Pinagmalakihan ng Dalaga ang Kaniyang mga Magulang; Sa Huli ay ang mga Ito rin pala ang Tutulong sa Kaniya

Pinagmalakihan ng Dalaga ang Kaniyang mga Magulang; Sa Huli ay ang mga Ito rin pala ang Tutulong sa Kaniya

FamilyKarmaStories

“Suzette, ilang beses ka ba naming pagsasabihan ng daddy mo tungkol sa pagsama-sama mo sa mga kaibigan mo na ‘yan? Tingnan mo nga ang sarili mo. Gawain ba ng matinong babae ‘yan na hatinggabi na ay nasa bar pa? Saka tingnan ‘yang suot mo. Sa tingin mo ay rerespetuhin ka ng mga tao?” galit na sambit ng inang si Loida sa kaniyang dalagang anak. 

“Ma, malaki na ako. P’wede ko nang gawin kahit anong gusto kong gawin. Bakit hindi n’yo ba matanggap ni daddy na hindi na ako bata at hindi n’yo na ako p’wedeng sakalin sa mga gusto niyong mangyari?” pabalang na sagot naman ng dalaga. 

“Huwag mo kaming sisigawan, Suzette. Pinag-aaral ka namin sa magandang eskwelahan para magkaroon ka ng magandang kinabukasan pero ito lang ang igaganti mo sa amin ng daddy mo? Hanggang dito ka naninirahan sa poder namin ay kami pa rin ang masusunod! Bigyan mo naman kami ng kahihiyan!” dagdag pa ng ina. 

“‘Yan na naman kayo. Ang iniisip niyo na naman ang kahihiyan niyo pero hindi niyo iniisip ang kaligayahan ko. Kung ganyan lang din pala ay mabuti pang umalis na lang ako dito! Kaya ko naman ang sarili ko kahit wala kayo, e! Sino bang nagsabi na kailangan ko kayo sa buhay ko?” bulyaw muli ni Suzette. 

Dahil sa sinabi niyang ito ay hindi na nakapagtimpi pa ang kaniyang ama kaya nasampal siya nito. 

“Kung sa tingin mo ay kaya mo na ang iyong sarili ay lumayas ka na sa bahay na ‘to! Pero kapag may nangyaring hindi maganda sa buhay mo ay huwag mo kaming sisisihin! Hindi kami nagkulang sa iyo, Suzette. Hindi mo kami dapat ginaganito ng mommy mo. Kung sa tingin mo ay hindi mo na kami kailangan, malaya ka na!” mariing sambit naman ng amang si Julio. 

“Julio, baka nabibigla ka lang. Hindi makakaya ni Suzette sa sarili lang niya. Baka p’wede pa natin itong pag-usapan. Mas kailangan niya tayo ngayon,” pagpigil naman ni Loida habang patuloy sa pag-iyak. 

Ngunit buo na ang desisyon ni Julio. Labis kasi siyang nasaktan sa mga sinabi ng kaniyang anak. 

“Hindi niyo na ako kailangan pang palayasin dahil aalis naman talaga ako kahit ano’ng mangyari. Walang masamang mangyayari sa akin dahil simula ngayon ay hawak ko na ang buhay ko!” sambit muli ni Suzette. 

Simula nang magdyesiotso ang dalagang si Suzette ay nag-iba na ang ugali nito. Lagi na itong sumusuway sa kaniyang mga magulang. Ang nais ni Suzette ay maging malaya siya sa pagdedesisyon para sa kaniyang sarili na labis na pinangangambahan ng kaniyang mga magulang.Dahil madalas nang ginagabi ng uwi, pirming lasing at hindi na pumapasok sa eskwelahan ay kinompronta na ng kaniyang mga magulang si Suzette. Ngunit imbes na magpakumbaba siya ay nagmalaki pa siyang kaya niya ang kaniyang sarili. 

Nang gabing iyon din ay umalis si Suzette at nagtungo sa kaniyang mga kaibigan. 

“Julio, sunduin na natin si Suzette. Baka kung anong mangyaring masama sa kaniya. Baka kung anong gawin niya sa kaniyang sarili,” umiiyak na sambit ni Loida sa asawa. 

“Kilala ko si Suzette. Hindi niya sasaktan ang sarili niya. Kailangan nating tigasan ang dibdib natin Loida. Masyado kasi nating ibinigay ang lahat diyan sa anak natin kaya akala niya ay ganoong kadali lang ang buhay. Mainam nang maranasan niya kung ano ang totoo,” wika naman ni Julio. 

Kahit na matigas ang loob ni Julio ay hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala para sa kaniyang anak. Ngunit kailangan niya itong tiisin para bigyan ng leksyon ang dalaga. 

Samantala, ilang araw ring nanirahan si Suzette sa bahay ng kaniyang kaibigang si Karry. Bukod sa palaging walang ginagawa si Suzette ay wala rin itong naiaambag sa pagkain at ilang gastusin sa bahay. Kaya kinausap siya ng kaibigan. 

“Suzette, hanggang kailan ka ba dito sa bahay namin? Ang sabi mo ay sandali ka lang. Bakit parang gusto mo na atang makitira dito? Wala ka bang mga kamag-anak man lang na p’wedeng puntahan? Ayaw na rin kasi ng mga magulang ko na narito ka. Napakatamad mo raw kasi at dagdag ka pa sa gastusin namin dito,” diretsahang sambit ni Karry. 

“Bigyan mo lang ako ng panahon at maghahanap din ako ng trabaho. Baka gusto mo mamayang pumunta sa bar. Tawagan mo naman ang mga kaibigan natin para magkita-kita tayo. Nabuburyong na kasi ako rito,” tugon naman ni Suzette. 

“Hindi ka ba nakikinig sa sinasabi ko, Suzette? Ayaw ka na ng mga magulang ko dito. Kailangan mo nang humanap ngayon ng ibang matutuluyan. Kausapin mo ang iba nating kaibigan at baka mapatuloy ka nila sa kanila,” naiinis nang wika ng kaibigan. 

Wala nang nagawa pa si Suzette kung hindi umalis nang araw na iyon. Pinagtatawagan niya ang kaniyang mga kaibigan ngunit wala ni isa sa kanila ang gustong tumulong sa kaniya. Kaya minarapat na niyang hingin ang tulong ng ilang kamag-anak. 

“Hindi ka maaari dito. Kitang-kita namin kung anong sakit ng ulo ang dinala mo sa pamilya mo! Ayaw namin ng dagdag problema. Sa iba ka na lang lumapit!” sambit ng tiyahin. 

Kahit na nahihiya ay kinapalan na ni Suzette ang kaniyang mukha para hingin naman ang tulong ng kaniyang mga pinsan. Ngunit dahil sa ginawa niya sa kaniyang mga magulang ay nilayuan na rin siya ng mga ito. 

Nang gabing iyon ay mag-isa lamang sa parke si Suzette at hindi niya alam kung saan siya pupunta. 

Takot na takot at gutom na gutom na siya ngunit hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Hindi na napigilan pa ni Suzette ang maiyak dahil sa awa sa kaniyang sarili. 

Hanggang sa isang lalaki ang biglang tumabi sa kaniyang kinauupuan. 

“Sumama ka na lang sa akin, miss. Paliligayahin kita,” saad ng lalaki. 

Labis ang takot ni Suzette. Alam niyang sa mga panahon na iyon ay malalagay sa alanganin ang kaniyang buhay. Pilit niyang kinalma ang kaniyang sarili. 

“Ayos lang po ako. Humanap na lang po kayo ng ibang kakausapin,” saad ni Suzette sabay tayo at nagmamadaling umalis. 

“Teka, ayoko sa lahat ‘yung tinatalikuran ako! Ikaw na ang ang gagawan ko ng pabor, ikaw pa ang masungit! Halika dito para makita mo ang hinahanap mo!” saad ng lalaki. 

Hinablot ng lalaking ito si Suzette at akmang may gagawing masama. Sigaw nang sigaw si Suzette dahil sa takot. Akala niya ay huli na ang lahat nang biglang dumating ang kaniyang mga magulang kasama ang mga pulis. 

Agad na nahuli ang masamang lalaki at ikinulong. Samantala, patuloy naman sa pag-iyak itong si Suzette. Walang mapaglagyan ang kaniyang saya nang makita niya ang kaniyang mga magulang. 

“Daddy at mommy! Akala ko po ay kung anong masama na ang mangyayari sa akin! Salamat po at dumating kayo! Patawarin n’yo po ako sa lahat ng mga nagawa ko. Ngayon po ay nauunawaan ko na po kayo! Hinding hindi na po magiging matigas ang ulo at hindi na po ako susuway sa lahat ng payo ninyo. Patawarin ninyo na po ako, gusto ko na pong umuwi sa atin,” patuloy sa pag-iyak ang dalaga. 

Niyakap nang mahigpit ng mag-asawa ang kanilang anak. 

“Hinding hindi namin hahayaan na may mangyaring masama sa iyo, anak. Ang nais lang namin namin ng mommy mo ay maging maayos ang buhay mo. Pasensya ka na kung akala mo ay pinaghihigpitan ka namin masyado. Pero itong mga katulad ng pangyayaring ito ang iniiwasan naming mangyari sa iyo. Mahal ka namin masyado, anak,” wika ni Julio sa dalaga. 

Simula nang gabing iyon ay malaki na ang pinagbago ni Suzette. Palagi na itong sumusunod sa mga bilin at payo ng kaniyang mga magulang. Nilayuan na rin niya ang kaniyang mga kaibigan. Tinalikuran na rin niya ang pag-inom ng alak, pagbabarkada, at pagpunta sa mga bar. Itinuon na lamang niya ang kaniyang sarili sa pag-aaral upang siya ay makapagtapos at makatulong sa kaniyang mga magulang.

Labis naman ang saya ng mag-asawa dahil sa wakas ay ginagawa na ni Suzette ang lahat upang mapaayos ang buhay niya.

More Stories