

Laging Pinagsisinungaling ng Ina ang Anak; Saan Kaya Hahantong ang Gawain Niyang Ito?

FamilyHeartbreakingStories

“Opo, siguro aabutin daw ng 50,000 lahat papa,” nakangiwing sabi ni Dianne habang nakatingin sa inang si Ria na ngayon ay pinandidilatan siya ng mata.

“Ah… eh, 70k daw po pala,” nag-aalangang bawi ng dalaga. “Hayaan mo anak, sige pagsisikapan ko para maipadala ko agad-agad. Wala kang kailangan alalahanin kundi pag-aaral, ha?” sabi ng kaniyang amang si Mario na nasa ibang bansa. Matapos ibaba ang tawag ay tila napakabigat ng puso ni Dianne. Nagsinungaling na naman kasi siya sa kaniyang ama na mahal na mahal niya.

“Anong sinisimangot mo diyan?! Para sa atin naman yung ginagawa mong pagsisinungaling sa papa mo. Aba’t kung di natin gagawin iyon ay palalayasin na tayo dito sa bahay ‘no!” Bulyaw ni Ria sa anak. ‘Di na lang nakipagtalo pa si Dianne dahil tiyak na wala namang magandang kahahantungan iyon. Nakokonsensya lang siya dahil alam niyang nagpapakahirap sa ibang bansa ang kaniyang ama habang wala itong kaalam-alam na wala naman ito talagang naipupundar. Wala na ang kotseng binili nito, wala na ang laptop niya, mga alahas, at ngayon nga ay pati bahay nila ay nakasanla. Ilang beses man niyang tanungin ang ina tungkol dito, bulyaw lang ang sagot nito. Ang tingin sa kaniya ay pinupuna niya ang pagiging nanay nito sa kaniya. Kaya para wala na lang gulo ay sinusunod na lang niya lagi ang ina kapag ginagamit nito ang pag-aaral niya para umutang sa kung sino-sino. At ang malala ay pati sa ama niyang nasa abroad ay sanay na sanay nito siyang pinagsisinungaling.

Ganoon ang naging takbo ng relasyon ng mag-ina. ‘Di namalayan ni Dianne na unti-unti na palang lumalaki ang pagkamuhi niya sa ina. Lalo na kapag nakikita niyang sinisigaw-sigawan lang nito sa telepono ang ama kapag hindi ito kaagad napapadalhan.

Isang araw, pahiyang-pahiya si Dianne dahil sa harap mismo ng klase siya sinabihan ng kaniyang propesor na hindi siya makakakuha ng exam. Pinalabas siya nito at sinabihang makipag-usap muna sa opisina kung papayagan siyang mag-exam kahit ‘di pa bayad ang kaniyang tuition fee. Nakayukong lumabas si Dianne ng classroom at umiiyak na umuwi ng bahay. ‘Di na siya nag-abalang pumunta pa sa opisina dahil nanggaling na siya doon. Halos magmakaawa siya para makakuha ng exam na pinaghirapan niyang pag-aralan ngunit ‘di siya pinagbigyan. Kung babagsak siya sa isang subject ay matatanggalan siya ng iskolarship at natatakot siyang mangyari iyon. Baka kung ganoon ay tuluyan siyang patigilin ng mama niya sa pag-aaral.

Nang malapit na siya sa kanilang tahanan ay nakita na naman ni Dianne ang maraming taong nag-aabang at sumisilip sa kanilang bahay. Malamang ay mga maniningil na naman ng utang ang mga iyon. Tila ba bumangon ang naghalo-halong galit, tampo, at pagkapahiya sa kaniyang puso. Parang sasabog siya sa galit sa kaniyang ina na walang ibang ginawa kundi mangutang para sa mga luho nito. 

Kaya agad na tumakbo si Dianne papunta sa loob ng kanilang bahay. Tinangka siyang pigilan ng mga taong naroroon. Ngunit hindi siya nagpapigil. Wala siyang marinig sa mga sigaw ng mga ito. Plano niyang isiwalat sa mga ito na naroon sa pamamahay nila ang ina at nagtatago lamang. Siguro ay panahon na upang gawin niya ang tama at isuplong ito. Marahil ay makabubuti na rin iyon dito.

Pagbukas niya ng pinto ay isang mainit na hangin ang sumalubong sa kaniya at kasunod niyon ay malakas na pagsabog. Wala na siyang nakita o narinig pagkatapos.

Nagsigawan ang mga tao sa nangyari. Isa na doon ay si Ria mismo na kauuwi lang mula sa pagtatago. Nabitawan nito ang hawak na bag nang makitang nilalamon ng apoy ang bahay nito at nagkakagulo ang mga tao sa labas.

“Dianne! Dianne!” sigaw niya. Gusto niyang pumasok sa loob ng bahay ngunit maraming kamay ang humarang sa kaniya. Namaos siya kakasigaw at kakahingi ng tulong ngunit dahil sa laki ng apoy ay wala ring magawa ang mga tao kundi maghintay sa bumbero.

Napasalampak sa sahig si Ria at hindi tumayo hanggang sa mailabas na ang katawan ni Dianne. Sinubukan gawin ang lahat ngunit natagpuang nasawi na ang dalaga dahil sa kapal ng usok.

“Dianne, anak ko! Patawarin mo si mama…” rumaragasa ang luha ni Ria habang naririnig ang usapan sa paligid. Napansin na raw pala ng mga kapitbahay na tila may amoy nasusunog sa kanilang bahay. Nag-uusisa ang mga ito nang bigla na lang tumatakbong dumating si Dianne at agad-agad na binuksan ang pinto. Mabilis ang mga pangyayari at nakita na lang nila itong nilamon ng apoy. Napahagulgol lalo si Ria.

Sising-sisi ang ginang sa ginawang pagtrato sa anak. Laging may sumbat ang ginagawa niyang pag-aaruga dito. Laging pasigaw siya makipag-usap at pinipilit pa itong magsinungaling. Parang literal na dinudurog ang puso niya sa sakit at pagsisising nadarama. Ngunit kahit anong iyak at hingi ng tawad ang gawin niya, alam niyang huli na ang lahat.

More Stories