Inday TrendingInday Trending
Pinagbawalan ng Matanda ang Dalawang Lalaki na Mangaso sa Gubat at ang Kapalit ay Bibigyan Sila Nito ng Biyaya; Tuparin Kaya Nito ang Ipinangako sa Kanila?

Pinagbawalan ng Matanda ang Dalawang Lalaki na Mangaso sa Gubat at ang Kapalit ay Bibigyan Sila Nito ng Biyaya; Tuparin Kaya Nito ang Ipinangako sa Kanila?

“O, pare, kanina ka ba pa?” tanong ni Delfin sa kaibigang si Trevor.

“Kararating ko lang. Nauna lang ako sa iyo ng kaunti,” sagot ng lalaki.

Mga bihasang mangangaso ang dalawa na nagkasundong magkasabay na mangaso ng mga hayop sa kabundukan. Ang mga mahuhuli ay ibebenta nila sa malaking halaga.

“Paniguradong tiba-tiba na naman tayo, pare, sa mga mahuhuli natin ngayon. Balita ko’y maraming magagandang uri ng hayop dito,” wika ni Trevor.

“Kaya nga maaga akong nagising at gumayak, eh, para maagang makarating dito. Excited na akong manghuli ng malalaking ibon,” tugon naman ni Delfin.

Ngunit buong araw na silang naglilibot sa masukal na gubat sa bundok ay wala ni isa silang nakitang hayop doon.

“Tila alam yata ng mga hayop na ‘yon na narito tayo, ah! Pinagtataguan nila tayo,” inis na sambit ni Trevor sa kaibigan.

“Napansin ko rin, pare. Napapagod na nga ako kakalakad, eh,” tugon ni Delfin na bagsak na ang balikat sa sobrang pagod.

“Magpahinga na muna tayo, ipagpabukas na lang natin ang pangangaso,” hayag pa ni Trevor.

“Mabuti pa nga. Napagod din ako sa mahabang biyahe kanina,” wika pa ng kasama.

Maya-maya ay biglang sumulpot sa kanilang daraanan ang isang matandang lalaki. May hawak itong tungkod at iika-ika kung maglakad.

“Alam ko ang dahilan sa pagpunta niyo rito,” sabi nito sa kanila.

Laking gulat ng magkaibigan sa paglitaw ng mahiwagang matanda sa kanilang harapan.

“S-sino po ba kayo?” tanong ni Trevor na ‘di alintana ang takot.

“Ako ang nangangalaga sa kagubatang ito sa kabundukan. Bibigyan ko kayo ng biyaya kung lilisanin ninyo ang lugar na ito,” sambit ng matandang lalaki.

Nagkatinginan sina Delfin at Trevor nang marinig ang salitang ‘biyaya’.

“Kakaunti na lang ang mga natitirang hayop sa lugar na ito, kung huhulihin niyo pa’y paano na ang kalikasan? Nagsusumamo ako, huwag ninyong gagambalain ang mga hayop sa kagubatang ito at ibibigay ko sa inyo ang magandang biyaya na tiyak na ikatutuwa ninyo,” saad pa ng matanda.

Kahit may pag-aalinlangan ay hindi na rin nakatanggi pa ang dalawa. Dahil parehong nangangailangan ay pumayag sila sa alok ng mahiwagang matanda.

“Umasa po kayong hindi na namin pakikialaman ang mga hayop sa kagubatan,” sinserong sabi ni Delfin.

“Umasa rin kayo na pagsapit ninyo sa inyong patutunguhan ay makakamtan ninyo ang biyayang ipinangako ko sa inyo,” tugon ng matanda habang pinagmamasdan ang kanilang paglisan sa lugar na iyon.

Pagdating ni Delfin sa bahay niya ay nagulat siya nang makita ang isang malaking baul na nakapatong sa ibabaw ng kanyang kama. Nang buksan niya ito ay mas lalo siyang namangha.

“Huh?! T-totoo nga na iba’t ibang klase ng antigong alahas, mamahaling mga bato at mga gintong barya nga ang mga ito! Maaaring ito na nga ang biyayang ipinangako ng mahiwagang matanda sa amin,” bigkas ni Delfin sa isip habang pinagmamasdan ang kayamanang nakalahad sa kanya.

Agad niyang pinuntahan ang bahay ni Trevor para ibalita ang nangyari.

“May dinatnan ka rin bang baul ng kayamanan sa bahay mo, Trevor?” tanong ng lalaki sa kaibigan.

“Wala, eh, ikaw ba? Niloloko lang yata tayo ng matandang hukluban na iyon!” sagot ni Trevor.

“Totoo ang sinabi niya, pare! May dinatnan akong malaking baul ng kayamanan sa kuwarto ko. K-kaya wala kang natanggap ay baka kailangan nating paghatian ang biyayang iyon na ibinigay niya? Ang mabuti pa’y hatiin natin, tutal ay marami naman iyon,” hayag ni Delfin.

Pinaghatian nga nila ang kayamanan ngunit ang ‘di alam ni Delfin ay…

“Naisahan kita, Delfin. Pareho lang tayong nagkaroon ng kayamanan. Ang laki mong gunggong nang hinatian mo pa ako sa nakuha mo,” natatawang sabi ni Trevor sa isip nang malamangan ang kaibigan.

Ginamit naman ni Delfin sa makabuluhan ang biyayang nakamtan. Nagpatayo siya ng magandang bahay at inilaan sa negosyo ang parteng nakuha niya hanggang sa lumipas ang ilang buwan ay naging matagumpay agad ang negosyong pinasok niya. Kung dati, ang pangagaso lang ang pinagkakakitaan niya, ngayon ay panay ang pasok sa kanya ng pera dahil sa pagiging magaling niyang negosyante. Madali ngang umangat ang buhay ni Delfin kaya isang plano ang balak niyang gawin.

“Kaunting panahon pa’y mabibili ko na ang kabundukan kung saan namin nakita noon ni Trevor ang mahiwagang matanda. Kapag napasaakin na ‘yon ay pangangalagaan ko upang hindi na mapinsala ng sinuman. Titiyakin ko na walang ibang taong gagambala sa mga hayop na naroon. Maging ang mga puno sa kagubatan ay walang makagagalaw,” wika ni Delfin habang iniisip ang iba pa niyang balak gawin.

Ang hindi alam ni Delfin ay nakasubaybay sa kanya ang mahiwagang matanda.

“Dahil sa kabutihan ng iyong kalooban ay gagantimpalaan kitang muli,” sambit nito sa sarili habang lihim na nakamatyag sa lalaki.

Kung ginamit ni Dlefin sa mabuti ang biyaya, si Trevor naman ay…

“Tayo nang umuwi Trevor, malaki na ang natatalo natin sa casino!” inis na sabi ng nobya niya.

“Don’t worry, babe, marami pa tayong datung,” tatawa-tawang sagot ng lalaki.

Nang sumunod na araw ay gulat na gulat si Delfin nang may makita na naman siyang malaking baul na nakapatong sa ibabaw ng kanyang kama.

“Huh?! Punum-puno muli ng alahas at mamahaling bato itong bagong baul! Hindi pa nga nauubos ang mga nakatago kong kayamanan, eh, meron na namang bagong biyaya!” manghang sambit ni Delfin.

Dahil sa bago niyang biyaya ay agad niyang nabili ang kabundukang minimithi. Pinatamnan niya ng mga halaman ang mga bakanteng lupa roon at wala nang pinahintulutang magpunta sa loob ng kagubatan upang wala nang magambalang mga hayop. Sa ginawa niyang iyon ay mas lalo pa siyang inulan ng suwerte. Mas lalo pang lumago ang kanyang negosyo at nagkaroon pa siya ng marami pang lupain at ari-arian.

“Gaya nang ipinangako ko noon na hindi ko na papakialaman ang mga hayop sa kagubatan. Pakaiingatan ko ang kabundukang ito. Utang ko ang lahat nang nangyayari sa akin ngayon sa mahiwagang matanda na nagbigay sa akin ng biyaya na habambuhay kong ipagpapasalamat sa kanya at sa Panginoon,” bulong ni Delfin sa sarili habang pinagmamasdan ang malawak na kabundukan.

Samantala, si Trevor ay naghihirap na dahil sa walang habas niyang paggasta sa mga walang katuturan. Naubos ang kayamanan niya at nabaon pa siya sa utang. Laking panlulumo niya sa nangyari sa buhay niya. At nang minsang dalawin siya ni Delfin ay…

“Ano?! Nabiyayaan ka rin ng kayamanan?!” gulat na tanong ni Delfin sa kaibigan.

“Oo, pare. Inilihim ko sa iyo na nagkaroon din ako ng baul ng kayamanan para lamangan ka’t makihati sa nakuha mong biyaya ngunit naging kampante ako na hindi agad mauubos ang kayamanang ibinigay sa akin noon ng matanda. Gumastos ako nang gumastos at hindi ginamit sa makabuluhan kaya heto ako ngayon, mas mahirap pa sa daga. Patawarin mo ako, Delfin, maaaring ito na ang aking naging karma sa nagawa kong kasalanan sa iyo,” nagsisising sagot ni Trevor.

“Kalimutan na natin iyon, pare, at huwag kang mag-alala, pahihiramin kita ng magiging puhunan mo para makapagsimula ka sa isang negosyo. Ipangako mo lang na gagamitin mo na sa tama ang ibibigay ko sa iyo,” hayag ni Delfin.

Napaluha si Trevor sa sinabing iyon ng kaibigan.

“Salamat, pare. Napakabuti mo. Umasa kang hindi kita bibiguin sa nais mong mangyari,” buong kababaang loob na sagot ni Trevor.

Kung naging marunong lang sana si Trevor gaya ni Delfin sa paggamit sa biyayang ipinagkaloob sa kanya ay hindi niya daranasin ang paghihirap at kamalasan.

Buhat noon ay hindi na nagpakita pa sa kanila ang mahiwagang matanda. Natuto na rin si Trevor na ingatan at bigyang halaga ang bawat biyayang nakukuha niya. Tinulungan din niya si Delfin sa pangangalaga sa kalikasan.

Advertisement