
Nang Maka-Angat sa Buhay ay Tinalikuran ng Mag-Asawa ang Mag-Anak Nilang Kaibigan; Sa Huli ay ang mga Ito pa Rin ang Matatakbuhan Nila
Matagal nang magkakaibigan ang pamilya nina Nidoy at Celso. Bata palang kasi ang dalawang lalaki ay sila na ang magkasanggang-dikit. Nang parehong makapag-asawa ay naging magkumare naman ang kanilang mga misis na sina Dolores at Nadia. Maging ang mga naging anak nila’y magkakasundo rin at magkakalaro.
“Mareng Nadia, tikman mo itong niluto kong kare-kare!” wika ni Dolores sa kaibigan.
“Naku, masarap ito, tiyak na magugustuhan ito ni Jericho ko!” tuwang-tuwang sabi ng babae nang makita’t malanghap ang amoy nang nilutong ulam ni Dolores.
Habang ang magkumpareng Nidoy at Celso naman ay masayang nag-iinuman sa labas ng bahay.
“Alam mo, pareng Nidoy, magandang balita, natanggap ako sa inaplayan kong posisyon sa gobyerno at malaki ang suweldo ko roon!” hayag ni Celso.
“Eh, ‘di ayos pala, Pareng Celso. Tama pala ang sabi nilang nariyan ang pera sa pinasukan mong opisina,” masayang tugon ng lalaki sa kaibigan.
“Sinuwerte lang ako, pare dahil medyo malakas ang padrino ko. Ikaw baka gusto mo rin?” tanong ni Celso.
“Naku, huwag na, pare, wala naman akong natapos na tulad mo,” sagot naman ni Nidoy.
Hindi tulad ni Celso ay hindi nakatapos ng pag-aaral si Nidoy. Hanggang second year high school lang ang naabot niya samantalang nakapagtapos sa kursong office administration si Celso.
Nang matagal na sa pinapasukang opisina si Celso at kumikita na nang malaki ay tila nag-iba ang ugali nito. Pati ang asawang si Nadia ay biglang lumayo ang loob sa pamilya ni Nidoy.
Nang minsang makita ni Nadia na nakikipaglaro ang anak na si Jericho sa dalawang anak ni Nidoy na sina Bing at Paulo ay nagalit ito.
“O, bakit, anak inano ka nila?” tanong ng babae nang makitang umiiyak ang anak.
“Inagaw po kasi ni Paulo ‘yung kendi ko, mommy, eh!” humihikbing sagot ng bata.
“Binibiro ko lang naman po siya tita, eh, umiyak agad!” tugon naman ni Paulo.
Dali-daling hinila ni Nadia sa braso ang anak at sapilitang isinama pauwi.
“Tara, umuwi na tayo sa bahay! Sabi ko naman sa iyo na huwag kang makipaglaro sa mga ‘yan, eh!” sambit ng babae sa malakas na tono.
‘Di alam ni Nadia na dinig na dinig ni Dolores ang sinabi niya.
“Aba, nagpaparinig, ata! Nag-iba na ang ugali ni mare, ah!” bulong ni Dolores sa isip.
Kinagabihan ay kinausap ni Dolores ang mister.
“Nidoy, napapansin kong naging matapobre na si Mareng Nadia,” sumbong niya sa asawa.
“Oo nga eh, pati si Pareng Celso, matabang na rin sa atin. Hindi na nga nagyayayang makipag-inuman sa akin, eh,” sagot naman ng lalaki.
Hindi lang pala sila ang nakakapansin sa pag-iiba ng ugali ng mag-asawang Celso at Nadia, pati ang mga kapitbahay nila ay nagtataka na rin.
“Ano bang nangyayari sa inyo ha, Nidoy? Bakit pinababakuran ni Celso ang bahay niya? Dati nama’y gustung-gusto niya na walang harang ang bahay niyong dalawa dahil sobrang malapit kayo sa isa’t isa pati ang mga pamilya ninyo?” tanong ng kapitbahay nilang si Mang Ador.
“Ewan ko ho, Mang Ador, hindi ko rin maintindihan,” tangi niyang tugon.
“Nagbago ang ugali ni Celso mula nang mapuwesto sa gobyerno. Kumapal na kasi ang bulsa,” sabad naman ng kapitbahay nilang si Aling Ising.
“Kumapal naman ang mukha. Garapalan daw kung tumirada sa pinagtatrabahuhan niya!” wika naman ni Mang Kulas.
Todo tanggol naman si Nidoy sa kaibigan.
“Hindi naman ho yata magagawa ‘yon ni Celso, Mang Kulas,” aniya.
“Naku, ewan ko lang, pero malakas ang bulung-bulungan na kasama siya sa mga gumagawa ng katiwalian doon,” giit ng matanda.
Hindi na nakipagtalo pa ang lalaki at sa halip ay naniniwalang inosente ang kaibigan.
Samantala, pati ang mga anak niyang sina Bing at Paulo ay napapansin na malayo na ang loob sa kanila ng kaibigang si Jericho.
“Kuya, ang daming laruan ni Jericho, o! At may kasama pang yaya!” sambit ni Bing sa nakatatandang kapatid.
“Oo nga, eh, mayaman na kasi sila,” sagot naman ni Paulo.
Maya-maya ay itinaboy sila ng yayang nag-aalaga kay Jericho.
“Hoy, umalis nga kayo rito mga pangit na bata! Ang dudungis ninyo, baka mahawaan pa ng mikrobyo ang alaga ko!” sigaw ng babae.
Nagmamadali namang umalis sa harap ng gate ng bahay nina Celso ang magkapatid at bumalik na sa kanilang bahay.
“Ang sungit nung yayang ‘yon ‘no! Mukhang bisugo naman!” natatawang sabi ni Paulo.
“Kuya, ang salbahe mo talaga!” sagot ni Bing na ‘di na rin napigilang humagalpak nang tawa.
“Joke lang ‘yon, siyempre” sambit pa ng kapatid.
‘Di nagtagal, bukod sa nagpagawa ng mas malaking bahay ay nakabili na rin ng sasakyan si Celso na kinaiinggitan ng kanilang mga kapitbahay.
“Talagang mayaman na sina Celso ano,” wika ni Aling Ising.
“Malakas daw ang kapit niyan, eh, kaya kita naman ninyo, dala-dalawa pa ang tsikot,” sabad ni Mang Kulas.
“At mas lalong yumabang ang mag-asawang ‘yan. Kapag lumalabas nga ng bahay nila ay taas noo’t walang nakikilalang kapitbahay,” inis namang sabi ni Mang Ador sa mga kasama.
Kinagabihan ay may ibinalita si Bing sa kapatid.
“Birthday ni Jericho bukas, Kuya Paulo. Siguradong marami silang handa!” hayag ng bunsong kapatid.
“Oo nga, pero hindi naman tayo imbitado. Puro mayayamang kaibigan niya sa eskwelahan ang inimbita ni Jericho, eh,” sagot naman ni Paulo.
Nang sumunod na araw ay biglang kumalat sa kanilang lugar ang tungkol sa pagkakasangkot ni Celso sa katiwalian sa pinapasukang opisina.
“Nabalitaan mo bang kasama raw si Pareng Celso sa iimbestigahan, Dolores?” tanong ni Nidoy sa asawa.
“Oo, nabalitaan ko kay Mang Ador kanina sa labas. Totoo pala ang tsismis kay pare? Kawawa naman siya,” malungkot na sagot ng babae.
Mula nang kumalat ang balitang iyon sa lugar nila ay naging tampulan na ng tukso ang anak ni Celso na si Jericho ng mga kalaro nito.
“Belat! Kawawa ka naman Jericho, wala nang trabaho ang tatay mo dahil may ginawang kasalanan! Ayaw na namin sa iyo!” bulyaw ng isa nitong kalaro.
“Huwag na nating lapitan ‘yan! Anak ‘yan ng mandarambong!” gatol naman ng isa pang mapang-asar na bata.
Nakita ng magkapatid na Paulo at Bing ang ginagawang pang-aaway ng mga bata kay Jericho na umiiyak na, kaya ipinagtanggol nila ito.
“Tigilan ninyo ang kaibigan namin! Kung mang-aasar lang kayo, umalis na kayo!” malakas na sigaw ni Paulo sa mga mapanuksong kalaro ni Jericho.
Dahil sa mas matangkad siya sa mga ito ay nagsitakbuhan palayo ang mga bata.
“Huwag ka nang umiyak, Jericho. Tayo na lang ang maglaro ha?” sabi naman ni Bing.
“Talaga? Hindi kayo galit sa akin?” tanong ng bata na tumigil na sa pag-iyak.
“Oo, hindi. Kaibigan ka pa rin namin. Maging sina inay at itay ay hindi rin galit sa iyo at kina tito at tita,” tugon naman ni Paulo.
Lingid sa tatlong bata ay nakita sila ng mag-asawang Celso at Nadia. ‘Di napigilan ng dalawa na maluha.
“Kasalanan natin ito, Celso. Pati tuloy ang ating anak ay nadadamay. Hindi natin dapat nilayuan at pinagmataasan ang pamilya ni Pareng Nidoy. Kita mong mga anak pa nila ang nagtanggol sa anak natin. Maling-mali ang ating nagawa, kinalimutan natin na mga kaibigan natin sila,” sambit ni Nadia sa asawa.
“Oo nga eh, naging karma ko tuloy ang masangkot sa katiwaliang hindi naman ako kasali. Mabuti na lang at napatunayan na wala akong kasalanan, pero ang masakit, kahit nalinis ang aking pangalan ay tinanggal pa rin ako sa trabaho. Balik ngayon tayo sa hirap, iilitin pa ng gobyerno ang ating mga ari-arian dahil ang ginastos dito’y pera na kinuha sa kanila ng mga tiwali kong kasamahan. Hindi rin tayo nakapag-ipon at walang ginawa noon kundi ang gumastos at magpasarap. Pati tuloy mga kasambahay natin at yaya ni Jericho ay mapipilitan nating paalisin dahil wala na tayong ipapasahod sa kanila,” tugon ni Celso kay Nadia.
Pinuntahan ng dalawa ang mag-asawang Nidoy at Dolores para humingi ng paumanhin at magsisi sa kanilang mga naging pagkakamali.
“Patawarin ninyo kami sa pagtalikod namin sa inyo bilang mga kaibigan. Hindi namin dapat ‘yon ginawa sa inyo,” buong kababaang loob na sabi ni Celso.
“K-kukumpiskahin daw ang aming ari-arian… pati ang bahay namin. Wala rin kaming naipon kaya hindi namin makakaya sa ngayon na makahanap ng bagong malilipatan. Saan kami titira?” hagulgol ni Nadia.
Agad na dinamayan ng mag-asawa ang mga kaibigan.
“Kalimutan na natin ang mga nangyari. Huwag na kayong mag-alala at bukas ang aming tahanan para sa inyo,” tugon ni Nidoy.
“Hindi na kayo iba sa amin, mare. Sa amin na muna kayo tumira. Hayaan ninyo’t may awa ang Diyos at makakahanap din ng bagong trabaho si pare,” sambit ni Dolores na niyakap ang kaibigang babae.
“S-salamat, mare, pare… patawarin ninyo kami sa inasal namin, nakalimot kami,” sagot naman ni Nadia.
“Dito na kayo titira, Jericho! Araw-araw na tayong maglalaro!” masayang sabi ni Paulo sa kaibigan.
“Parang kapatid ka na rin namin, Jericho, ‘di ba, maganda ‘yon?” sabad ni Bing.
“Oo nga, apir!” tuwang-tuwa namang sagot ni Jericho sa magkapatid.
At nagtawanan ang tatlong bata na tila walang mga problema.
Napagtanto ng mag-anak ni Celso na sadyang mabubuting kaibigan ang mag-anak ni Nidoy dahil sa kabila ng lahat ay tinanggap pa rin sila ng mga ito kahit minsan na nilang tinalikuran nang makaangat sila sa buhay. ‘Di nila inasahan na ang mga ito pa rin ang aagapay at masasandalan nila sa oras ng kagipitan.