
Nabulag ng Pag-ibig ang Ginang na Ito Dahilan Upang Iwanan Niya ang Kaniyang Pamilya; Laking Pagsisisi Niya Pala sa Huli
Buryo ang palaging nararamdaman ni Sally sa araw-araw na siya ay naghihintay na umuwi ang kaniyang tatlong anak na umuwi galing eskwelahan at ang iba naman ay nagtatrabaho na. At kahit na kaya na silang buhayin ng kaniyang mga anak, hindi pa rin tumitigil sa paghahanap buhay si Carlos para matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Kahit na tuwing Sabado at Linggo ay sinusulit nito na makapasok siya para malaki ang kaniyang sahurin kada magtatapos ang buwan.
Ito ang madalas na pag-awayan ng mag-asawa. Pinipilit kasi ni Sally na magtayo na lamang sila ng isang tindahan at magretiro na si Carlos. Kaya naman sana ng kaniyang dalawang anak ngunit upang may maipon pa rin sila, pinipilit niyang magkaroon sila kahit na maliit na tindahan na pagkakaabalahan nilang mag-asawa. Pagod na rin kasi si Sally sa pag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Wala siyang makatulong kahit na isa sa kaniyang mga anak at ang nais sana niya ay may makasama man lang sa araw-araw.
Isang tanghali, pauwi si Sally mula sa kaniyang pamamalengke. Tinanghali na kasi siya ng alis dahil tinapos pa niya ang mga labada upang may maisuot na uniporme ang mga anak at ang asawa. Sa kaniyang pag-uwi, hindi inaasahang mapigtal ang bag na pinaglalagyan ng mga gulay at karne na kaniyang pinamili. Doon niya nakilala si Isko, binata at makisig ang pangangatawan nito. Tinulungan siya ng binatilyo na bitbitin ang mga gulay na sumabog pa sa kalye hanggang sa kanilang bahay.
Hindi halata sa itsura ni Sally ang edad nitong apat na pu´t pitong taong gulang. Ito ay dahil sa maliit niyang pangangatawan at dagdag pa ang kutis niyang mestisa. Dahil sa pagtulong ni Isko, nabaitan si Sally at inalok na doon na mananghalian ang binata. Nagpalitan ng mga kwentuhan sa kani-kaniyang buhay ang dalawa. Ang araw na iyon ay nasundan pa ng maraming mga tanghalian na sabay nilang pinagsaluhan. Ang pagkabagot ni Sally ay napawi dahil mayroon siyang nakakasama at nakakausap sa araw-araw.
Hanggang dumating ang araw na magtapat sa kaniya si Isko na mayroon na itong nararamdaman sa kaniya. Nabigla ang ginang at agad na pinaalis sa kanilang bahay ang binata. Nang gabi na iyon, nais sanang ipagtapat ni Sally ang kaniyang natagpuang pagkakaibigan kay Isko subalit natakot siya sa kung ano ang isipin at sabihin ng asawa kaya nilihim na lamang niya ito.
Lumipas ang ilang mga araw, muling naramdaman ni Sally ang kalungkutan sa kaniyang pang-araw-araw na buhay. Mag-isa na naman siya na kumakain, gumagawa ng gawaing bahay at walang kasama kahit na sino. Isang tanghali, habang siya ay kumakain, bumisitang muli ang binata sa kanilang bahay. Nakita siya nitong umiiyak habang isinusubo ang kutsara na may kanin. Doon muling nagbukas ng pinto si Sally at tuluyan na nga niyang pinagtaksilan ang kaniyang asawa.
Patuloy na nagkikita ang dalawa sa kanilang bahay sa tuwing walang tao kina Sally. Wala rin kasi silang halos kapitbahay dahil liblib ang kanilang tinitirhang bahay. Wala sinuman ang nakakasaksi ng kaniyang lihim na pagtataksil sa buong pamilya.
Dumating ang araw na pakiramdam ni Sally ay hindi na siya masaya sa kaniyang pamilya. Kinabukasan, nagpasiya ang ginang na iwanan ang lahat at tuluyan nang sumama sa kaniyang lihim na nobyo. Kinaumagahan, nagising ang lahat na wala na ang ina at asawa na siyang naghahanda ng kanilang pagkain.
Lumipas ang ilang mga araw, linggo, buwan at taon. Hindi na nila muling nakita o nakausap man lang si Sally. Lubhang nasaktan ang lahat dahil wala sila anumang impormasyon sa kung ano ang nangyari sa ina. Subalit si Carlos, tila ramdam na sumama ito sa ibang lalaki. Ito ay dahil matagal na niyang nararamdaman ang malamig na pakikitungo ng asawa sa kaniya. Imbes na suyuin, hinayaan na lamang niya dahil hindi niya inakalang magagawa silang iwan nito.
Pagkaraan ng eksaktong tatlong taon na wala si Sally sa kanilang bahay, isang gabi, bigla na lamang itong nagpakita sa pamilya. Habang naghahapunan ang lahat, niyakap siya ng kaniyang bunsong anak at umaatungal ito habang binibigkas kung gaano siya kasabik na muling makita ang ina. Subalit tahimik naman na kumakain at tila ba walang nakita ang dalawa pa niyang anak at ang kaniyang asawa.
Noong gabi na iyon, habang tulog na ang mga anak, nag-usap ang mag-asawa dahil hindi na siya kayang tanggapin pa ni Carlos. Kahit na tatlong taon na ang lumipas, nananatili pa rin ang kaniyang pagmamahal sa asawa subalit mas nananaig ang galit niya para kay Sally. Patuloy ang pagmamakaawa ni Sally at pagkwento ng kaniyang mga pinagdaanan. Siya ang naghahanap buhay sa kanila upang may makain sila. Ang masaklap pa ay nalulong sa masamang bisyo si Isko at nagkaroon silang dalawa ng isang sakit na nakakahawa.
Kinaumagahan, nagising ang lahat at nakita ang liham ng kanilang ina. Wala itong ibang banggit kundi paghingi ng kapatawaran sa kaniyang naging maling desisyon. Tuluyan nang umalis si Sally sa kaniyang pamilya dahil hindi na siya binigyan ng pangalawang pagkakataon pa ni Carlos. Habang ang kaniyang pamilya naman ay nagpatuloy na mabuhay kahit pa magsilbing ina si Carlos sa kaniyang mga anak. Sa tatlong taong pagkawala ng ginang ay ‘di na nila alintana ang pagkawala ng ilaw ng kanilang tahanan.
Masakit man ay kailangang tanggapin at pagdusahan ni Sally ang naging bunga ng kaniyang kasalanan.