Nanghihina na ang Binata sa Labis na Gutom; Tulungan Niya pa Kaya ang Matanda Gayong Wala na rin Siyang Sapat na Lakas?

Nanghihina na ang Binata sa Labis na Gutom; Tulungan Niya pa Kaya ang Matanda Gayong Wala na rin Siyang Sapat na Lakas?

InspiringStoriesSuccess

Hawak ang kumakalam na sikmura ay dahan-dahang naglakad si Vince. Kaninang alas syete ng umaga pa ang huli niyang kain. Ngayon ay alas kwatro na ng tanghali at wala pa siyang kain. Kinapa niya ang kaniyang bulsa at nadismaya sa nakita. Nuwebe pesos na lang ang laman niyon, saktong pamasahe na lang niya pauwi.

Ilang interbyu na ang ginawa niya, ngunit ang palagi niyang natatanggap na sagot ay tatawagan na lang siya matapos ang isang linggo. Malalim siyang bumuntong hininga saka nagpatuloy sa paglalakad. Ang hirap talaga kapag walang sapat na pinag-aralan. Ang hirap pumasok sa trabaho.

Uuwi na lamang siya at doon kakain sa bahay. Patungo na siya sa sakayan ng jeep nang makita niya kung paanong kumalat sa lupa ang prutas na dala ng isang ale. Nabutas ang supot niyon, dahilan upang kumalat ang mga laman niyon sa lupa. Maraming dala ang ale, maliban doon sa prutas na kumalat sa lupa, kaya hirap na hirap itong pulutin isa-isa ang mga iyon at nasa gitna pa ito ng daan, walang ibang taong tumutulong.

Lalampasan na sana niya ito nang bigla siyang usigin ng konsensya. Paano niya tutulunhan ang ale, gayong nagugutom na siya’t nanghihina at wala nang sapat na lakas? Ngunit alam niyang mas mapapabilis ang pagpupulot kung tutulungan niya ang matanda. Sa kawalang magawa ay sinunod niya ang inuutos ng kaniyang konsensya na tulungan ito.

“Tulungan na po kita, manang,” aniya.

“Naku! Salamat hijo,” anang matandang babae.

Tinulungan niya ang ale na ilagay sa gilid ng daan ang mga natapong prutas. Nang masigurong wala nang natira sa gitna ng daan ay naghanap siya ng panibagong lagayan ng mga prutas at tinulungan na rin niya ang ale at hinatid ito sa mismong sakayan. Habang tinutulungan ito’y panay naman ang tanong nito sa kaniya nang mga bagay kung naroon ba siya sa lugar upang mag-apply ng trabaho.

“O-opo, paano niyo po nalaman?” takang tanong niya habang bitbit ang supot na nilagyan ng mga tumilapon na prutas.

“Nakaputi ka kasi at may dalang folder. Kaya nahulaan ko na naghahanap ka ng trabaho,” sagot nito.

Nang makarating sa sakayan ay agad siyang pinasalamatan ng ale. Akmang  magpapaalam na siya nang tinawag siya nito at inabutan ng pera at ilang pirasong prutas.

“Naku! Huwag na po, manang,” aniya.

“Kunin mo na iyan, hijo. Mahirap maghanap ng trabaho, lalo na sa panahon ngayon,” pilit nito.

“P-pero sobrang laki naman nitong perang ibinigay ninyo,” aniya saka tahimik na tinignan ang perang inabot nito. Dalawang libo?

“Maliit na halaga lamang iyan kumpara sa tulong na ibinigay mo sa’kin sa araw na ito,” nakangiting tugon ng ale. “Noong kabataan ko, naranasan ko rin ang naranasan mo. Ang hirap maghanap ng trabaho. Uhaw at gutom ang aabutin mo bukod sa pagod, tapos ang sasabihin lang sa’yo ng pag-aapply-an mo’y tatawagan ka na lang namin pagkatapos ng isang linggo. Okay naman sana kung tatawag, e, ang problema’y wala ka namang matatanggap na tawag,” mapait na ngumiti ang ale. “Kaya tanggapin mo na iyan at kainin ang prutas na ibinigay ko. Hindi mo man sabihin ay alam kong kumakalam na iyang sikmura mo,” dugtong nito sabay turo sa tiyan niya.

Hindi mawari ni Vince kung bakit nagiging emosyonal siya sa mga oras na iyon. Siguro’y dala nang gutom kaya parang gusto niyang maiyak sa pinaghalong emosyon.

“Maraming salamat po talaga, manang,” mangiyak-ngiyak niyang sambit.

“Walang anuman iyon, hijo. Basta huwag ka lang sumuko sa buhay, iyang lahat ng paghihirap mo’y masusuklian balang araw,” anito saka nagpaalam at tuluyang pumanhik sa loob ng bus.

Hindi man inaasahan ni Vince na bibigyan siya ng pera at prutas ng ale ay nagpapasalamat na rin siya dahil sa wakas makakakain na siya at malalamnan na ang kanina pang nagrereklamo niyang sikmura.

Muli siyang naglakad pabalik sa pinanggalingan niya at bago nagdesisyon na umuwi ay dumaan na muna siya sa pinakamalapit na karinderya at kumain. May natira pa sa ibinigay ng ale na pera, kaya naisip niyang ang sobra ng ibinigay nito ang babaunin niya hanggang sa makahanap siya ng trabaho.

Kapag mabuti ka talagang tao, makakatagpo ka rin ng taong kagaya mo. At malaking pasasalamat ni Vince, sapagkat ang nakatagpo niya sa araw na iyon ay tila isang anghel na bumaba sa langit na siyang nakarinig ng hinaing niya sa buhay. Tama ito, mahirap man ang buhay ay hindi niya iyon dapat sukuan. Darating ang araw na ang lahat ng hirap niya’y masusuklian.

More Stories