
Tumaya sa Huling Taya ang Lalaking Ito Upang Magbaka Sakali na Yumaman; Pagsisihan Niya Kaya ang Desisyon?
Nakatulala sa tumutulong tubig mula sa malakas na pag-ulan ang tatlumpu“t walong taong gulang na si Pikoy. Padilim na rin at inihanda na niya ang gasera upang magkaroon siya ng pandamagan. Handa na rin ang kapiraso ng karton na kaniyang gagamitin upang maibsan ang init sa gabi. Ito ay dahil walang kuryente sa kaniyang maliit na tinutuluyan. Binuksan niya ang nakatakip na pagkain sa lamesa at naamoy ang panis na kanin. Magsasaing sana siya subalit wala na pala ni-isang butil ng bigas. Sa gabing iyon, muli na naman siyang matutulog na hindi man lang naibsan ang gutom sa kaniyang sikmura.
Habang siya ay natutulog, napanaginipan niya ang pumanaw na ama at ina. Malinaw niyang nakita ang mga pangyayari sa kanilang bahay noong sila ay buhay pa. May kaya sila noon subalit mula noong mawala ang kaniyang mga magulang, unti-unting nalustay ang kanilang yaman hanggang sa bahay na lamang ang natira sa kaniya. May kaunting kagamitan pa naman tulad ng ref, electric fan, TV at mga sofa. Ang ilan ay naibenta na niya dahil wala na siyang mapagkunan ng kaniyang kakainin.
Gustuhin mang magtrabaho ni Pikoy ay hindi siya matanggap sa kahit na anong trabaho dahil hindi siya nakapagtapos kahit na hayskul lamang. Sakit ng ulo kasi siya noon ng kaniyang mga magulang at ngayon na siya ay matanda na, laking pagsisisi niyang hindi niya tinapos ang pag-aaral noong may pagkakataon pa siya.
Lugmok na lugmok na si Pikoy habang iniisip kung saan na naman siya raraket ng pambili niya ng bigas at kahit na isang lata man lang ng sardinas. Kung minsan ay maswerte na siya na makakain ng tatlong beses sa isang araw. Wala siyang magawa kundi ang maawa sa kaniyang sitwasyon at pagsisihan ang mga araw na kaniyang sinayang.
Ngayong matanda na si Pikoy, nakikita niya kung gaano na naging matagumpay ang mga kaibigan niyang nagpapaabot naman ng tulong sa kaniya paminsan minsan. May mga magagandang trabaho, may asawa at kani-kaniyang mga anak. Hindi na nga niya mabilang kung ilan na ang mga inaanak niya dahil sa rami ng mga iyon. Ang kaniyang tanong sa sarili, kailan kaya ang panahon na makakaahon siya?
Isang gabi, muling nanaginip si Pikoy ng mga barya na ginto. Ilang beses na niya itong nakikita sa kaniyang mga panaginip at isinasawalang bahala ang mga ito. Subalit kinabukasan, naisip niyang ikwento iyon sa isa sa kaniyang mga kaibigan. Agad siyang pinayuhan ng kaibigang ito na tumaya sa isang sugal at tiyak raw na siya ay mananalo. Noong una ay tinawanan na lamang niya ang haka haka. Subalit hindi ito nawala sa kaniyang isipan hanggang gabi.
Kinabukasan, pagmulat pa lamang ng kaniyang mga mata, agad niyang pinagsama sama ang mga natitirang kagamitan sa loob ng kaniyang bahay. Lahat ng gamit na maaari niyang mabenta ay kinuha niya at dinala sa isang shop na bumibili ng mga segunda manong gamit. Hindi man kalakihan, alam ni Pikoy na sapat na ang kaniyang nalikom na pera upang makapagsugal. Aniya, wala namang mawawala kung susubukan niya. At kung matalo man, desidido na siyang wakasan na ang kaniyang buhay.
Agad siyang nagtungo upang tumaya sa isang sugal na may milyon milyong papremyo. Matapos niyang tumaya, agad siyang nagpunta sa pinakamalapit na sabungan at tumaya na naman at isinugal ang natitirang pera sa kaniya. Subalit hindi umayon ang tadhana sa kaniya dahil walang naiuwi si Pikoy kundi ang sarili at ang hawak niyang plastik ng ulam at kanin.
Muli na namang natulala ang binata sa mga nangyari habang pinagmamasdan ang maluwag na espasyo sa kanilang bahay. Kahit na sofa ay wala na dahil naibenta na rin niya ito. Walang wala na siya at ang tanging paraan na lamang niya ay ang mawala na sa mundong ito.
Kinuha niya ang lubid at nang siya ay tumungtong na sa mesa, nagulat siya nang biglang tumunog ang kaniyang selpon nang sunod sunod. Kinuha niya ito upang tanggalin sana ang maingay na tugtog. Ngunit pagkahawak niya rito, nabigla siya nang mabasa ang mensahe ng kaniyang kaibigan. Siya raw ay nanalo sa araw na iyon!
Hindi makapaniwala ang binata sa mensaheng ipinahatid sa kaniya. Hindi na siya nag-aksaya ng oras at kabadong nagtungo sa pinakamalapit na tindahan kung saan siya tumaya. Doon niya nakumpirma ang kaniyang pagkapanalo. Laking pasasalamat ng binata sa pagkakataong ibinigay sa kaniya ng Diyos.
Isang buwan ang nakalipas, nakapagpatayo na si Pikoy ng sarili niyang bahay. Ang dating butas butas na bahay nila ay pinagawa na niya. Nagtayo rin siya ng mga paupahan upang maging negosyo niya. At bilang pasasalamat sa milagrong natanggap niya, hindi nagdalawang-isip ang binata na magbigay ng malaking porsyento para sa mga batang lansangan.
Ang mga kwentong akala niya ay haka haka lamang ay pilit niyang kinapitan upang magkaroon lamang ng kakaunting pag-asa sa buhay. Tunay nga naman na kung kailan wala na tayong makita kundi kadiliman ay siya namang maglilikha ang Diyos ng milagro sa ating buhay.