Nagalit Siya sa Kaniyang Ina Dahil sa Pagtutol Nito sa Karelasyon Niya; Nang Sumambulat ang Katotohanan ay Nagsisi Siya

Nagalit Siya sa Kaniyang Ina Dahil sa Pagtutol Nito sa Karelasyon Niya; Nang Sumambulat ang Katotohanan ay Nagsisi Siya

FamilyHeartbreakingStories

Hindi pa man nababasa ni Jayson ang sulat na nagmula sa kaniyang ina ay diretso niya nang itinapon iyon sa basurahan. 

Galit siya sa kaniyang ina. Pakiramdam niya kasi ay ito ang may kasalanan sa pagkamat*y ng kaniyang nobya, limang taon na ang nakalilipas. 

Tutol na tutol ito sa relasyon nila ng kaniyang nobya na si Dianne. Ayon sa kaniyang ina, ginagamit lamang siya ni Dianne dahil sa pera niya. 

Naalala niya pa noon kung paano ito gumawa ng kwento noon upang mapaniwala siya na hindi naging matapat si Dianne sa kaniya.

“May ibang lalaki ang nobya mo, anak. Matatanggap ko kahit ano pa siya, hijo. Pero kung ganito na niloloko ka niya, hindi ako mananahimik lang. May anak siya, at mayroon siyang kinakasama, anak. Hindi ako papayag na madehado ang aking unico hijo,” sabi nito.  

“Hindi totoo ang sinasabi mo, Mama. Hindi nagsisinungaling sa akin si Dianne. Oo, mahirap lang siya, pero hindi siya sinungaling. Kilala ko ang babaeng minahal ko.”

Nang hingan niya ito ng ebidensya noon ay wala naman itong naibigay, kaya malaki ang paniniwala niya na gawa-gawa lamang iyon ng kaniyang ina para mapaghiwalay sila ni Dianne. 

Palibhasa dancer sa isang club ang kaniyang nobya, kaya marahil hindi ito kayang pagkatiwalaan ng kaniyang ina. 

Kaya naman patago kung magkita sila noon ni Dianne. Lihim ang relasyon nila, subalit masaya siya lalo pa’t mahal na mahal niya ang dalaga. 

Hanggang sa isang trahedya ang sumira sa kanilang pagmamahalan. Naaksidente si Dianne, na agad nitong ikinasawi. Ni hindi niya man lang nakita sa huling pagkakataon ang kaniyang minamahal dahil sinisi siya ng mga magulang ng dalaga. 

Nang araw na mawala ang nobya niya ay ang huling araw na nakita siya ng kaniyang ina. Sinisi niya ito dahil kung hindi ito humadlang sa kanila noon, baka hindi nila kinailangang magtago at baka naging mas masaya sila noon. 

Nagpakalayo-layo siya at nagtago sa lahat. Nanirahan siya sa isang liblib na probinsya. Isang taon pa lamang ang nakalilipas simula nang matunton siya ng kaniyang ina at padalhan siya ng mga sulat, na ni minsan ay hindi niya binasa. 

“Jayson, hijo. Hindi mo man lang ba babasahin ang mga sulat ng Mama mo? Para may balita ka naman kung kumusta na ba siya,” narinig niya wika ni Aling Maring. Nakatingin ito sa basurahan kung saan niya itinapon ang mga liham ng kaniyang ina. 

Umiling siya. 

“Matagal na panahon na simula noong dumating ka sa apartment ko, hijo. Pero ni minsan ay hindi pa kita nakitang ngumiti nang totoo. Hindi ko alam ang istorya mo, pero sa tingin ko ay panahon na para harapin mo ang tinatakbuhan mong nakaraan. Kasi doon ka lang sasaya nang tunay,” payo ng matanda. 

Magalang na nagpaalam na lang siya matanda. Limang taon na ang nakalipas simula noong mawala si Dianne ngunit sariwa pa rin ang sugat na nilikha noon sa puso niya. Hindi pa siya handang lumimot.

Kinabukasan, isang malungkot na balita ang sumalubong sa kaniya. Pumanaw na raw si Aling Maring. Inatake ito sa puso. 

Kitang-kita niya kung paano nagluksa ang mga anak nito—ang mga anak nito na kung dumalaw ay minsan lamang sa isang taon. Walang nag-akala na mawawala nang ganoon kabilis ang kanilang ina.

“Sorry, ‘Nay! Sorry kung napabayaan ka namin!” umiiyak na palahaw ng bunsong anak ng matanda habang nakatunghay sa kabaong ng pinakamamahal nitong ina. 

Sa nasaksihan ay hindi maiwasang lumambot ang puso ni Jayson. Sa wakas ay naamin niya na sa sarili niya na wala naman talagang kasalanan ang kaniyang ina sa pagkawala ni Dianne. 

Gaya ng payo ng pumanaw na si Aling Maring, napagtanto niya na marahil ay panahon na nga talaga upang siya ay magpatawad, limutin ang nakaraan, at magsimulang muli. 

Makatapos ang libing ni Aling Maring ay agad siyang nag-alsa balutan upang bumalik sa Maynila. 

Ang una niyang ginawa ay ang pumunta sa bahay ni Dianne. Nais niya kasing malaman kung saan nakalibing ang dating nobya nang mabisita niya ito sa una at huling pagkakataon. 

Subalit tila huminto ang inog ng mundo niya nang imbes na kapamilya ni Dianne ang makadaupang palad niya ay si Dianne mismo ang nagbukas ng pinto! May karga-karga pa itong isang bata.

Gaya niya ay nanlaki rin ang mga mata nito sa labis na gulat. 

“J-j-jayson! Anong ginagawa mo rito?” nabiglang bigkas ng babae. 

“Dianne? Paanong?” nanginginig na bulalas niya. 

At doon na sumambulat ang katotohanan. 

Totoo pala ang sinasabi ng kaniyang ina tungkol kay Dianne. Niloko nga lang siya ng dalaga! Totoo nga na may anak at kinakasama ang babae habang nobya pa niya ito. 

“Nang sabihin ng Mama mo na lumayo ako sa’yo kapalit ng malaking halaga ay pumayag ako. Kaya naman nagpanggap ako na namat*y sa isang aksidente. Sorry, Jayson! Kailangan ko ng pera noon dahil magsisimula kami ng pamilya ng b-boyfriend ko,” umiiyak na paliwanag ng babae. 

Habang minamasdan ni Jayson ang babae ay kataka-takang wala na siyang makapang pagmamahal dito. Dahil hindi pala totoo ang Dianne na minahal niya. Isa pala itong oportunista!

Panay ang pagtulo ng luha sa mga mata ni Jayson habang lulan siya ng taxi pauwi sa kanilang bahay. Nais niyang humingi ng tawad sa kaniyang ina. Nagalit siya rito samantalang gusto lang naman siya nitong protektahan. 

Nang makauwi siya ay sinalubong siya ng mga gulat na gulat na kasambahay. 

“Ay, nandito na si Sir Jayson!” gulat na sambit ni Nana Esther, ang mayordoma nila. 

“Nasaan na po si Mama?” agad na tanong niya. 

Lumungkot ang mukha ng matanda. 

“Hindi mo pala alam, hijo? Sa huling sulat, ako ang nagpadala noon. Ibinalita ko na… na wala na ang Mama mo.” 

Panandaliang natulala si Jayson bago tila nauupos na kandilang napaluhod. 

“Hindi totoo ‘yan… hindi totoo na wala na si Mama…” garalgal na bulong niya. 

Maging ang mayordoma ay napaiyak sa nadamang awa sa binata.

“Nagkasakit nang malubha ang Mama, mo, hijo. Sinubukan ka naming tawagan, pero binago mo ang numero mo. Nang sulatan ka naman namin, hindi ka sumasagot, kaya hindi ka rin namin magawang puntahan sa takot na ipagtabuyan mo kami,” kwento ni Nana Esther.

Pakiramdam ni Jayson ay pinipilipit ang puso niya sa sobrang sakit. Labis-labis ang pagsisisi niya. Awang-awa siya sa kaniyang ina. 

“Ang sabi ng Mama mo sa huling sulat niya, kapag namat*y siya, hihilingin niya sa Diyos na makahanap ka ng babaeng mamahalin ka nang totoo.”

Nang araw na iyon ay halos maubos ang luha ni Jayson. Balot ng pagsisisi ang kaniyang puso. Habang hinahaplos ang puntod ng kaniyang ina, sa basag na boses ay bumulong siya. 

“Sorry sa mga naging paghihirap mo sa’kin, Mama. Patawarin mo ako. Maraming-maraming salamat sa pagmamahal mo. Hinding-hindi kita lilimutin.” 

Makalipas ang dalawang taon, sa wakas ay natupad din ang hiling ng kaniyang ina. Nakahanap siya ng babaeng wagas at tunay ang pagmamahal sa kaniya. 

Nang sabihin ng pari ang mga katagang “You may now kiss the bride,” ay humangin nang malakas. 

Napangiti si Jayson. Alam niya na kung nasaan man ang kaniyang ina ay masayang-masaya ito at nagdiriwang ito kasama ang mga anghel sa langit.

More Stories