Inday TrendingInday Trending
Pinagsasabihan ng Marami ang Ginoong Pala-Sunod sa Matandang Kapitbahay; Ikagugulat Nila ang Maiiwan ng Matanda

Pinagsasabihan ng Marami ang Ginoong Pala-Sunod sa Matandang Kapitbahay; Ikagugulat Nila ang Maiiwan ng Matanda

“Pablo! Pablo! Bilisan mo nga riyan at may sasabihin ako sa’yo!” sigaw ng matandang si Mang Narsing sa kaniyang kapitbahay.

Dali-dali namang lumabas ng kanilang bahay itong si Pablo.

“Bakit po Mang Narsing? Ano pong nangyari?” pagtataka ni Pablo.

“May mga batang nag-iwan ng kalat sa tapat ng bahay ko. Walisin mo nga at nakakaalibadbad sa mata! Pagkatapos ay pausukan mo na rin ang puno ng mangga!” utos pa ng matanda.

“O sige po, Mang Narsing. Tatapusin ko lang po ang mga gawain ko dito sa bahay at gagawin ko po ang mga pinapagawa n’yo,” tugon pa ng ginoo.

Pagpasok sa bahay ni Pablo ay sinalubong agad siya ng buntis na asawa.

“Bakit ba nagpapaalipin ka riyan sa matandang ‘yan? Ni wala nga siyang binibigay na kahit ano sa iyo. Kung utusan ka ay parang pinapasweldo ka niya!” naiinis na sambit ni Jasmin.

“Hayaan mo na, Jasmin, dahil kawawa naman si Mang Narsing. Napakatagal na natin siyang kapitbahay at wala man lamang ni isang kamag-anak ang dumadalaw sa kaniya. Saka magaan lang naman ang mga ipinapakiusap niya sa akin,” tugon naman ni Pablo.

“Anong pinapakiusap? Kung utusan ka niya ay parang amo mo siya! Parang ikaw ang may kasalanan sa lahat ng hindi magagandang nangyayari sa kaniya at diyan sa maliit niyang bahay! Ang tanda-tanda na ay nang-iistorbo pa ng iba! Kaya siguro hindi siya dinadalaw ng mga kamag-anak niya ay dahil masama kasi ang ugali niya!” dagdag pa ng misis.

“Huwag ka nang magalit, Jasmin, at baka makasama sa anak natin ‘yan. Hayaan mo at ako na ang bahala kay Mang Narsing. Babanggitin ko rin sa kaniya na minsan ay hindi ko na magagawa ang mga pinapagawa niya dahil abala rin ako,” sambit pa ng ginoo.

Makailangang ulit na bumalik si Mang Narsing para ipaalala kay Pablo ang mga basura sa tapat ng kaniyang bahay at ang pagpapausok ng mangga. Dahil sa pangamba ni Pablo na marinig ni Jasmin ang mga sinasabi ng matanda at mag-ugat pa ito sa away ay itinigil na lang ni Pablo sandali ang kaniyang ginagawa at pinagbigyan si Mang Narsing.

“Kung hindi pa kita kulitin ay hindi mo pa gagawin. Mamaya ay ikakalat na naman ng mga bata ang basura na ‘yan. Tapos makakalimutan na pausukan ang puno ng mangga! Paano mamumunga ‘yan?!” galit na sambit ni Mang Narsing.

Hindi na lang pinapansin ni Pablo ang mga sinasabing ito ng matanda.

Nang makita ilang kapitbahay si Pablo na pinagsisilbihan na naman si Mang Narsing ay hindi nila maiwasan na kausapin si Pablo.

“Buti hindi umiinit ang ulo mo sa matandang ‘yan? Kahit bayaran niya ako para sa mga utos niya ay hindi ko gagawin. Daig pa niya ang hari kung mag-utos! Hindi nakakapagtaka na nag-iisa siya,” sambit ng kapitbahay na si Luning.

“Inuunawa ko na lang si Mang Narsing. Lahat naman tayo ay tatanda. Sana lang sa pagtanda ko ay may isang taong makaunawa rin sa akin,” tugon pa ni Pablo.

“Ang tiyaga mo talaga diyan kay Mang Narsing. Noong isang araw ay nakita kong kasagutan niya si Aling Pining. Aba’y hindi rin umubra ang sungit ng ginang na iyon diyan kay Mang Narsing. Siguro kapag nawala na siya ay malaking ginhawa dito sa lugar natin. Bukod kasi sa masama ang ugali ng matandang iyan ay hindi mo man lang makanti! Tingnan mo nga, kapitbahay ka lang ay binigyan ka pa ng responsibilidad,” saad pa ng isang kapitbahay.

Ngunit hindi na inintindi pa ni Pablo ang mga sinasabi ng kaniyang mga kapitbahay. Hinahabaan na lang niya ang kaniyang pasensya sa tuwing nilalapitan siya ni Mang Narsing.

Isang araw, napansin ni Pablo na parang hindi pa lumalabas si Mang Narsing sa bahay nito. Pupuntahan na sana ng ginoo ang matanda ngunit pinigilan siya ng kaniyang misis.

“Saan ka na naman pupunta? Kita mo na at hindi ka na nga inutusan ngayon, ikaw pa ang pupunta! Parang hinahanap na rin ng katawan mo ang pang-uutos ng matandang ‘yun, no?” pananarkastiko ni Jasmin.

“Gusto ko lang naman makasigurado na ayos ang kalagayan niya. Hindi lang ako mapalagay,” tugon ng mister.

Kaya kahit tutol ang asawa ay nagpunta pa rin si Pablo sa bahay ng matanda.

“Mang Narsing! Mang Narsing!” tawag ni Pablo sa matandang kapitbahay.

Kahit ilang tawag ni Pablo ay walang sumasagot kaya pinasok na nito ang bahay ng matanda. Doon ay nakita niya si Mang Narsing na nakahiga lamang sa kama nito.

“Mang Narsing, ayos lang po ba kayo? May sakit po ba kayo? Gusto n’yo po ba ay bilhan ko kayo ng gamot?” pag-aalala ni Pablo.

“Hindi na, Pablo, nakainom na ako ng gamot. May ipapakiusap sana ako sa iyo. Huli na ito, Pablo. Sana kung ako ay mawawala ay bigyan mo ako ng magandang libing. Iyo na ang bahay na ito at lahat ng gamit ko. Ang gusto ko lang ay mailibing ako katabi ng aking kapatid sa sementeryo. Maipapangako mo ba ito sa akin?” sambit ng matanda.

“Ano po ba ang sinasabi n’yo, Mang Narsing? Sandali at tatawag po ako ng saklolo para madala kayo sa ospital,” saad naman ni Pablo.

“Huwag na, Pablo. Baka hindi na rin naman ako magtagal. Puntahan mo ang kaibigan kong abogado at may sasabihin siya sa iyo,” wika pa ng matanda.

Dali-daling tumakbo palabas ng bahay si Pablo upang humingi ng tulong sa mga kapitbahay ngunit ni isa ay walang nais na tumulong. Umuwi sandali si Pablo at mabilis na kinuha ang naipong pera para dalhin si Mang Narsing sa ospital.

“Saan ka na naman pupunta at bakit dala mo ang pera? Huwag mong sabihin sa akin na gagamitin mo ang pera ng panganganak ko para sa matandang ‘yan! Tumigil ka, Pablo! Hihiwalayan na talaga kita!” sigaw ni Jasmin.

“Patawarin mo na ako, Jasmin. Mamaya na lang tayo mag-usap! Kailangan ko na talagang dalhin si Mang Narsing sa ospital. Baka hindi na siya umabot pa,” nagmamadaling sambit ni Pablo.

Agad na isinakay ni Pablo ang matanda sa ospital. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi na ito umabot pa.

Hindi maiwasan ni Pablo ang malungkot dahil sa sinapit ng matanda habang ang ilang kapitbahay naman ay tila nabunutan ng tinik sa pagkawala ni Mang Narsing.

“Hiniling niya sa akin na bigyan ko siya ng magandang burol at ilibing sa tabi ng kaniyang kapatid sa sementeryo, Jasmin. Kailangan kong tuparin ang pangakong iyon,” sambit ni Pablo.“At ano ang gagamitin mong pera para sa burol? Ang pera ng panganganak ko? Nahihibang ka na talaga, Pablo! Wala kang responsibilidad d’yan kay Mang Narsing. Pabayaan mong pamilya niya ang mag-asikaso!” bulyaw ng ginang.

“Matagal ka pa naman manganganak, Jasmin, may panahon pa akong mag-ipon ulit. Kawawa naman si Mang Narsing dahil wala siyang ibang kaanak. Nakapangako ako, mahal,” dagdag pa ni Pablo.

Wala nang nagawa pa si Jasmin kung hindi pumayag sa gusto ng kaniyang asawa. Tutal huli naman na ito. Hindi na nila kailanman pag-aawayan pa si Mang Narsing dahil sumakabilang buhay na ito.

Tatlong araw lamang ang burol ni Mang Narsing at agad din itong inilibing. Sinunod ni Pablo ang lahat ng pakiusap sa kaniya ng matanda bago ito pumanaw.

Sa araw ng libing ay may isang matanda ang lumapit kay Pablo.

“Kaibigan ako ni Narsing at nais niyang ibigay ko ito sa iyo. Iniiwan niya sa iyo ang lahat ng kaniyang bahay at gamit. Iyo na ang lahat pati ang lupa niya. Walang kamag-anak si Narsing at ikaw ang pinakamalapit sa kaniya kaya sa iyo niya napiling ihabilin ang lahat,” sambit ng matandang lalaki.

Hindi makapaniwala si Pablo nang makita niya ang titulo ng lupa na nakapangalan na sa kaniya. May isang kapirasong papel pa ang iniabot ng matandang lalaki kay Pablo. May nakahugit itong higaan.

“Sundin mo raw iyan at doon mo makikita ang tunay na regalo sa iyo ni Narsing,” dagdag pa ng matanda.

Nang gabi ring iyon ay tiningnan ni Pablo ang higaan ng matanda. Sa ilalim nito ay nakakita siya ng isang kahoy na tila takip ng isang butas.

Nang buksan ito ni Pablo ay tumambad sa kaniya ang limpak limpak na pera at ilang alahas. Sa kaniyang tantiya ay aabot ito sa isang milyon. Ito pala ang lahat ng ipon ni Mang Narsing.

Tila isang panaginip ang lahat para kay Pablo. Maging si Jasmin ay hindi makapaniwala na iiwan ni Mang Narsing ang lahat ng kaniyang ari-arian sa kaniyang mabuting asawa.

Mabilis kumalat ang balitang ito sa kanilang barangay. Lahat ay naiinggit sa biglaang pagyaman ni Pablo.

“Malaki ang pasasalamat ko kay Mang Narsing gayong ang tanging nagawa ko lamang sa kaniya ay maliliit na bagay na kaniyang inuutos,” sambit ni Pablo sa kaibigan ni Mang Narsing.

“Hindi ka lamang kasi naging mabuting kapitbahay kay Narsing kung hindi ipinaramdam mo sa kaniya kung paano magkaroon ng isang pamilya,” saad ng matanda.

Ginamit ni Pablo ang nakuhang pera sa panganganak ng kaniyang misis. Ang natira ay nilagay ng mag-asawa sa bangko at ang iba naman ay ginamit nila upang magtayo ng isang negosyo.

Habang buhay na magpapasalamat si Pablo kay Mang Narsing sa malaking pagbabago ng buhay ng kaniyang mag-anak. Lahat ng ito ay dahil lamang sa naging mabuti siya sa matandang kapitbahay.

Advertisement