Parating Nag-aaway ang Magkapatid; Ito ang Ginawa ng Kanilang Magulang Upang Matuto Sila ng Isang Mahalagang Leksyon

Umagang-umaga ay ang matitinis na boses ng dalawang magkapatid na nagbabangayan ang nangingibabaw sa buong kabahayan.

“Mikay, ano ba? Bakit ang tagal-tagal mong maligo? Male-late ako, may quiz pa naman kami! Nananadya ka na yata, eh!” nakasimangot na saad ni Aubrey habang naghihintay siya sa tapat ng pinto ng banyo.

“Bakit ako ang sinisisi mo, eh ikaw diyan ang tanghali magising? Nagising na lang ang lahat sa alarm ng cellphone mo, ikaw tulog na tulog pa!” mataray ng bwelta naman ni Mikay.

“Kung ayaw mong nauunahan sa banyo, bumili ka ng sarili mong banyo!” hirit pa nito.

Napapadyak na lamang si Aubrey sa labis na inis. Talagang kailanman ay hindi nagpatalo ang kapatid niya! Napakamaldita nito!

Wala siyang ibang magawa kundi ang hintayin na lumabas mula sa banyo ang maldita niyang kapatid.

Mas lalo pa siyang mairita nang pakanta-kanta pa ito nang lumabas mula sa banyo. Nananadya talaga!

Sa sobrang inis niya ay hinablot niya ang buhok ng kapatid bago niyang ikinandado ang pinto nang hindi ito makaganti.

Advertisement

“Aray!”

“Susumbong kita kay Mama!” banta pa nito.

Humahagikhik na sinimulan niya ang pagligo at hindi na pinansin ang paglilitanya ng kapatid.

Nang dumulog siya sa hapag ay siya na lamang ang hinihintay. Agad niyang nakita na masama ang tingin ni Mikay.

“Ano na naman ang sinasabi ng kapatid mo na sinabunutan mo siya?” agarang sita ng kanilang ina.

“‘Ma, mahina lang ‘yun. OA lang ‘yan si Mikay. Nananadya kasi. Ang tagal-tagal maligo,” katwiran niya.

“Ayoko na nagsasakitan kayong magkapatid. Hindi namin kayo pinalaki nang ganyan. Aubrey, ikaw ang ate, pagsabihan mo nang maayos ang kapatid mo,” seryosong pangaral ng kanilang Papa.

Nakasimangot na napatango siya. Tumaas ang kilay niya nang makita ang nang-iinis na ngiti ng kaniyang kapatid.

Advertisement

“At ikaw naman Mikay, ‘wag mong inisin ang ate mo. Kaya siya nagagalit sa’yo dahil alaskador ka,” dagdag ng kanilang ama.

Siya naman ang napangiti nang mapasimangot si Mikay. Akala siguro nito ay siya lang ang mapapagalitan.

“‘Ma, hindi ba pwede na maghiwalay na kami ng kwarto ni Mikay? Ang hirap-hirap niya kasama sa kwarto. Ang arte-arte,” maya-maya ay hirit ng nakatatanda..

Matigas na umiling ang kanilang ama. “Lalo lang lalayo ang loob niyo sa isa’t-isa. Hindi.”

Magkasabay pang umirap ang magkapatid.

“Naku, hindi na nga kayo magkamukha, hindi pa kayo magkasundo. Kung hindi lang kayo sa akin nanggaling ay hindi ako maniniwala na magkapatid kayo. Lagi na lang kayo nagbabangayan,” naiiling na komento ng kanilang ina.

“Sana iba na lang ang kapatid ko, eh,” masama ang loob na bulong ni Mikay.

Ang hindi niya alam ay narinig pala ng kaniyang Mama at Papa ang sinabi niya. Hindi niya na nakita ang makahulugang tingin ng dalawa.

Advertisement

Sabado at walang pasok. Pawang hindi mapuknat ang tingin ng magkapatid sa kani-kanilang mga cellphone.

“Mikay, please, pakihinaan mo nga ‘yang tugtog mo! May kausap ako, hindi kami magkaintindihan!” maya-maya ay saway niya sa kapatid.

“Bakit kasi hindi na lang lumabas,” narinig niya pang bulong nito bago sinunod ang utos niya.

Napailing na lang siya, ngunit hindi na nagsalita pa dahil hahaba lang ang sagutan nila.

Maya-maya ay nakarinig sila ng sunod-sunod na katok.

“Mga anak, bumaba kayo. May bisita tayo,” wika ng kanilang ina nang sumungaw ito sa bukas na pintuan.

“Sino po, Mama?” takang tanong niya.

“Basta. Bumaba na kayo,” anito bago sila iniwan.

Advertisement

Takang nagkatinginan silang magkapatid bago sumunod sa kanilang ina. Hindi nila alam kung bakit lubhang napaka-seryoso naman ng kanilang ina.

Naratnan nila na nakaupo sa sala ang kanilang mga magulang, kaharap ang isang lalaki at isang babae na hindi nila kilala. Sa tingin nila ang kasing-edaran lang ng kanilang magulang ang dalawang bisita.

“Ito na ba sina Mikay at Aubrey? Kay gaganda mga bata, dalaga na!” nakangiting komento ng babae.

Tumango ang kanilang ina, habang ang Papa nila ay nananatiling seryoso ang mukha.

Katahimikan ang namayani.

“Sino po sila? Kamag-anak natin?” pagbasag ni Mikay sa katahimikan.

Umiling ang kanilang mga magulang.

“Sa palagay namin ay panahon na para malaman niyong magkapatid ang totoo. Siguro ito ang dahilan kaya hindi kayo nagkakasundo,” seryosong saad ng kanilang ina.

Advertisement

“Ano pong totoo, Mama?” kinakabahang tanong niya.

“Sila ang tunay na magulang ni Mikay. Nais na nilang kunin si Mikay at dalhin sa ibang bansa upang doon na manirahan.”

Tila may bombang sumabog sa harap ni Aubrey. Matagal siyang hindi nakapagsalita. Nakatulala lamang siya sa dalawang bisita.

Natauhan lamang siya nang marinig ang mahinang paghikbi ni Mikay sa kaniyang tabi. Namalayan na lang ni Aubrey ang paglandas ng luha mula sa kaniyang mga mata.

Nilingon niya ang kanilang Mama at Papa. Bakas ang lungkot sa mukha ng dalawa. Nakayakap ang kaniyang ama sa ina nilang umiiyak.

Umiiyak na niyakap niya ang kapatid. Hindi man sila magkasundo ay mahal na mahal niya ang nakababatang kapatid!

“Hindi totoo ito…” bulong niya, hinihiling na sana ay isang biro lang ang lahat.

“Bakit kayo umiiyak? Mikay, hindi ba’t hiniling mo na sana ay hindi si Aubrey ang ate mo? At ikaw, Aubrey, ayaw mo ba nun? Masosolo mo na ang kwarto, gaya ng gusto mo,” bulalas ng kanilang ama.

Advertisement

Marahas na umiling ang magkapatid.

“Ayoko pong mawalay kay Ate Aubrey!” 

“Gusto ko dito lang si Mikay!” halos magkapanabay na sigaw nila.

Tila mga batang mas lalong pumalahaw ng iyak ang magkapatid nang magsalita ang lalaking bisita.

“Magpaalam na kayo sa isa’t isa dahil isasama na namin si Mikay,” seryosong pahayag nito. 

“Sorry, Ate Aubrey, kung hindi kita iginagalang bilang ate ko! Hindi ibig sabihin nun hindi kita mahal!” umiiyak na turan ni Mikay.

“Sorry rin, Mikay! Hindi ako naging mabait na ate sa’yo. Sorry kung lagi kitang sinisigawan!” ani Aubrey sa kapatid.

Umiiyak na nagyakap ang magkapatid. Pakiramdam nila ay katapusan na ng mundo.

Advertisement

Subalit maya-maya ay narinig nila ang mahinang paghagikhik ng kanilang Mama. Nang lingunin nila ito ay tumatawa ito, habang nakangisi naman ang kanilang ama.

Ang dalawang bisita rin ay malaki ang pagkakangiti habang nakatingin sa kanila.

Ikinagulat ng magkapatid ang sumunod na sinabi ng kanilang ina.

“Ang drama-drama niyong magkapatid! Kung hindi pa kayo takutin, hindi pa kayo magkakasundo! Hindi totoong ampon lang si Mikay!” litanya ng kanilang ina.

“Ang mga bisita natin ay ang Tita Karen at Tito Carlo niyo, kaibigan namin sila nung college,” paliwanag pa nito. Hindi pa rin matapos ang pagtawa nito, tila aliw na aliw sa nasaksihan.

Mas lalo lamang napaiyak ang magkapatid. Hindi sila makapaniwala sa ginawa ng kanilang mga magulang! Naiinis man ay laking pasasalamat nila dahil isang malaking biro lamang pala ang lahat.

“Dalawa lang kayong magkapatid, at ayaw namin na hindi kayo magkasundo. Itrato niyo ang isa’t isa nang maayos at may respeto. Parati niyong tatandaan na kayong dalawa lang ang tunay na magkakampi, lalo na kapag wala na kami,” pangaral ng kanilang ama.

Tumango ang magkapatid. Noon lang nila tunay na napagtanto kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Madalas man silang mag-away ay hindi nila gugustuhin na lumaking magkahiwalay.

Advertisement

Nang araw na iyon ay pareho silang humingi ng tawad sa isa’t isa at nangako sila na hindi na muling mag-aaway pa. Dahil tama ang kanilang mga magulang. Pamilya sila at dapat silang maging magkakampi sa lahat ng bagay.