Itinuro ng Madrasta ang Yaya na Nananakit sa Batang Hindi Makapagsalita; Hindi Nila Akalain ang Gagawin ng Bata

Itinuro ng Madrasta ang Yaya na Nananakit sa Batang Hindi Makapagsalita; Hindi Nila Akalain ang Gagawin ng Bata

HeartbreakingKarmaStories

“Paulo, huwag ka nang mag-alala sa anak mo at ako na ang bahala sa kaniya. Gawin mo na kung ano ang dapat mong gawin sa ibang bansa. Hindi ka dapat pang mag-alala dahil gagawin ko ang lahat para maging maayos siya,” saad ni Mia sa kaniyang kinakasama. 

“Nangangamba lang kasi ako. Mag-aanim na taon na si Sophia pero hindi pa rin siya nagsasalita. Hanggang ngayon siguro ay dinaramdam pa rin niya ang pagkawala ng kaniyang ina. Kung p’wede lang akong hindi umalis at magtrabaho ay gagawin ko para lang maalagaan ko siya nang husto,” malungkot na wika naman ni Paulo. 

“Huwag ka nang mag-alala at narito naman ako. Saka isa pa, hindi ba kumuha ka naman ng yaya ni Sophia? Dalawa kaming magtutulungan para maging maayos na ang anak mo. Alam mo kung gaano ko kamahal si Sophia, parang anak ko na rin ang turing ko sa kaniya. Kaya gagawin ko ang lahat para makapagsalita na siya,” dagdag pa ng dalaga. 

Dalawang taon na ring sumakabilang buhay ang asawa ni Paulo dahil sa isang matinding karamdaman. Noon pa man ay hindi na nakakapagsalita nang ayos ang anak niyang si Sophia. Ang akala lamang nila ay medyo huli ang development ng bata ngunit sa patuloy nitong paglaki ay lalong hindi na ito nagsalita pa. Ilang mga espesyalista na ang nilapitan ng ama ngunit walang nakapagpasalita kay Sophia. 

Dito na napagtanto ni Paulo na hindi niya kayang palakihin nang mag-isa ang kaniyang anak. Kailangan niya ng katuwang at isang taong tatawaging ina ng bata. Kaya nang makilala ni Paulo itong si Mia ay hindi na niya ito pinakawalan pa. Lalo na at nakikita niya kung paano ituring ng kinakasama ang kaniyang anak. 

Panatag si Paulo na kahit nasa ibang bansa siya ay nasa mabuting kalagayan si Sophia. 

Ang hindi alam ni Paulo ay panlabas na anyo lamang ito ni Mia. Nakisama lang ito sa ginoo dahil alam niyang magbubuhay prinsesa siya sa piling nito. 

Nang makaalis si Paulo, imbes na bigyan ni Mia ng atensyon si Sophia ay hinayaan na lamang niya ang bata sa pangangalaga ng yaya nitong si Delia. Habang siya ay malayang umaalis kasama ang kaniyang mga kaibigan. 

“Delia, ikaw na ang bahala diyan kay Sophia. Pakainin mo na para makatulog na nang maaga. Huwag n’yo na akong hintayin dahil magka-casino kami ng mga amiga ko! Kapag tumawag si Paulo, sabihin mo nasa silid ako, natutulog dahil masakit ang ulo!” mariing bilin ni Mia. 

Kinabukasan ay umaga nang umuwi si Mia. Malaki ang talo niya sa casino kaya mainit ang kaniyang ulo. Nang makita niya si Sophia na pinaglalaruan ang ilan niyang gamit ay napagdiskitahan niya ito. 

“Bakit mo ginagalaw ang mga make up ko? Hindi mo ba alam kung gaano kamahal ang mga ‘to? Binatawan mo ang mga ‘yan at lumayas ka dito sa silid ko!” sigaw ni Mia sa bata. 

Ngunit nakatitig lamang si Sophia sa kaniyang madrasta. 

“Ano pa ang tinatanga-tanga mo riyan? Umalis ka na! Hindi ka na nga nakakapagsalita ay hindi ka pa rin ba marunong umintindi? Napakab*bo mong bata ka! Lumayas ka sa harap ko!’ patuloy sa pagsigaw ang dalaga. 

Dahil nakarinig ng sigaw ay agad na nagtungo si Delia sa silid. Nang makita niyang kinagagalitan ni Mia ang kaniyang alaga ay agad niya itong inilayo. 

“Delia, ikaw naman pinababayaan mo ‘yang alaga mo! Wala na akong maasahan sa bahay na ito. Lahat kayo inutil!” galit pang sigaw ni Mia. 

“Pasensya na, madam. Kailangan ko kasing gawan ng pagkain si Sophia. Hindi ko namalayan na wala na pala siya sa sala,” paghingi ng paumanhin ng yaya. 

“Alisin mo na sa harap ko ‘yang bata na ‘yan at nagdidilim ang paningin ko sa kaniya. Sinira niya ang lahat ng mga make up ko! Napakamahal nito!” saad muli ng dalaga. 

Nakikita ni Delia ang lahat ng maling trato ni Mia sa kaniyang alaga. Ngunit hindi niya naman kaya itong isumbong kay Paulo dahil hindi siya sigurado na paniniwalaan siya ng ginoo. 

Isang araw, day off ng yayang si Delia at tanging si Mia ang nagbabantay kay Sophia. Dahil abala sa makikpagkwentuhan sa telepono ay hindi na napansin ni Mia na muling bumalik sa kwarto niya itong si Sophia para paglaruan ang mga make up niya. Ngunit hindi sinasadya na matabig ng bata ang bote ng mamahaling pabango at nabasag ito. 

Nang marinig ni Mia na may nabasag mula sa kaniyang kwarto ay agad niya itong pinuntahan. Nakita niya si Sophia na nakatayo lamang at tinitingnan ang basag na bote ng pabango. 

“Lintek ka talagang bata ka! Wala ka talagang magawang mabuti! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na wala kang pakikialaman na gamit ko? Napakahina talaga ng utak mo! Napakamahal ng pabango na ‘yan! Pinabili ko pa ‘yan sa ibang bansa! Letse ka talaga!” gigil na gigil na sambit ni Mia. 

Hindi na naiwasan ni Mia na pagbuhatan ng kamay itong si Sophia. Pinagpapalo niya ito at piningot. Iyak naman nang iyak si Sophia dahil sa pananakit ng madrasta. 

Nang marinig ng kausap ni Mia ang pananakit sa bata ay hindi na nito napigilan magtanong. 

“Hindi ka ba natatakot na baka magsumbong sa daddy niya ‘yang bata?” tanong ng kaibigan. 

“May sakit naman ata ito sa pag-iisip. Hindi naman ‘to marunong magsalita kaya ligtas ako!” pagmamayabang pa ni Mia.

Kinabukasan, nakita na lamang ni Delia na maraming pasa itong si Sophia. 

“Sophia, ang Tiya Mia mo ba ang gumawa nito sa’yo? Tumango ka kung oo at hindi ko sasabihin sa kaniya na nagsabi ka sa akin. Pero kailangan itong malaman ng daddy mo,” wika ni Delia sa alaga. 

Ngunit wala pa ring tugon ang nanggagaling sa bibig ng bata. Iyak lamang ito nang iyak. 

Ilang sandali lang ay nagulat ang lahat sa biglaang pag-uwi ni Paulo. 

Labis ang kaba ni Mia nang makita rin ni Paulo ang mga pasa ng anak sa katawan. 

“S-sino ang gumawa nito sa’yo, anak? Ano ang nangyari?” natatarantang tanong ni Paulo sa bata. 

Agad na sumingit si Mia at itinuro ang yaya ni Sophia. 

“Kitang kita ko ‘yang si Delia na sinasaktan si Sophia dahil mahirap daw alagaan ang bata. Noong una, akala ko’y malikot lang si Sophia at baka nadala pero itong si Delia pala ang may kagagawan ng lahat!” saad ni Mia sa kinakasama. 

“H-hinding hindi ko po magagawa iyan kay Sophia, sir. Mahal ko si Sophia na parang isang tunay na anak. Nagtataka nga po ako bakit marami siyang pasa. Noong isang araw naman ay wala ‘yan. Hindi lang ako pumasok ng isang araw tapos nagkaganito na siya!” paliwanag naman ng kasambahay. 

Hindi magawang paniwalaan ni Paulo ang sinasabi ng yaya. Dahil alam niyang wala namang dahilan para saktan ni Mia ang anak. 

“Hindi ko mapapalampas ang lahat ng ito, Delia. Ipakukulong kita! Hindi ko hayaan na basta ka na lang makalusot sa ginawa mo sa anak ko! Mabubulok ka sa bilangguan!” galit na sambit ni Paulo. 

Kahit anong pagmamakaawa ni Delia ay hindi na nakinig pa si Paulo. Desidido na siyang ipakulong ang yaya. 

Hanggang sa nagulat ang lahat nang bigla na lamang nagsalita si Sophia. 

“Daddy, huwag n’yo pong ipakulong si Yaya Delia. Hindi po siya ang gumawa sa akin nito. Mahal na mahal po niya ako. Lagi niya po akong inaalagaan. Si Tiya Mia, siya po ang gumawa nito sa akin. Lagi niya po akong sinasaktan at pinagsasalitaan ng ‘di maganda. Ayoko sa kaniya, daddy. Paalisin mo na siya dito sa bahay natin!” tuloy tuloy na sambit ni Sophia habang umiiyak. 

Hindi makapaniwala si Paulo na sa unang pagkakataon ay narinig din niya ang tinig ng kaniyang anak. Patuloy ang bata sa pagtangis na paalisin na ng kaniyang ama si Mia sa kanilang bahay. 

Galit na galit si Paulo dahil sa pananakit ni Mia kay Sophia. Akala ni Mia ay makakaligtas siya sa kaniyang ginawa ngunit mismong si Sophia na ang nagturo sa kaniya. 

Hindi pinalagpas ni Paulo ang mga nangyari. Hiniwalayan niya si Mia at ipinakulong dahil sa pananakit sa kaniyang anak. 

Sa isang banda ay labis ang tuwa ni Paulo dahil sa wakas ay nakakapagsalita na itong si Sophia. 

“Si Yaya Delia po ang nagtiyaga sa akin. Kung hindi po dahil sa pagmamahal na ipinapakita niya ay nawalan na rin po ako ng gana sa aking buhay dahil wala na ang mommy ko tapos ay madalas pang wala kayo. Daddy, huwag na po kayong umalis dahil natatakot po ako na baka bumalik na naman si Tiya Mia at saktan ako. Natatakot din po ako na baka tulad ni mommy ay hindi na rin po kayo bumalik pa,” saad ni Sophia sa ama. 

“Huwag kang mag-alala, Sophia. Simula ngayon ay palagi ka nang sasama sa akin. Hinding hindi na kita iiwan pa. Aalis na tayo rito at sa Amerika na tayo maninirahan. Siyempre, hindi natin iiwan si Yaya Delia. Siya pa rin ang mag-aalaga sa iyo roon,” wika naman ni Paulo. 

Dahil sa pangyayaring iyon ay mas pinili na lang si Paulo na ituon ang kaniyang sarili sa pag-aalaga ng kaniyang anak kaysa humanap ng makakatuwang sa buhay. Sapat na kay Paulo na makasama niya ang kaniyang anak.

Samantala, labis ang pasasalamat ni Paulo kay Yaya Delia dahil sa wagas na pagtingin nito sa kaniyang anak. Nagpasiya siyang kunin pa rin ang yaya na tagapangalaga ng kaniyang anak kahit na sa ibang bansa na sila maninirahan.

Lumipas ang ilang buwan at tuluyan nang lumipad pa-Amerika ang tatlo para magsimula ng panibagong buhay.

More Stories