
Mga Misteryosong Regalo ang Natatanggap ng Anak Niya Taon-taon; Nadurog ang Puso Niya nang Malaman Kung Kanino Iyon Nagmula
“Ma’am, may dumating pong regalo para kay Lia,” wika ng kasambahay ni Amanda.
Napabuntong-hininga na lang si Amanda bago tumango. Halos inaasahan niya na iyon dahil sa petsa. Hulyo 16.
Binuksan niya ang regalong tinutukoy nito para tingnan kung ano ang laman noon sa pagkakataong iyon.
Hindi na siya nagulat nang tumambad sa kaniya ang isa na namang pares ng sapatos.
Wala nang ibang kasama roon maliban sa isang maliit na papel kung saan nakasulat ang pangalan ng ngayon ay labintatlong gulang niya nang anak na si Lia.
Walang address kung saan nagmula ang regalo, wala ring pangalan kung kanino iyon nanggaling.
“Hindi kaya Ma’am naligaw lang po ‘yan? Namali nang deliver dito sa’tin?” tanong ng kasambahay.
Umiling siya. Bago lang ang kasambahay niya kaya hindi nito alam na hindi iyon ang unang pagkakataon na may dumating na misteryosong regalo para sa anak niya, sa parehong petsa. Wala iyong palya sa loob ng apat na taon. Labis iyong nakapagtataka dahil wala namang okasyon. Hindi naman kaarawan ng anak niya.
Akala rin nila noong una ay nagkamali lang din ng pagpapadala sa kanila, ngunit nang mga sumunod na taon ay paulit-ulit iyong nangyari.
Nang sinubukan niyang i-report ang regalo at ibalik ay nakumpirma niya na para talaga iyon sa kaniyang anak.
Hindi raw alam ng kompanya kung kanino nanggaling basta’t ang naalala lamang ng mga ito ay galing ang regalo mula sa isang may katandaang lalaki. Nang subukan niyang hingin ang personal na impormasyon ang lalaki ay nabigo siya dahil labag iyon sa panuntunan ng kompanya.
Nang araw na iyon ay muli niyang sinubukang alamin kung saan ba talaga nanggagaling ang misteryosong regalo.
“Bakit po, Ma’am? May pinadala ho bang masama o delikado sa inyo? Ipapa-pulis ho natin,” naaalarmang tanong ng empleyado.
Natahimik siya bago umiling. Naalarma siya noong una ngunit nasisigurado naman niyang kahit minsan ay wala itong masamang idinulot sa kaniya at sa kanilang pamilya. Sa totoo lang ay nais niya lang kung sino ito at ano ang intensyon ng misteryosong tao na nagpapadala ng regalo kay Lia.
“Ma’am mukhang walang balak magpakilala sa inyo. Kung wala naman pong ginagawang masama, siguro po ay hayaan muna natin at subukan natin sa susunod na taon. Ang sabi n’yo naman ay may eksaktong araw kung kailan nagpapadala, hindi ba? Bakit ho hindi niyo abangan?”
Iyon nga ang ginawa niya.
Hulyo 16 ng sumunod na taon. Maaga siyang nagtungo sa bayan, at nag-obserba sa di-kalayuan. Mahigit isang oras ang lumipas bago niya nakita ang isang matandang lalaki. Alam niya na agad na ito ang kaniyang hinihintay. Kilalang-kilala niya na ang tatak ng paperbag na hawak nito. Iyon ang tatak ng sapatos na taon-taong natatanggap ng anak niya.
Hindi na siya nag-atubili pa at agad-agad na lumapit sa matanda bago pa man nito maipadala ang regalo.
“Manong, pwede ko po kayo makausap?”
Kitang-kita niya ang gulat na bumakas sa mukha nito. Noon niya napagtanto na kilala siya ng lalaki, ngunit pilit nitong hindi pinahalata ang bagay na iyon.
Ipinagtaka niya lalo iyon, dahil sigurado siyang hindi niya kilala ang matanda. Sino ba ang matanda?
“Bakit ho?” malikot ang matang turan ng matanda.
“Ako po si Amanda. Ako ho ang ina ni Lia, ang batang pagbibigyan niyo ng regalo na ‘yan. Bakit ho pinapadalhan niyo ng regalo ang anak ko? Hindi naman ho namin kayo kilala,” malumanay na usisa niya sa matanda.
Bumagsak ang balikat ng matanda. Marahil ay alam nito na hindi na ito maaari pang magkaila dahil nahuli niya ito sa akto—hawak hawak pa nito ang regalo na may pangalan ni Lia.
Bilang pag-iingat dahil isang estranghero pa rin ang matanda, inimbitahan niya ito na umupo sa kalapit na parke kung saan marami ang namamasyal.
“Pasensya na kung hindi kayo komportable sa ginagawa ko. Wala naman akong masamang intensyon. Gusto ko lang na tuparin ang hiling ng aking namayapang anak.”
Gulat na napalingon agad siya rito. “Ano pong ibig niyong sabihin?”
May pait sa ngiti ng matanda, tila inaalala ang isang masakit na alaala.
“Apat na taon na ang lumipas nang masangkot sa aksidente ang anak at asawa ko. Nakaligtas ang asawa ko pero naging kritikal ang lagay ng anak ko,” kwento ng matanda.
Napapikit nang mariin si Amanda. Bilang ina ay alam niya kung gaano kasakit para sa magulang iyon. Minsan na rin kasing nalagay si Lia sa panganib.
“Ang sabi ng mga doktor, wala nang pag-asa at makina na lamang ang bumubuhay sa kaniya. Kaya kahit na masakit, tinanggap naming mag-asawa.”
Ramdam na ramdam ni Amanda ang sakit na pinagdaanan ng matanda. Mula sa gilid ng kaniyang mga mata ay nakita niya ang pagpupunas nito ng luha.
Nagpatuloy ito sa pagkukwento.
“Ngunit mukhang may ibang plano ang Diyos. Dahil habang nagluluksa kaming mag-asawa ay mayroon din palang mga magulang na kagaya namin ay nasa bingit ng kamat*yan ang anak. May sakit ang puso ang anak nila. Dahil doon, napagkasunduan naming mag-asawa na bigyan ng tyansa ang batang iyon na mabuhay. Binigay namin sa kaniya ang puso ng pinakamamahal naming anak.”
Nanlaki ang mga mata ni Amanda. Agad niyang napagtagpi-tagpi ang pangyayari. Nang titigan niya ang mga mata ng matanda ay tumango ito para kumpirmahin ang iniisip niya.
Naalala ni Amanda ang eksaktong pangyayari apat na taon na ang nakalilipas. Nasa ospital silang mag-asawa. Umiiyak at miserable. Inatake na naman kasi ang kanilang anak na may depektibong puso. Ayon sa mga doktor, kung hindi pa rin maooperahan sa araw na iyon ang anak nila ay baka kunin na ito sa kanila.
Hindi niya makakalimutan ang hagulgol nilang mag-asawa nang malaman nila na sa huling minuto ay naghimala at may puso na dumating para sa kanilang anak. Iyon ang dahilan kaya hanggang ngayon ay naniniwala siya na may himala.
Kahit anong pakiusap nilang mag-asawa ay hindi nila nalaman kung sino ang nagligtas sa buhay ni Lia. Ngunit sinumpa niya na buong buhay siyang magpapasalamat sa mga ito.
Hindi niya akalain na darating ang araw na makakaharap niya nang personal ang taong naging dahilan kaya kasama pa niya ang kaniyang anak.
Lumuluhang hinawakan niya ang kamay ng matanda at taos-pusong nagpasalamat.
“Nakikiramay ho ako, kahit hindi ko mauunawaan ang sakit na nararamdaman niyo,” aniya sa matanda.
“Masakit pa rin. Hindi namin alam kung dadating pa ba ang araw na masasanay kami. Pero ang mahalaga ay alam namin na nawala man si Yumi, may nabuhay naman dahil sa kaniya. Sana lang ay masaya na ang anak ko kung saan man siya naroroon,” lumuluhang tugon ng matanda.
Nang malingunan niya ang regalong nakapagitna sa kanilang dalawa ay hindi niya maiwasang mag-usisa.
“Para kay Yumi ho ba dapat ang mga sapatos na ipinapadala niyo sa anak ko?”
Tumango ang matanda.
“Sapatos. Gusto niya ng bagong sapatos. Sa katunayan, ngayon ang kaniyang kaarawan kaya sa tuwing sasapit ang araw na ito, pinapadala ko ang regalo ko sa inyo. Alam kong hindi siya si Yumi ngunit umaasa ako na makikilala iyon ng puso niya kahit papaano,” wika ng matanda, na lalong ikinadurog ng puso ni Amanda. May malungkot na ngiti sa labi nito.
Namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa. Walang siyang masabi upang maibsan ang pagdadalamhati ng isang ama na nawalan ng anak.
“Tungkol diyan sa regalo, kung hindi ka komportable sa pagpapadala ko, pwede ko namang itigil,” maya-maya ay wika ng matanda bago kinuha ang regalo.
Kinuha niya ang regalo mula sa matanda bago niya ito binigyan ng isang matamis na ngiti.
“Hindi po. Naiintindihan ko na po ngayon at walang problema sa akin. Sa totoo lang, kayo nga ang dapat na bigyan namin ng regalo. Pwede niyo pong ipadala ang regalo sa anak ko, gaano katagal niyo man gusto. Kung iyon po ay paraan para kahit papaano ay mabawasan ang lungkot sa puso ninyo,” sinsero niyang alok sa matanda.
Labis ang pasasalamat ng matanda bago ito tuluyang nagpaalam.
Nang araw na iyon ay umuwi siyang bitbit ang espesyal na regalo para sa anak. Nagtirik din siya ng kandila at magkasama silang mag-anak na nagdasal upang pasalamatan si Yumi at upang humiling na maghilom na ang sugat na dulot ng pagkawala nito.