Bilang Pag-Alala sa Kabutihan Noon ng Kaniyang Tiyuhin ay Binigyan Niya Ito ng Pera; Maituturing ba Iyong Bayad Utang?

Bilang Pag-Alala sa Kabutihan Noon ng Kaniyang Tiyuhin ay Binigyan Niya Ito ng Pera; Maituturing ba Iyong Bayad Utang?

InspiringStoriesSuccess

“Tiyo Arnold, pinapatawag ka po ni Ate Neri sa bahay,” tawag ni Nikko sa tiyuhin, utos ng kaniyang panganay na kapatid.

“Nariyan na ang ate mo?” masayang bulalas ni Arnold.

“Opo, pinapatawag ka po niya,” nakangiting ulit ni Nikko.

Nagmamadaling nagpalit ng damit si Arnold at mabilis na kinuha ang sombrero, panangga sa init ay agad na siyang sumama kay Nikko upang makita ang pamangkin na ilang taon ding nagtrabaho sa ibang bansa.

“Tiyo!” masayang tawag ni Neri sa tiyuhing matagal na niyang hindi nakikita. “Kumusta ka na, Tiyo Arnold? Matagal-tagal na rin mula noong huli kitang nakita,” aniya saka niyakap ang tiyuhin na malapit sa kaniyang puso.

“Naku! Noong umalis ka rito’y neneng-nene ka pa, Neri. Ngayon ay dalagang-dalaga ka na,” masaya ring tugon ni Arnold.

Sa lahat ng tiyuhin niya’y si Tiyo Arnold ang pinakamalapit sa kaniya, bukod kasi sa kalapit lamang nila ito ng bahay ay mabait rin sa kanila ang tiyuhin, hindi kagaya sa iba pa nilang kadugo.

Noong nag-aaral siya bilang working student sa Maynila at noong mga panahon na iyon ay nagtatrabaho ang tiyuhin niya bilang gwardiya sa isang bangko. Sa isang linggo ay tatlong beses niya itong binibisita sa trabaho. Hindi upang manghingi ng pera, kung ‘di para makita lang ito, lalo na kapag namimiss na niya ang pamilya niya sa Masbate.

Pero ni minsan, hindi siya pinaalis ni Tiyo Arnold na walang baong pera, kahit na maliit lamang na halaga.

“Naku! Tiyo, huwag na po. May pera pa naman ako rito,” aniya. Tanggi niya sa ibinibigay nitong kwarenta pesos.

“Tanggapin mo na iyan, Neri, iyan na lang ang ipamasahe mo pabalik sa bahay ng amo mo.”

“Pero wala na kayong pera, tiyo,” aniya.

Alam niyang matagal pa ang sahod nito at sa mga ganitong araw ay sakto-sakto na lamang ang natitira nitong pera pangkain at pang-budget para sa susunod pa nitong sahod.

“Huwag mo na akong alalahanin, Neri. May mahihiraman ako rito, kaya tanggapin mo na iyan. Pasensya ka na kung kwarenta lang ang kayang ibigay ni tiyo, hayaan mo kapag yumaman ako, lalakihan ko na ang ibibigay ko sa’yo,” anito saka matamis na ngumiti.

Gano’n palagi ang linya ni Tiyo Arnold kapag nagbibigay ito noon sa kaniya ng pera. Alam niyang imposible ang sinasabi ng tiyuhin kaya tinatawanan na lamang niya ito. Ngunit ang palaging nasa kaniyang isipan noon ay kapag siya ang makaangat-angat sa buhay ay babawi siya sa tiyuhin. Iyon ang ipinangako niya sa sarili.

“Para saan ito, Neri?” takang tanong ni Arnold sa pamangkin matapos nitong iabot sa kaniya ang kwarenta mil.

“Para sa inyo po iyan, tiyo,” ani Neri. “Iyan ang balik bigay ko sa’yo noon sa tuwing dinadalaw kita sa trabaho mo at kahit hindi naman ako nanghihingi ng pera sa’yo’y palagi mo akong binibigyan ng kwarenta pesos, maliban kung sahod mo na tatlong daan ang ibinibigay mo sa’kin,” dugtong ni Neri.

“Naku! Wala naman iyon, Neri. Syempre pamangkin kita, kaya binibigay ko iyon. Saka alam ko na sa tuwing pumupunta ka noon sa trabaho ko’y namamasahe ka pa kaya ibinabalik ko lang ang pamasahe mo, kasama ang kaunting pangmeryenda,” paliwanag ni Arnold at pilit na ibinabalik ang perang ibinigay ni Neri.

“Para po talaga iyan sa’yo, tiyo,” ani Neri na ayaw nang tanggapin muli ang perang ibinigay. “Noong mga panahon na iyon ay alam kong nahihirapan ka rin, kasi kapapanganak lang ni tiya, at alam ko na iyong perang binibigay mo sa’kin ay sakto lang iyon para sa pangkain mo sa araw na iyon, pero binibigay mo pa rin ‘yon sa’kin at mas inuuna ang kapakanan ko, kaysa sa sarili mo. Kaya naisip ko talaga, tiyo, na darating ang araw na makakabawi rin ako sa inyo at heto na ang araw na iyon,” dugtong ni Neri saka inakbayan ang tiyuhin nagsisimula nang umiyak.

“Huwag na po kayong umiyak,” ani Neri, saka pinunasan ang luha ng tiyuhin. “Sabi niyo noon, kapag yumaman kayo, mas malaki na ang ibibigay niyo at hindi lang kwarenta pesos. Ngayong ako naman ang nakakaangat at nakakabawi na sa buhay, syempre ako na ang tutupad sa sinabi niyo noon, tiyo. Kaya sa’yo na iyang kwarenta mil, kulang pa po iyan. Hayaan niyo kapag mas yumaman pa ako’y gagawin kong milyon ang mil,” aniya saka mahinang tumawa upang pagaanin ang loob ng tiyuhin.

Tumawa naman ito saka niyakap siya nang mahigpit.

“Salamat, Neri, anak,” tumatangis na wika nito. “Kailanman ay hindi ko inisip na balang araw susuklian mo ako sa ginawa ko noon. Ginawa ko iyon, dahil anak kayo ng kapatid ko, kaya parang mga anak ko na rin kayo. Ginawa ko ‘yon bilang mga magulang ninyo. Pero salamat anak, nagpapasalamat ako dahil kailanman ay hindi ka nakalimot. Ikaw pa rin ang batang Neri na mapagmahal sa pamilya, kaya palagi mo akong pinupuntahan dahil namimiss mo na sila ate at kuya, salamat anak. Sana ‘di ka magbago,” dugtong nito saka muling niyakap ang pamangkin.

“Salamat din, tiyo,” ani Neri.

Hindi naman tiningnan ni Neri na isang utang na loob na kailangan niyang bayaran ang ginawa noon sa kaniya ng kaniyang tiyuhin na si Arnold. Sadyang ipinangako lang niya sa sarili na babawi siya sa tiyuhin kapag siya naman ang nakakaluwag-luwag sa buhay.

More Stories