
Tahimik na Minamasdan ng Dalaga ang Matandang Kumakain sa Labas ng Kaniyang Tindahan; Isang Utang ang Mababayaran sa Araw na Iyon
Isang buwan na rin mula nang huling pumunta si Elise sa restawrant na kaniyang pag-aari. Isang buwan din kasi siyang nanatili sa ibang bansa upang makipagnegosasyon doon sa planong pagpapatayo ng ibang branch upang mas palawakin ang kaniyang negosyo.
Nang mapansin niya ang isang mamáng pamilyar sa kaniya, kahit na ilang taon na ang nakalilipas.
“Good morning, ma’am,” magalang na bati sa kaniya ng kaniyang trabahante, dahilan upang mawala ang atensyon niya sa mamáng nagwawalis sa labas.
“Good morning, Sam,” bating pabalik ni Elise. “Kumusta kayo rito noong wala ako?”
“Ayos lang naman po, ma’am,” anito saka inalalayan siya papasok sa loob.
Muli niyang nilingon ang matandang lalaki na pamilyar sa kaniya at sinubukang usisain si Sam tungkol rito.
“Ah, ang alam ko, ma’am, siya si Mang Manuel, saisyente’y otso anyos na po siya at halos limang taon na siyang street sweeper. Halos magdadalawang linggo pa lang po ang nakakalipas mula noong nalipat siya rito banda, kaya po ngayon niyo lang siya nakita,” sagot ni Sam, kahit na medyo nagtataka sa inasal ng amo.
Ito ang unang beses na nagkaroon ng interes ang among magtanong tungkol sa isang street sweeper lamang.
“Ah, hanggang ngayon pa pala’y nagtatrabaho pa rin si Mang Manuel,” mahinang sambit ni Elise.
Nagtataka namang napatanga si Sam sa amo. Hindi maintindihan ang sinasabi ni Elise. Magkakilala ba ito at si Mang Manuel?
Kinatanghalian ay tahimik na kumakain si Elise sa loob ng kaniyang opisina, nang makita si Mang Manuel na umupo sa gilid at nilabas ang baonan at nagsimulang kumain. Sa kaniyang pagiging usisera ay sinilip niya kung ano ang ulam nito at nang kaniyang makita’y nais niya itong labasin at bigyan ng masarap na ulam.
Isang pirasong tuyo at itlog ang ulam ni Mang Manuel at maraming kanin, na sa kaniyang palagay ay hindi magkakasya ang ulam nito sa dami ng kanin. Ngunit ano nga ba ang magagawa niya? Hinayaan na lamang niya itong kumain nang tahimik at nagpatuloy na rin siyang kumain.
Nang makita kung paanong nasagi ng isang lalaking nagmamadali ang pagkaing hawak ni Mang Manuel. Hindi man lang bumalik ang lalaki upang palitan ang nahulog nitong pagkain ng matanda. Basta dumiretso na lamang ito sa paglalakad at walang pakialam kung may nagawa itong kasalanan sa kapwa.
Tumayo si Elise at agad na pumasok sa kusina at nag-utos na lutuan siya ng pinakamasarap nilang pagkain. Agad namang tumalima ang taga-luto. Nilabas ni Elise si Mang Manuel na abala sa pagpulot sa natapong pagkain. Halos mangiyak-ngiyak ito sa pagkaing nasayang na mas lalong ikinahabag ni Elise.
“Tatay, ayos lang po iyan,” aniya.
“Naku! Sayang ang pagkaing ito, anak,” mangiyak-ngiyak na wika nito. “Hindi ko pa nakakalahati ito, tapos napunta lamang sa lupa.”
Nakaramdam nang inis si Elise sa lalaking bumangga kay Mang Manuel. Hindi man lang ito bumalik upang huminga ng pasensya sa nangyari. Parang walang nangyari na dumire-deretso ito sa paglalakad.
“Ayos lang po iyan, tatay, papalitan ko na lang po iyan nang masarap na pagkain,” aniya. Saka tinulungan si Mang Manuel na iligpit ang natapong pagkain.
“Kaso’y wala akong pera dito, anak,” anito.
“Ako na po ang bahalang magbayad sa kakainin niyo, tay,” nakangiting sambit ni Elise. “Gaya nang ginagawa niyo noon sa’kin at sa iba pang mga bata na walang perang pambiling pagkain,” aniya saka matamis na ngumiti.
Salubong ang kilay na tinitigan siya nito.
“Hindi niyo na siguro ako natatandaan, Tatay Manuel, pero isa po ako sa mga batang nag-aaral noon sa paaralan kung saan gwardiya kayo. Isa ako sa mga batang binibigyan niyo ng limang piso, makabili lang lang pie sa canteen at ice water upang may makain,” aniya saka bahagyang tumawa. “Ang sabi niyo pa nga sa’kin noon, ayos na ang pie at ice water, ang mahalaga ay nalalamnan ang tiyan upang maayos na gumana ang utak. Mahirap mag-aral nang gutom.”
Bahagyang tumawa si Mang Manuel, na kahit may edad na’t kulubot na ang balat ay hindi pa rin nawawala ang taglay na kagwapuhan nito noong kabataan.
“Hindi na nga kita naalala, anak, marami kasi akong mga batang binibigyan noon ng pera upang makakain. Ayoko kasing makakita ng batang gutom. Kasi alam ko na kapag gutom ang sikmura, gutom rin ang utak. Kaya kapag may nanghihingi sa’kin noon ay hindi ako nagdadalawang-isip na bigyan. Pagkain naman ang hinihingi nila at hindi isang bagay na makakasama sa kanila,” anito.
“Hindi niyo man ako natatandaan, Tatay Manuel, pero ako po, hindi ko kayo kailanman nakalimutan. Iyon po ang mahalaga. Kaya bilang pagtanaw ng utang na loob ay ako naman ang babawi sa inyo ngayon,” aniya saka inalalayan ang matandang lalaki papasok sa loob ng kaniyang restawrant.
Labis man na nagtataka ang kaniyang mga trabahante sa ginawa ni Elise sa matandang street sweeper ay hindi nagbigay nang komento ang mga ito. Basta ang alam nila’y isa sa mahalagang tao sa buhay ng amo nila si Mang Manuel.
Kapag mabuti ka sa kapwa mo, darating ang araw na may magbabalik sa’yo ng kabutihang ginawa mo.